Water is life, ika nga. Pero paano naman ang mga baby? Alamin rito ang mga panuntunan ng pagpapainom ng tubig para sa sanggol.
Napakahalaga ng tubig para maging malusog ang ating pangangatawan. Halos lahat ng doktor at mga medical articles ay magpapayong uminom ng maraming tubig ang isang tao para maiwasang madehydrate at makaiwas sa mga sakit.
Subalit para sa mga sanggol na wala pang 6 na buwan, mariin na sinasabi ng mga pediatrician ang pagpapainom ng tubig. Bakit kaya?
Talaan ng Nilalaman
Bakit hindi kailangan ng tubig ng mga sanggol na wala pang 6 na buwan
Pinasususo man o binibigyan ng formula, hindi kailangan ng tubig nga iyong sanggol hanggang siya ay makarating sa ika-anim na buwan kung kailan handa na siyang kumain ng mga pagkaing solid.
Ayon kay Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, hindi naman kailangang painumin ng tubig ang maliliit na sanggol dahil sapat na ang nakukuha niyang tubig mula sa gatas.
“Actually you don’t give water during the first 6 months of life ng bata. Kasi enough naman iyong water sa breastmilk at kung naka-formula, enough rin iyong water doon.”
Ito ang mga rason kung bakit hindi masyadong maganda para sa kalusugan ang pagbibigay ng tubig para sa baby mo:
-
Mabubusog agad si baby
Ang tubig ay walang calories ngunit nakakabusog pa rin sa iyong sanggol. Ito ay makakapagpawalang-gana sa kanyang uminom ng gatas. Ito rin ay maaaring magdulot ng pagbaba ng timbang at pagtaas ng bilirubin sa katawan.
“Kapag nagwater ka kasi ang tendency mas hihina iyong intake ng milk ng baby,” ani Dr. Tiglao
-
Maaari itong magdulot ng electrolyte imbalance.
Hindi pa kaya ng mga kidney ng iyong sanggol na humawak ng masyadong maraming likido, at ang pagbibigay ng tubig para sa baby mo ay maaaring maging sanhi para ang mga ito ay magtanggal ng mga electrolytes at sodium sa katawan na siyang sanhi ng dehydration at electrolyte imbalance.
-
Water intoxication sa mga sanggol
Ang kidneys ng sanggol ay hindi pa gaanong developed kaya hindi pa nito kayang magbitbit o maglabas ng masyadong maraming fluids nang mabilis.
Kaya ang pagbibigay ng tubig para sa sanggol na wala pang anim na buwan (bukod sa gatas ng ina o pormula) ay maaaring magdulot ng excess na hindi kaya ng kanyang katawan.
“It has something to do – number one immature pa iyong kidneys ng babies. So hindi niya pa kaya iyong fluid overload.
You have fluid already in your breastmilk or formula. Hindi pa kaya ng kidneys ang maraming water, we call it water intoxication din,” paliwanag ni Dr. Tiglao.
Ang water intoxication ay maaring magsanhi ng seizures o kombulsyon sa mga sanggol, pati na rin coma, brain damage at sa ilang kaso, kamatayan.
Narito ang ilang sintomas ng water intoxication na dapat mong bantayan:
- Pagsusuka
- Pananamlay at pagkaantok
- Pamamawis nang sobra
- Pagbaba ng temperatura ng katawan (<97 °F o 36.1 °C)
- Pag-ihi nang madalas (6-8 na basang lampin kada araw)
- Pag-atake ng seizure (pagkibot ng mukha, lip-smacking, pagtirik ng mga mata, rhythmic na pag-alog ng mga bisig at binti)
Kapag napansin ang anuman sa mga sintomas na ito, huwag mag-atubiling tumawag sa doktor ni baby.
Gaano karaming tubig ang nasa gatas?
Tubig sa breast milk
Ang mga sanggol na exclusively breastfed ay pihadong hindi mangangailangan ng karagdagang tubig, lalo na kapag bago pa sila kumain ng mga pagkaing solid sa ika-anim na buwan nila.
Inilahad ni Kelly Bonyata (IBCLC) na ang gatas ng ina ay may 88% na tubig (lalo ang “foremilk”) at nagbibigay ito sa sanggol ng lahat ng mga likidong kailangan niya.
Maging sa unang mga ilang araw pagkapanganak, ang colostrum ng ina ang nagbibigay ng sapat na tubig kaya hindi na kailangan ng sanggol ng iba pang likido.
Tubig sa formula milk
Kapag umiinom ng formula milk ang sanggol, hindi na niya kailangang uminom ng tubig kung wala pa siyang 6 na buwan. Ang gatas na formula ay binubuo ng 80% na tubig at nagbibigay ng sapat na hydration sa iyong sanggol.
Ayon sa pediatrician na si Stephen R. Daniels, kailangang manatili sa proporsyon ng gatas na powder at tubig na nakasaad sa pakete ng pormula, tuwing nagtitimpla.
Ang pagdadagdag ng maraming tubig sa pormula ay hindi lang nakapagpapalabnaw sa sustansiya nito, kundi maaari ring magdulot ng water intoxication.
Mga maling paniniwala tungkol sa pagbibigay ng tubig para sa sanggol
“Pwede bang magbigay ng tubig na may asukal?”
Maaaring napayuhan ka na ng mga nakatatandang kamag-anak na bigyan ang bagong-silang mong sanggol ng tubig na may asukal.
