Ulo ng bagong-silang na sanggol, ano ang normal at ano ang hindi? Alamin rito.
Pagkatapos ng ilang buwang paghihintay, dumating na ang iyong sanggol. Marahil bago ka manganak, iniisip mo na siguro kung anong magiging itsura niya. Pero masusurpresa ka pa rin na iba pala ito sa inakala mo—lalo na kapag nakita mo na ang ulo ng bagong-silang na sanggol!
Pagbabalat, pagkakaroon ng acne, at ang iregular na hugis ng ulo ng bagong-silang na sanggol ay ilan lang sa mga kakaibang mapapansin sa kanya. Bilang bagong magulang, hindi mo maiwasang mag-alala lalo na kung hindi ito ang inaasahan mo.
Pero ang pagkakaroon ng mga ito ay normal at maaaring magtagal nang ilang araw o ilang linggo matapos siyang ipanganak. Pero siyempre, cute na cute pa rin siya sa paningin mo!
Nababahala ka ba sa ulo ng iyong newborn? Narito ang ilang mahalagang impormasyon para sa ikapapalagay ng loob mo.
Talaan ng Nilalaman
Ulo ng bagong-silang na sanggol: mga dapat mong malaman
Ano itong malambot na bahagi sa ulo ni baby?
Mayroong dalawang bahaging tinatawag na fontanelle ang matatagpuan sa ulo ng bagong-silang na sanggol—isa sa tuktok at isa sa likod.
Ang dalawang bahaging ito ay may dalawang importanteng silbi: (a) tumulong sa paghubog ng bungo ng iyong sanggol para madali itong maurong at makadaan sa iyong puwerta, at (b) pagbibigay-daan sa tuloy-tuloy na paglaki ng utak ng iyong sanggol pagkatapos mo siyang ipanganak.
Ayon sa mga eksperto, ang hugis-diyamante at malambot na bahagi sa tuktok ng iyong sanggol ay maaaring hanggang 2 inches ang lapad. Magsisimula itong magsara sa ika-anim na buwan at tuluyang mawawala sa ika-18 na buwan.
Ang ikalawang bahagi sa likod ng ulo ng bagong-silang na sanggol ay mas mahirap hanapin, at ito ay mga kalahating inch ang lapad at kadalasan ay hugis-tatsulok.
Huwag magugulat sakaling makita mong pumupulso ang kanyang mga fontanelle sabay ng pagtibok ng kanyang puso!
Nakakatakot man, ayon kay Dr. Tia Hubbard, nursery pediatrician sa University of California sa San Diego Medical Center, hindi ito kailangang ikabahala. Sapagkat ang mga malalambot na bahaging ito ay mas matigas pa sa inaasahan mo.
“Natural lang ang kalambutan nito dahil hinahayaan nito ang mabilis na paglaki ng utak ng sanggol sa kanyang unang taon. Maaari pa rin itong hawakan; hindi ito marupok,” sabi niya sa WebMD.
Ang malalambot na bahagi ay nababalot din ng makakapal at mahihiblang mga membrane na pumoprotekta sa utak ng iyong sanggol.
Ngunit kailangan pa ring iwasan siyang i-bounce o iduyan nang malakas. Hindi rin dapat hinahawak-hawakan o sinusundot-sundot ang mga bahaging ito (kahit ng iyong mga mas nakatatandang anak).
Iba’t ibang hugis at laki ng ulo ni baby
-
Patulis at parang cone
Sa panganganak, ang pressure mula sa iyong pwerta ay maaaring maging dahilan para ang mga buto sa bungo ng iyong sanggol ay gumalaw at magpatong-patong upang lumiit ang ulo at makadaan sa iyong puwerta.
Dahil sa puwersang ito sa kanyang bungo. Huwag magugulat kung makitaan mo ang iyong sanggol ng patulis na ulo o hugis-cone na bungo pagka-panganak.
Kadalasan, nangyayari ito kung matagal ang panganganak o kung gumamit ng vacuum na makatutulong sa panganganak. Madalang naman kung C-section ang panganganak o ang iyong sanggol ay ipinanganak nang una ang mga paa.
Normal ang hugis-cone na ulo ng bagong-silang na sanggol. At pagkatapos ng ilang araw, mapapansin na nagiging mas bilugan na ito.
-
Bakit parang ang laki ng ulo ni baby?
Ang isa pang maaari mong mapansin sa ulo ng iyong sanggol ay ang kalakihan nito kumpara sa buong katawan niya. Normal lang ito at sa paglaki niya, ang kanyang ulo at katawan ay magpapantay din.
Sa mga unang checkup ni baby, mapapansin mo rin na laging sinusukat ng doktor ang laki ng ulo niya. Kailan nga ba dapat mabahala sa laki ng ulo ng iyong anak?
Kapag ang laki ng ulo ng iyong anak ay nasa 98th percentile, maari siyang ma-diagnose ng macrocephaly. Ito ang terminong ginagamit ng medical experts para sabihing malaki ang ulo ni baby.
