Volcano safety tips, mga dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng pagsabog ng bulkan.
Pagputok ng bulkang Taal
Sa kasalukuyan ay nahaharap na naman sa isang pagsubok ang mga Pilipino. Ito ay ang pagputok ng bulkang Taal na nagdulot ng pag-ulan ng putik at abo sa probinsya ng Batangas at iba pang kalapit na lugar nito.
Kaya naman, paalaala ng mga kinauukulan sa lahat ng mga nakatira sa apektadong lugar na mag-ingat. At lumikas na papunta sa lugar na ligtas at makakaiwas sila sa panganib na dulot ng pagputok ng bulkan.
Volcano safety tips
Ang pagputok ng bulkan ay isa lamang sa mga natural disaster na nararanasan ng daigdig. Normal itong nangyayari taon-taon sa higit kumulang 50-60 na active volcanoes sa buong mundo. Ito ay maaring magdulot ng kapahamakan at banta sa buhay ng tao na maari namang mapaghandaan.
Para maging handa at ligtas sa pagsabog ng bulkan, narito ang volcano safety tips na dapat isaisip at tandaan.
Bago ang pagsabog ng bulkan
- Kung nakatira malapit sa isang aktibong bulkan, mabuting pag-usapan ng inyong pamilya ang dapat gawin sa oras ng pagsabog nito. Ito ay para maihanda ang bawat isa sa maaring mangyari at maturuan sila ng kanilang dapat gawin. Ganoon din ang mabawasan ang takot na maidudulot nito lalo na sa mga bata.
- Makinig at sumubaybay sa mga balita at anunsiyo tungkol sa pagsabog ng bulkan. Makakatulong ang pagkakaroon ng battery operated radio na magagamit na source ng balita at impormasyon kahit mawalan ng kuryente.
- Bumili at maghanda na ng googles at N95 mask para sa bawat miyembro ng inyong pamilya. Ang N95 mask ang pinapayong gamitin kumpara sa surgical mask na maari paring pasukin ng abo na mula sa bulkan.
- Para sa mga alagang hayop mabuti ring maghanda ng emergency kit para sa kanila. O lugar na kung saan maari silang mamalagi na hindi sila makakalanghap ng abo mula sa pagsabog ng bulkan.
- Makakatulong din na mag-imbak na ng pagkain at tubig na maiinom para sa inyong pamilya.
Sa oras ng pagsabog ng bulkan
- