Isang 18-taong gulang na babae ang hindi inasahan na siya ay magiging isang ina. Nagsimula ang lahat nang ang inang si Ebony Steveson, mula sa UK, ay nagkaroon ng matinding sakit ng ulo. Ito pala ay sintomas ng malalang sakit, at inilagay si Ebony sa isang 4-day na coma. Pagkagising, nalaman ni Ebony na siya pala ay buntis, at nanganak na!
Uterus didelphys: Isang kondisyon kung saan 2 ang uterus ng isang babae
Ayon kay Ebony, na isang college student, hindi raw niya alam na siya pala ay buntis. Wala raw siyang napansing pagbabago sa kaniyang katawan, at hindi rin lumaki ang tiyan niya. Bukod dito, patuloy pa rin daw ang kaniyang buwanang dalaw.
Noong araw na sumakit ang ulo ni Ebony, ay napansin ng kaniyang ina na nagsisimula siyang magkaroon ng mga seizures. Dahil dito, agad siyang dinala sa ospital, at doon lang napansin ng mga paramedic na buntis si Ebony. Ito ay dahil nakita nilang gumagalaw ang sanggol sa tiyan niya, na posibleng naapektuhan ng pagkakaroon ng seizures.
Napag-alaman na mayroon na palang preeclampsia si Ebony, at kinailangan niyang maipanganak ang sanggol upang masagip silang dalawa.
Dahil dito, binigyan nila ng induced coma si Ebony, at nagsagawa ng C-section upang maipanganak ang sanggol. Sa kabutihang palad, malusog naman ang bata, na may timbang na 7lbs 10oz.
Napag-alaman ng mga doktor na si Ebony ay mayroong kondisyon na kung tawagin ay uterus didelphys kung saan dalawa ang uterus ng isang babae. Ito ang dahilan kung bakit hindi man lang napansin ni Ebony na siya ay nagdadalang-tao, dahil nagkakaroon pa rin ng period ang kaniyang pangalawang uterus.
Excited na raw siyang maging isang ina
Pagkagising raw ni Ebony ay nagulat siya nang malaman na buntis pala siya, at nakapanganak na. Hindi raw niya inakalang magiging ina siya, lalo na at wala pa siyang plano na magkaroon ng baby.
Noong una siyang sinabihan na mayroon siyang baby ay hindi siya makapaniwala. Sinabi pa raw niya sa mga nurse na ilayo sa kaniya ang kaniyang sanggol. Ngunit nang ipaliwanag ng kaniyang ina ang nangyari, dahan-dahang nawala ang pagkalito ni Ebony.
Ito ay mabilis na napalitan ng pagmamahal, at agad silang nag-bond ng kaniyang sanggol na babae. Pinangalanan niyang Elodie ang kaniyang baby, at bagama’t hindi inaasahan, masayang-masaya siya sa kaniyang anak.
Ngayon, nais raw ni Ebony na magtapos ng pag-aaral upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang anak. Gusto rin daw siyang tulungan ng kaniyang una upang maalagaan ang bagong miyembro ng kanilang pamilya.
Ano ang uterus didelphys?
Ang uterus didelphys ay isang kondisyon kung saan 2 ang nagiging uterus ng isang babae. Ito ay isang congenital abnormality, at nagsisimula ito habang nasa sinapupunan pa lamang.
Madalas ay walang sintomas ang ganitong kondisyon, at normal ang mga babaeng may uterus didelphys. Madalas ay nalalaman lamang ng mga babae na may ganito silang kondisyon kapag sila ay nabuntis, o kaya sumailalim sa xray.
Ngunit posible rin na magkaroon ng ilang problema ang mga babaeng may ganitong kondisyon. Kasama na rito ang pagiging infertile, pagkakaroon ng miscarriage kapag nagbubuntis, pagkakaroon ng premature birth, at sakit sa kidneys.
Para sa mga inang may ganitong kondisyon, mabuting palaging magpakonsulta sa doktor upang masiguradong safe ang kanilang pagbubuntis, at ligtas ang kanilang sanggol.
Source: Lad Bible
Basahin: Sanggol declared dead na ng 11 minuto bago himalang nabuhay