Madalas na debate sa mag-asawa kung ano’ng dapat na birth control ang gagamitin, lalo na kung ayaw pang magkaanak ulit, o kung ayaw nang magkaanak pa. Halos lahat ng birth control o contraceptive ay para sa babae: diaphragm, pills, injectibles, IUD. Kaya naman maraming kababaihan ang humihiling sa mga asawa o parnter nila sila naman ang umako ng responsibilidad pagdating sa usaping ito.
Kung sigurado na ang mag-asawa na ayaw nang magkaanak pang muli, may permanenteng paraan para dito—para sa babae at para sa lalaki. Makakatulong ang iyong doktor para makapag-paliwanag tungkol dito nang ayon sa partikular na kalusugan ninyong mag-asawa. Pero makakatulong kung mapapag-aralang mabuti ang tungkol dito para makapag-desisyon ng may sapat nang kaalaman. Anuman ang desisyon, ito ay kailangang maingat, mapanuri at personal na kagustuhan.
Ano nga ba ang Tubal Ligation at Vasectomy?
Para kay mister: Vasectomy
Ito ang pamamaraan para sa mga kalalakihan, kung saan tinitigil ang pagdaloy ng sperm papunta sa semen. Maraming pumipili nito dahil epektibo at walang hassle, at may 99% success rate. Sa Amerika at Kanluraning bansa, mas marami ang sumasailalim sa vasectomy kaysa mga babaing nagpapatali ng tubo.
Bukod pa sa simple at ligtas ang procedure, pwede pang out-patient ito at kayang gawin ng doktor sa kaniyang clinic nang 15 hanggang 30 minuto.
PROSESO:
Mayroong no-scalpel vasectomy, at conventional o incisional vasectomy. Sa isang conventional vasectomy, magkakaron ng hiwa sa balat ng scrotum ng lalaki. Ang vas deferens, kung saan dumadaan ang sperm, ay tinatanggal, pinuputol o tinatali. Hindi makakadaloy and sperm sa semilya, at mapipigil ang pagbubuntis dahil walang sperm.
Sa no-scalpel method, walang hiwa o tahi. Bumubutas ang doktor sa balat ng scrotumat saka hinaharang, tulad ng sa conventional vasectomy. Walang sugat, walang tahi, walang pagdurugo.
Mabilis din ang recovery at wala man lamang tahi dahil maliit na butas lamang sa balat ang gagawin. Kung may tahi man, matutunaw ang “sinulid” at hindi na mapapansin o makakaabala. Mayron lang discomfort o pamamaga sa loob ng ilang araw, at kayang mapahupa ng yelo o ice pack.
EPEKTO NITO:
Ang pangunahing pag-aalala ng mga lalaki ay ang epekto nito sa sex life nilang mag-asawa. Ayon sa mga espesyalista, normal pa rin ang erection at ejaculation ng mga lalaki pagkatapos ng vasectomy. Sperm lang kasi ang nawala, pero may semilya pa din. Kung baga sa bala ng baril, empty bullets o blanks lamang ang naibubuga. Bagkus pa nga, mas magiging masigasig pa ang lalaki dahil nga wala nang inaalalang contraception habang nagtatalik.
Sa loob ng after 2 linggo matapos ang procedure, dapat magpahinga at huwag magbubuhat ng mabibigat ang lalaki. Kailangan ding ng underwear na may scrotal support. Karaniwang nilalagyan din ng ice pack para maibsan ang pamamaga o sakit. Ang pagtatalik ay pwede lamang pagkatapos din ng 2 linggo.
Ang vasectomy ay hindi madaling i-reverse, kaya kailangang pag-isipang mabuti bago tuluyang gawin. May mga naging tagumpay na na reversals, pero hindi ito basta basta at mahal ang procedure. Mas matagal ang surgery nito at kailangang sa ospital gawin.
Para sa babae: May dalawang uri ng female sterilization:
1. Tubal Ligation
Ang fallopian tube naman ng babae ang pinuputol o tinatali sa procedure na ito. Sa tubong ito dumadaan ang mga itlog ng babae mula sa obaryo papunta sa uterus. Marami na rin ang gumawa nito at subok nang epektibo. May mga panganib tulad ng pagdurugo ng labis, impeksiyon, damage sa iba pang mga organs, side effects mula sa anesthesia, at ectopic pregnancy, kung saan ang itlog na fertilized na ay mananatili sa fallopian tube.
