Viy Cortez ibinahagi ang karanasan at naramdaman ng sumailalim sa laser surgery ang 21 days old niyang si Kidlat dahil sa tongue tie. Alamin kung ano ang kondisyong ito.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Cong TV and Viy Cortez baby Kidlat tongue tie surgery.
- Ano ang tongue tie.
Cong TV and Viy Cortez baby Kidlat tongue tie surgery
At 21 days old sumailalim na sa laser surgery ang anak nina Cong TV at Viy Cortez na si Kidlat. Dahil si Kidlat natukoy na may tongue tie. Ito daw ang dahilan kung bakit masakit kung dumede siya kay Viy. Kaya naman ngayon pa lang, si Viy napagdesisyunang ipa-surgery na ang tongue tie ni Kidlat.
“Kasi nga hindi niya nagla-latch gawa ng sa dila niya although magaling siyang mag-latch ha pero sa side ko medyo may pain. Okay lang naman na hindi operahan pero mas maganda kung ngayon na. Kasi baka daw may effect siya paglaki ni Kidlat kagaya ng speech niya.”
Ito ang sabi ni Viy tungkol sa naging tongue tie case at surgery ni Kidlat.
Isa pa umanong dahilan kung bakit pinili niyang ipa-surgery na si Kidlat ngayon ay para mas maging madali pa ito sa anak. Dahil daw sa baby pa ito ay manipis pa ang tie sa pagitan ng kaniyang dila. Hindi tulad ng kapag malaki na siya na kakailanganin na ng general anesthesia.
Nang dalhin na nga sa doktor para isagawa ang actual laser surgery ay nalaman nilang hindi lang sa dila may tie si Baby Kidlat. Meron din daw pala ito sa lips at cheeks. Si Viy ipinakita sa kaniyang latest vlog na mayroon rin siyang level 3 tongue tie na hindi na-operahan. Kaya naman malaki ang posibilidad na sa kaniya nakuha ito ng anak. Habang nag-aantay nga na matapos ang surgery kay Kidlat ay ito umano ang naramdaman ng first time mom.
“Ang hirap mag-antay naririnig ko na yung iyak niya gusto ko na siyang kunin,” sabi ni Viy.
“Siguro parang 10 minutes lang ‘yong procedure pero parang nahimatay na talaga ko.”
Ito ang dagdag pa ni Viy.
Pero matapos ng naging laser surgery, ang pagdede ni Kidlat kay Viy naging maayos na. Ang nasabing tongue tie pala ang dahilan kung bakit nahirapan ang mommy vlogger na magpadede ng kaniyang baby.
“Simula nung manganak ako ang sakit. Kaya nga ‘yong mga story ko, mapuputol na ‘yong utong ko. Yun pala ang cause non ay ‘yong kaniyang tongue tie.”
“Pagkatapos niyang ma-release ‘yong tongue tie niya pinadede sakin, walang sakit. Ang feeling ko pa nun baka hindi nakakadede kasi hindi masakit.”
Ito ang sabi pa ni Viy tungkol sa naging tongue tie surgery ni Kidlat.
Ano ang tongue tie?
Ang tongue tie o ankyloglossia ay isang kondisyon na kung saan ang lingual frenulum o ang tissue na nagdudugtong sa dila at ilalim na parte ng bunganga ng bata ay masyadong maiksi.
Dahil sa kondisyon na ito ay nahihirapang maigalaw ng isang bata ang kaniyang dila na pinaniniwalaang maaring magpahirap sa kaniyang sumuso, magsalita, kumain at lumunok.
Madalas ang tongue tie ay sinasabayan rin ng lip tie na kung saan ang labial frenulum o ang tissue na nagdurugtong sa itaas na bahagi ng labi at gum line ay masyadong maiksi.
Ang kondisyon na ito ay nararanasan ng apat hanggang sa labing-isang posyento ng mga new born na namamana o hereditary sa kanilang pamilya.
Epekto ng tongue tie sa mga baby
Madalas ang tongue tie ang sinisi kung bakit hindi nakakasuso ng maayos ang mga newborn baby. Sinasabi ring ang mga baby na may kondisyon na ganito ay magkakaroon ng speech defect sa kanilang paglaki.
Kaya naman ang payo ng mga lactation consultant sa mga bagong panganak na mommy na nakakaranas ng hirap sa pagpapasuso sa mga tongue tie baby ay ang gupitin ang tissue o frenulum para maigalaw nito ng maayos ang kaniyang dila.
Ang tawag sa procedure na ito ay frenotomy o tongue-tie revision. Ang procedure na ito ay ligtas at ginagawa lang ng ilang minuto.
Sa pamamagitan ng laser o sterile scissors ay bahagyang gugupitin ang frenulum na nagdudugtong sa dila at sa ilalim na bibig ng baby.
Sa pamamagitan nito ay mas maigagalaw ng baby ang kaniyang dila at ito daw ay makakasuso o makakalatch na ng maayos sa kaniyang mommy.
Pero para sa mga medical professionals at researchers, hanggang sa ngayon ay hindi pa napapatunayan kung nakakatulong nga ba talaga ang procedure na ito sa pagpapasuso ng mga baby. Lalo pa at wala pang matibay na ebidensya ang nakakalap tungkol dito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!