Para sa mga magulang, isa sa pinakahihintay nilang araw ay ang araw na ipanganak ang kanilang anak. Pero paano kung paglabas ni baby, ay mayroon siyang buntot, o kung tawagin ay vestigial tail?
Dapat bang mag-alala dito ang mga magulang? Puwede kaya itong tanggalin? At bakit nagkakaroon ng ganitong kondisyon ang ilang mga sanggol? Ating alamin.
Bakit ba may vestigial tail ang ilang mga bata?
Ang pagkakaroon ng buntot, o vestigial tail ay hindi pangkaraniwang pangyayari. Ngunit hindi naman nito ibig sabihin na dapat ay matakot o mag-alala ang mga magulang.
Ito ay tinatawag na vestigial dahil ito ay bahagi ng katawan na naiwan noong embryo pa ang baby. Kadalasan, ang mga sanggol ay nabubuo na mayroong tinatawag na embryonic tail habang nasa sinapupunan. At habang lumalaki ang sanggol sa loob ng tiyan ay dahan-dahan itong nawawala.
Ngunit mayroong mga pagkakataon na hindi nawawala ang buntot, kaya’t nagkakaroon ng vestigial tail ang ilang mga sanggol.
Ano ang sanhi nito?
Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin kung bakit nagkakaroon ng ganitong buntot ang ilang mga sanggol. Ang alam lang ng mga doktor ay nagmumula ito sa embryonic kapag nasa tiyan pa ang sanggol.
Mayroon ring tinatawag na “pseudotail” na kakaiba sa vestigial tail. Ang pseudotail ay kadalasang mayroong maliit na buto, at posible ring nakakabit sa spine ng bata. Ang mga pseudotail ay posibleng epekto ng kondisyon tulad ng spina bifida, na isang kondisyon kung saan hindi nabuo ng maayos ang spine ng bata.
Ano ang magagawa tungkol dito?
Sa kabutihang palad, wala namang dapat ipag-alala ang mga magulang kung mayroong buntot ang kanilang mga anak. Sa mga ganitong kaso, karaniwan na itong pinuputol ng mga doktor. Safe ang procedure na ito, at hindi rin masakit para sa sanggol.
Wala ring buto ang ganitong klaseng buntot, kaya’t hindi dapat mag-alala na baka maapektuhan nito ang spine ng bata. Ang pagtanggal nito ay simpleng procedure lamang, at walang nagiging masamang side effects para sa sanggol.
Para naman sa mga kaso ng pseudotail, mas komplikado ang sitwasyon. Ito ay dahil mayroon itong mga buto at nerves, at posibleng nakadikit sa spinal cord. Kaya kinakailangan pa ng mas komplikadong surgery upang matanggal ito.
Kadalasan ay walang masamang epekto ang pagkakaroon ng buntot ng bata, kaya’t nasa magulang na rin ang desisyon kung ipatatanggal ba ito o hindi.
Source: Instagram
Basahin: The one thing that all pregnant women should to in order to prevent birth defects