PROSESO:
Katulad din ng vasectomy, mabilis ang procedure at walang gaanong problema kung espesyalista ang hahawak, ngunit walang clinic na nagsasagawa nito. Kailangang sa ospital ito gawin. Marami ang ipinapagawa ito kasabay ng panganganak ng C-section, kung nakapag-desisyon na ang mga-asawa na hindi na muling mag-aanak. May anesthesia din ito, at may ginagawang dalawang maliliit na hiwa malapit sa pusod. Pinuputol o tinatali ang fallopian tubes (dalawa ito, magkabila) para hindi na makadaloy papuntang uterus ang itlog na fertilized man o hindi.
Ayon sa mga pagsusuri, ang procedure na ito ay maaaring magligtas sa isang babae mula sa pagkakaroon ng ovarian cancer.
EPEKTO NITO:
May pananakit at discomfort, sa umpisa pero maaaring bigyan ng doktor ng gamot para dito. Katulad din ng vasectomy, walang pagbabago o epekto sa sex life ang dapat ikabahala. Patuloy din ang mestruation buwan buwan at hindi ito maaantala. Kung may pagbabago man sa buwanang dalaw, ito ay dahil hindi ka buntis, nagpapasuso o umiinom ng pills. Hindi rin naaapektuhan ang hormones, taliwas sa paniniwala ng iba.
2. Tubal Sterilization
Ang hysteroscopic sterilization ay isang option sa Canada, gamit ang produktong Essure. Ito ay isang bagong pamamaraan na hindi nangangailangan ng incisions o anaesthesia. Ginagawa na ito sa mga ospital sa buong Canada dahil covered ito ng karamihan sa mga provincial healthcare plans. Ayon sa medical journal ni Dr. John Thiel, Director ng Women’s Health Clinic sa Regina Qu’Appelle Health, ang Essure ay nasasagawa sa loob lamang ng 10 minuto at ang recovery time ay mas maikli kaysa tubal ligation. Mayron lang napakaliit na device, na parang spring ang ipapasok sa fallopian tubes, at babara sa tubo. Imbis na magkaron ng hiwa, ipinapasok ito sa vagina.
EPEKTO NITO:
May pananakit sa bandang tiyan at puson, pagdurugo, spotting at pagbabago sa buwanang dalaw, at may mga naitala nang komplikasyon sa mga coils tulad ng pagkapunit ng uterus o fallopian tubes. May mga nagkakaron din ng allergic reaction to them kaya’t nagpapatanggal nito sa huli, kaya’y ipinapayo ng Food and Drugs Administration na huwag iwaksi ang pagtala ng Patient -Doctor Discussion Checklist bago ang anumang procedure, at siguraduhing nasabi sa doktor ang lahat ng medical condition.
Mayroong 99% ang kasiguraduhan ng pagiging epektibo nito, pero hindi kaagad, dahil kailangang gumaling muna ang sugat, kaya’t kailangan ng contraception sa loob ng 3 buwan pagkatapos ng procedure.
Narito ang ilang katanungan na dapat tanungin sa sarili at sa isa’t isa, bago mag-desisyon:
Naiintindihan ba na permanente ito, at maaaring hind na maibabalik pa sa dati ang reproductive system na tinali o pinutol?
Matatanggap bang hindi na magkakaron pang muli ng anak?
Paano kung may mangyari sa iyong anak, handa bang hindi na magkaanak pang muli?
Paano kung magkahiwalay kayo ng kabiyak, handa ka bang hindi na magkaanak sa ibang magiging kasama sa buhay?
Sigurado na bang ayaw ng ibang contraception?
Magkasundo ba ang mag-asawa sa desisyong ito?
Ang mga procedure na ito ay hindi nangangailangan ng spousal consent, ayon sa legalidad nito, ngunit mas mabuti kung mapag-uusapang mabuti ng mag-asawa bago gawin.
SOURCES:
The Essure procedure: essure.com
The Society of Obstetricians and Gynaecologists of Canada: www.sogc.org/index_e.asp
The Gentle Vasectomy Clinic: gentlevasectomy.com
Patient pamphlet: cua.org/documents/patient_information/48e-vase0608r.pdf
Vasectomy book: no-scalpelvasectomy.com/nsvBook-08.pdf
Sexual health: www.sexualityandu.ca
Photo from: freestockphotos.biz
READ: Usaping Contraceptives: Anu-ano ang Meron Tayo, at Saan Makukuha ang mga Ito