Kadalasan, nalalaman ng doktor ang macrocephaly sa ultrasound pa lang bago maipanganak si baby. Minsan naman, napapansin ito ng doktor kapag sinusukat nila ang ulo ni baby sa checkup. Kung sa palagay ng kaniyang pediatrician na mayroon macrocephaly ang bata, irerekomenda niya na kumonsulta sa isang neurologist.
Dapat bang mag-alala kung malaki ang ulo ni baby?
Hindi lahat ng kaso ng macrocephaly ay senyales na mayroong mali kay baby. Isa sa mga karaniwang dahilan kung bakit malaki ang ulo ng sanggol ay ang benign familial macrocephaly, o sa madaling salita, namamana ito at malaki ang ulo sa pamilya.
Para malaman ng doktor na namana ni baby ang pagkakaroon ng malaking ulo, pwede niyang sukatin ang mga ulo ng mga magulang niya. Titingnan rin niya ang fontanelle ni baby. Kung wala namang makitang kakaiba ang doktor dito, hindi mo na kailangang mabahala.
Dahil ang mga plate sa bungo ng iyong sanggol ay malambot pa rin kahit pagkatapos siyang ipanganak, ang paghiga sa kanya sa iisang posisyon ay maaaring magdulot ng flat na bahagi sa kanyang ulo. Ito ang karaniwang tinatawag na “dampig.”
Ito ay kilala bilang positional plagiocephaly, ayon sa mga eksperto sa bagong-silang sa KK Women’s and Children’s Hospital (KKH).
“Hindi nakaaapekto ang plagiocephaly sa pagbuo ng utak ng sanggol, pero kung hindi ito gagamutin, maaari nitong baguhin ang kanyang pisikal na anyo at magdulot ng hindi pantay na paglaki ng kanyang mukha at ulo,” sabi nila.
Mga payo para sa mga ina: pantayin ang ulo ng iyong sanggol
Bagamat madalas ay hindi naman kailangang ipag-alala ang pagkakaroon ng flat na ulo ng sanggol, mayroon namang mga paraan para baguhin ito ay gawing mas bilugan.
Narito ang ilang mga payo (hango sa Mayo Clinic) na maaari mong gawin sa bahay para matulungang bilugin ang ulo ng bagong-silang mong sanggol:
-
Tummy time
Siguraduhing may sapat na tummy time ang iyong anak araw-araw sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga muscles sa kaniyang leeg at pagtulong sa kanyang magkaroon ng mas maiging kontrol sa kanyang ulo. Ito ay makatutulong na mapanatiling pantay ang pamamahagi ng pressure sa kaniyang bungo.
-
Pagkarga nang madalas
Ang paggawa nito habang siya ay gising ay makatutulong na mapagaan ang pressure sa ulo ng iyong sanggol sa mga carseat, carrier, at duyan.
-
Pag-iiba ng posisyon
Isa ito sa mga pinaniniwalaan ng mga matatanda na makakatulong para mapantay at maging bilugan ang ulo ni baby.
Talagang importante ang paglagay sa iyong sanggol sa iisang posisyon sa pagtulog, pero subukan ring iba-ibahin ang direksyon ng kanyang ulo kapag nilalapag siya sa pagtulog.
Maaari ring baguhin ang direksyon kung saan nakaharap ang ulo sa higaan—puwedeng malapit sa dulo ng kama isang araw, at malapit sa ulunan ng kama sa susunod na araw naman. Salitan ding gamitin ang iyong mga bisig kapag kinakarga ang iyong sanggol tuwing nagpapadede.
Kung gising naman si baby at nakahiga sa kaniyang likod, i-posisiyon ang iyong sarili sa kabilang gilid ng kanyang patag na bahagi habang kinakausap o kinakantahan siya para mahikayat siyang tumingin sa’yo. Subukan ring ibahin ang posisyon ng kanyang higaan sa kuwarto para magkaroon siya ng mga bagong titingnan at pagkaka-interesan.
Mga lumang lunas na dapat iwasan
Ang tiyahin sa kabilang bahay, biyenan, at kahit nanay mo ay may ilang mga remedyo para sa flat na ulo ng bagong-silang mong sanggol na masigasig nilang irerekomenda, katulad ng paggamit sa mga kamay nila para ihubog ang ulo sa paraang katulad ng paggawa ng rice dumplings—ayos lang ito, basta hindi gagamitan ng masyadong malakas na puwersa.
Iwasang gawin ang mga sumusunod:
- Hugis-togue o donut na pillow: mariing pinipigilan ng mga eksperto ang paggamit ng anumang unan sa higaan ng iyong sanggol (maging ang patag na unan) para maiwasan ang panganib ng Sudden Infant Death Syndrome.
- Sarong o duyan: Payo ni Dr. Michael Lim, consultant sa Pediatric Pulmonary & Sleep Service, Department of Pediatrics, National University Hospital, na huwag patutulugin ang sanggol sa sarong o duyan dahil sa posibleng panganib na dulot nito katulad ng pagka-suffocate ng bata kapag namali ang posisyon.
Minsan, kapag kailangan ng panlunas, iminumungkahi ng mga ekespertong medikal sa KKH na kumonsulta sa espesyalista (plastic surgeon) kung ang flat na ulo ng iyong sanggol ay hindi kusang umaayos sa ika-apat hanggang ika-walong buwang gulang.