Ang nakagawiang ito ay hindi inirerekomenda at ipinagbabawal ng mga eksperto tulad ng Academy of Breastfeeding Medicine. Pahayag nila, ang pagsusuplemento sa unang mga araw ay nakahahadlang sa normal na kadalasan ng pagpapasuso.
Gayundin, isang pag-aaral na nailathala sa Lancet ay nagpapayong ang sucrose (chemical na nasa asukal) ay hindi epektibong lunas sa sakit.
Kung ang pangsuplemento ay tubig o tubig na may asukal, ang sanggol ay nanganganib na tumaas ang bilirubin, mangayayat, magtagal sa ospital, at makaranas ng water intoxication.
“Kapag mainit ang panahon, pwede bang uminom ng tubig?”
Kung sobrang init ng panahon, pwede na bang painumin ng tubig ang baby na wala pang 6 na buwan?
“Hindi” pa rin ang sagot, ayon sa isang masusing pananaliksik (Almroth at Bidinger, 1990; Ashraf et al, 1993; Sachdev et al, 1991).
Kahit mainit sa labas, ang mga sanggol na exclusively breastfed ay hindi nangangailangan ng tubig.
Sa ganitong mga araw, mapapansing ang mga sanggol ay karaniwang sumususo nang mas madalas, pero sa mas maiksing panahon kada beses. Nangyayari ito dahil nakakakuha sila ng nakapapawing-uhaw na foremilk, na nabibigay ng sapat na hydration.
Nangangahulugan ding kailangan ng nanay na uminom ng maraming tubig para mapunan ang mas matinding pangangailangan ng sanggol ng gatas sa mainit na panahon.
Ang mga sanggol na dumedede ng formula ay hindi rin nangangailangan ng karagdagang tubig sa maiinit na araw; kailangan lang mas dalasan ang pagpapainom ng gatas at siguraduhing ihanda ang formula ayon sa mga instruksiyon.
Sa mga sitwasyong ang sanggol ay kulang sa inumin o kaya’y nagkakasakit sa tiyan (na nagdudulot ng matinding kawalan ng mga likido sa katawan), ang kanyang doktor ay maaaring magpayong bigyan siya ng tamang dosage ng oral rehydration solution (na hindi tubig).
“Kapag naglungad ang baby, dapat bang painumin ng tubig?”
Hindi rin ayon kay Dr. Tiglao. Narito ang kaniyang paliwanag:
“No, don’t give water kapag naglungad. Kapag naglungad, the moment na nagbigay ka ng water lalo siyang magsusuka. Kasi kapag naglungad iyan, (ibig-sabihin) active pa iyan sa dibdib o lalamunan niya.” aniya.
Payo ng doktora, hayaan munang magpahinga si baby at huwag munang padedehin, at lalong bawal bigyan ng tubig.
“Dapat i-rest, wala ka munang ibibigay. Hayaan mo munang maglungad then rest and feed after 30 minutes.” aniya.
Kailan maaaring painumin ng tubig ang sanggol?
Narito na ang tamang panuntunan ng pagbibigay ng tubig para sa sanggol:
Newborn hanggang 6 na buwan
Ang mga sanggol na ito ay hindi maaaring bigyan ng tubig bukod sa gatas ng ina o formula milk, maliban kung ipinayo ng doktor.
Mga sanggol mula 6 hanggang 12 na buwan
- Pagtungtong ng ika-anim na buwan, maaari nang magbigay ng kaunting sipsip ng tubig para sa baby mo upang sanayin siyang gumamit ng sippy cup. Humigit-kumulang sa dalawang ounces ng tubig kada 24 na oras ang nirerekomenda ng mga eksperto na ibigay sa panahong ito. Anumang hihigit pa rito ay maaaring makahadlang sa pag-inom ng gatas, na nananatiling mas importante sa nasabing mga buwan.
- Kapag nagsimula na siyang kumain ng mga solid, bigyan siya ng kaunting tubig pagkatapos ng pagkain para maiwasan ang pagtitibi. Pero huwag hayaang palitan ng tubig ang gatas ng ina o pormula.
- Paglapit ng kaniyang unang kaarawan, maaari nang dagdagan ang tubig para sa sanggol upang sabayan ang pagdami ng kanyang pagkilos.
Mga sanggol edad 12 buwan pataas
- Sa edad na ito, ang mababawasan ang pag-inom ng gatas ng iyong anak kasabay ng pagdami ng pagkain niya ng mga solid na pagkain—tatlong beses kada araw, pati mga merienda.
- Dahil dito at kasabay ng pagiging mas maliksi, ang pag-inom ng tubig ng iyong sanggol ay kusang dadalas.
- Inirerekomenda ng United States Department of Agriculture na ang mga bata ay uminom ng humigit-kumulang 1.3 litro ng tubig kada araw (humigit-kumulang 4.23 na tasa). Ito ay hindi lang limitado sa tubig at maaaring manggaling sa lahat ng pagkain at inumin, kasama na ang gatas.
- Kung nahihirapan kang painumin ang maliksi mong anak ng sapat na mga inumin, subukang bigyan siya ng tubig sa pamamagitan ng makukulay na sippy cup o maglagay ng yelo sa kanyang baso. Maaari ka ring magdagdag ng mga pagkaing mayaman sa tubig tulad ng pakwan, ubas, at iba’t-ibang klase ng sopas.
Ang artikulong ito ay unang inilathala sa theAsianparent Singapore at isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.