Sa wakas ay ganap nang parents ang vlogger couple na sina Viy Cortez at Cong TV matapos ipanganak si Baby Kidlat!
Mababasa sa article na ito:
- Baby Kidlat nina Viy Cortez at Cong TV isinilang na
- Mga dapat malaman tungkol sa low-lying placenta
Baby Kidlat nina Viy Cortez at Cong Velasquez isinilang na
Larawan mula sa Facebook post ng VIYLine Media Group
Dumating na ang pinakahihintay ng mga fan ng vloggers na sina Viy Cortez at Cong TV – ang pagsilang kay baby Kidlat. Pinangalanang Zeus Emmanuel “Kidlat” Cortez Velasquez ang baby nina Viy at Cong TV. Ito anila ang pinakabatang miyembro ng Team Payaman.
Ibinahagi ng VIYLine Media Group sa kanilang Facebook page ang picture ng cute na kamay ni baby Kidlat. Ayon pa rito, matagal nang naka-schedule ang caesarean delivery ng baby nina Cong TV at Viy. Napili ng mag-asawa ang July 5, kasabay ng kaarawan nina Junnie Boy at Bal. Si Bal ay ang ama ni Cong, habang si Junnie Boy ang nakababatang kapatid niya.
Pinili umano ni Viy Cortez ang caesarean delivery dahil mayroon siyang low-lying placenta kaya mahirap ang normal delivery. Natakot daw si Viy Cortez na baka kapag pinilit niya ang normal delivery ay matulad sa mga nakita niyang nag-normal delivery pero nauwi rin sa emergency Caesarean section.
Marami din naman daw ang nag-advice sa kaniya na mas makabubuting mag caesarean delivery kung sa pakiramdam niya ay hindi niya kaya ang normal delivery. Matatandaang sa isang TikTok video ay ipinaliwanag ni Viy na humingi rin siya ng advice sa kaniyang nanay.
“Nung nanghingi ako ng advice, syempre kanino ako manghihingi ng advice, sa nanay ko naman ‘no. So, sabi niya, okay lang naman daw ma-CS, kasi kaming tatlo [magkakapatid], CS kami sa kaniya.”
Larawan mula sa Instagram ni Viy Cortez
Kagabi ay nagpost din ng picture nila ni Cong TV sa Instagram si Viy Cortez upang ibalita na hinihintay na nila ang pagsilang kay baby Kidlat.
“Oras na lang ang hihintayin masisilayan ka na namin, babaguhin mo na ang buhay namin ng daddy mo. I love you,” saad ni Viy Cortez sa caption.
Ngayon nga, pasado alas-onse ng umaga ng July 5 ay matagumpay na naisilang ni Viy ang baby nila ni Cong TV. Inabisuhan din ng VIYLine Media Group ang mga fan na abangan ang vlog nina Viy Cortez at Cong TV tungkol sa mga pinagdaanan ng mga ito sa delivery ni baby Kidlat.
Mga dapat malaman tungkol sa low-lying placenta
Larawan mula sa Instagram ni Viy Cortez
Ang placenta ay organ sa katawan na tumutulong sa growth and development ng baby sa iyong sinapupunan. Nakadugtong ito sa lining ng sinapupunan at konektado sa umbilical cord ng baby. Dinaraanan ng oxygen, nutrients, at antibodies mula sa iyong blood supply ang placenta. Dito rin dumaraan ang mga waste products mula sa baby patungo sa blood supply ng mommy, para mailabas ito sa katawan.
Kadalasang nakakabit ang placenta sa harap o likod ng womb pero may pagkakataon na sa bandang baba ng sinapupunan ito kumakapit o kaya naman ay binabalot nito ang buong cervix.
May mga kaso ng low-lying placenta kung saan gumagalaw ang placenta pataas habang lumalaki ang sinapupunan. Dahil mas nababanat ang ibabang bahagi ng womb, karaniwang umaangat ang placenta kapag 32 weeks na o higit pa ang baby sa iyong sinapupunan. May pagkakataon naman na nananatili ito sa lower part ng uterus habang nagpapatuloy ang pagbubuntis.
Narito ang mga dapat malaman tungkol sa low-lying placenta:
- Malalaman ang posisyon ng placenta sa iyong mid-trimester sa pamamagitan ng ultrasound scan. Kung low-lying ang placenta mo sa panahon na ito, kakailanganin mong sumailalim ulit sa ultrasound scan kapag 32 weeks na ang iyong pagbubuntis.
- Kapag nagkaroon ka na ng anak noon na isinilang sa pamamagitan ng caesarean section, malaki ang posibilidad na hindi na mag-move upward ang iyong placenta.
- Kung may low-lying placenta, may tsansa ng vaginal bleeding lalo na kung malapit nang manganak.
- Kapag binalot ng placenta ang buong cervix tinatawag itong placenta previa.
Maaaring ma-diagnosed na may low-lying placenta ka kung ikaw ay:
- Nakaranas ng bleeding sa second o third trimester ng pagbubuntis. Kadalasan ay hindi ito masakit at nangyayari matapos makipagtalik.
- Kung unusual ang posisyon ng baby.
Mahalagang kumonsulta agad sa doktor kapag nakaranas ng anomang pagdurugo habang nagbubuntis, ito man ay masakit o hindi. Maaaring irekomenda rin ng doktor na huwag munang makipagtalik habang ikaw ay buntis para maiwasan ang pagdurugo.
Risk factor ng pagkakaroon ng placenta praevia o low lying placenta
Mataas ang tsansa na magkaroon ka ng low lying placenta kung ikaw ay:
- Naninigarilyo
- Sumailalim sa fertility treatment para mabuntis
- Naranasan nang manganak noon sa pamamagitan ng C-section
- Nasa edad 40 taon na o mas matanda pa
- Sumailalim sa womb surgery
- Gumagamit ng cocaine
- Lalaki ang ipinagbubuntis
- Mayroong endometriosis
Mahalagang kumonsulta sa iyong doktor para malaman kung ano ang dapat gawin kung may low-lying placenta.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!