Ang paggagamot ay kadalasang isinasagawa ng isang grupo ng plastic surgeon, orthotist, at pediatric physiotherapist, kung saan maaaring pagsuotin ang sanggol ng espesyal na helmet na naka-molde o taling dahan-dahang maglalagay ng puwersa para ayusin ang patag na bahagi.
Para sa pinakamagandang resulta, kakailanganing isuot ng sanggol ang helmet nang 23 oras sa isang araw habang matapos ang proseso. Ang helmet ay panayang isasaayos para hayaang lumaki ang ulo ng iyong sanggol.
Buhok ni baby
Pagkapanganak, ang iyong sanggol ay maaaring maging kalbo, magkaroon ng kaunting buhok, o di kaya may kagulat-gulat na makapal na buhok sa ulo.
Alalahaning ang buhok niya sa pagkapanganak ay hindi magiging pareho hanggang sa pagkabata. Ang buhok ng bagong-silang na sanggol ay madalas na nalalagas sa unang mga linggo at tumutubo sa ibang texture o kulay.
Kung ang iyong sanggol ay parating pinapatulog nang nakahiga sa kanyang likod, mapapansin ding maaari siyang magkaroon ng kalbong bahagi sa kanyang ulo. Ang pag-iiba sa posisyon ng kanyang ulo (tingnan sa taas) ay makatutulong sa pag-iwas sa pagkakakalbo, pati na rin sa pagkakapatag ng ulo.
Bakit nagkakaroon ng cradle cap?
Tinatawag ding seborrhoeic dermatitis, ang kondisyong ito ay nagdudulot ng pagbabalat ng bumbunan ng iyong sanggol, na lumalabas bilang makaliskis at mamula-mula sa apektadong bahagi.
Ipinaliwanag ni Dr. Ruth Alejandro, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, kung bakit nagkakaroon nito ang isang sanggol.
“Siguro 30% ng mga baby nagkakaroon ng dandruff, ang scientific term for that is seborrheic dermatitis. Kasi habang nasa sinapupunan pa ang baby yung hormones from the mother to the placenta na papasa nya sa baby. Kaya lahat ng skin manifestation ng baby galing doon.” aniya.
Ano ba ang tamang gawin kapag napansin na may cradle cap ang ulo ng iyong sanggol?
“Yung dandruff past 6 months, mawala din sya pero kung sobrang kapal na nagkakaroon na ng oil at mabahong smell. Kailangan ibabad mo sa baby oil (ang ulo ni baby) 30 minutes to 1 hour bago siya maligo. Para kapag oras na siya mag shampoo irurub mo ng konti para matanggal pero normal pa yan 3 months to 6 months old then mawawala rin siya.” aniya.
Para sa iba pang impormasyon kung anong dapat gawin sa cradle cap ni baby, basahin rito.
Kailan dapat mag-alala tungkol sa ulo ng iyong sanggol?
Pagdating sa ulo ng bagong-silang mong sanggol, tandaan na ang mga ito ay maaayos at mawawala nang kusa, o sa iyong tulong. Pero minsan, maaaring may mapansin kang mga senyales ng mas malalang problema.
Ang nakalubog at malambot na bahagi ay maaaring magpahiwatig ng kakulangan sa naiinom na gatas (dehydrated), at ang nakaumbok na fontanelle ay maaaring senyales ng presyon sa utak, ayon sa mga eksperto.
Kung napansin mong mas tumatagilid ang ulo ng iyong sanggol sa isang gilid parati, maaari ito ay isang kondisyon sa leeg ng sanggol tinatawag na torticollis.
Gayundin, gaya ng nabanggit, hindi kailangang mag-alala kung medyo malaki ang ulo ni baby. Hindi dapat ikabahala ang macrocephaly maliban lang kung sinasamahan ito ng mga sumusunod na sintomas:
- Paninikip o pamamaga ng fontanelle
- Kakaibang galaw ng mga mata ni baby
- Pagsusuka
- Pagiging balisa
- Matinis na pag-iyak na parang may masakit sa kaniya
- Developmental delays
Ayon sa mga eksperto, bihirang-bihira na ang dalawa. O higit pang mga plate sa ulo ng bagong-silang na sanggol ay maaaring magdikit nang maaga sa kondisyong tinatawag na craniosynostosis. Resulta nito ay ang pagkasira ng hugis ng ulo ng bagong-silang na sanggol habang lumalaki ang kanyang utak.
Nangangailangan ito ng surgery para mahiwalay ang mga nagdikit na plate sa bungo ng sanggol.
Bilang magulang, natural sa atin ang mag-alala para sa’ting anak kapag mayroon tayong napapansing kakaiba sa kanila. Kaya naman para mapalagay ang ating kalooban, huwag mahiyang magtanong sa mga eksperto – sa pediatrician ni baby. Ani Dr. Ruth,
“Walang baby manual ang pagiging mother, instinct yan. When in doubt mas maganda tatanungin mo ang pediatrician mo. Kapag meron ka concern, magtanong na lang agad.”
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.