Ang salaysay pa lang ng biktima ng pang momolestya ay talagang nakakadurog na ng puso. Kaya naman likas na sa atin ang damayan sila para naman kahit paano ay mawala ang burden na nararamdaman nila dahil sa nangyari. Ngunit may iba pa ring tao na hindi nakikita ang problema at naging epekto nito sa biktima. At ang tanging ginagawa nila ay ang ipasa sa inosente ang responsibilidad na ito. Dito na pumapasok ang victim blaming o ‘yung paninisi sa mga biktima sa tagalog.
Victim-blaming culture
Isa ang artistang si Frankie Pangilinan sa matapang na nagsalita at nagbahagi ng kanyang nararamdaman tungkol sa kultura ng victim blaming.
Ayon sa 19 year old na anak ni Sharon Cuneta, idiniin niyang kasalanan ng rapist ito at hindi dapat ipasa ang sisi sa biktima. Dagdag pa nito na kung babaguhin ang ganitong pag-uugali, kailangan mo ring baguhin ang kultura mo. “To change that thinking, you have to change the culture.”
Hindi rin dapat turuan ang mga babae na magsuot ng tama o ‘yung hindi revealing para maiwasang ma-rape. Dahil isang solusyon lang para matigil ang rape ay ang turuan ang mga tao na ‘wag mang rape.
5 dahilan kung bakit hindi ito nakakatulong sa mga biktima ng rape
Ano nga ba ang effects ng victim blaming (tagalog) sa mga biktima at bakit hindi natin ito dapat sanayin na gawin ng iba?
1. Pinapalala lang ang sitwasyon
Mahirap at masakit isipin na imbes na pag-aaruga at pagmamalasakit sa biktima ang uugaliin ng lahat, paninisi at pagpasa ng responsibilidad sa kanila ang kanilang natanggap.
Hindi mo ba naiisip na dinadagdagan at pinapabigat mo lang ang nararamdaman ng isang biktima kung siya ay iyong sisisihin sa isang pangyayaring hindi naman siya ang may kasalanan?
2. Hindi dahilan ang pananamit ng isang babae
Kung ikaw ang taong naniniwala na nakabase sa damit ng isang babae kung bakit sila nagagahasa, kailangan mo pang isipin ng isipin ang paniniwala mo. Dahil kung titignan, kahit saang anggulo ay hindi kasalanan ng isang babae ang magahasa.
Ang pananamit ng tao ay isang paraan para i-express nila ang kanilang sarili. At hindi para hikayatin ang isang tao na gumawa ng krimen o kasalanan.
3. Nagiging dahilan kung bakit nag iiba ang isang tao
Sa kultura ng victim blaming, ang biktima ang labis na naaapektuhan dito. Sino ba naman ang hindi masasaktan kung ang isang inosenteng babae ay sisisihin sa pangyayaring hindi naman siya ang gumawa ng responsibilidad? Sa paninisi ng isang tao sa biktima, pinapalala lang nila ang nararamdaman ng babae.
Dito na pumapasok sa kanilang isipan na sila ang may kasalanan at magsisimulang sisihin na ang kanilang mga sarili.
4. May epekto sa kanilang mental health
Ang isang taong biktima ng rape ay labis labis ang trauma na naranasan physically man ‘yan o emotionally. Kung papatungan o dadagdagan mo ang burden na nararamdaman nila, hindi ba may tyansa na bumigay sila dahil sa bigat na kanilang dinadala?
Imbis na sisihin sila na magiging dahilan ng kanilang breakdown, bakit hindi mo ulit-ulitin isipin ang iyong paniniwala, isipin kung sino ang may mali at itigil ang victim blaming na ito?
5. May nagagahasa dahil may nanggahasa
Ito ang dapat isipin ng lahat. ‘Walang mangyayaring pangmomolestya kung walang rapist. Imbes na ugaliin ang victim blaming bakit hindi natin turuan ang mga tao na ‘wag mangrape?
Source: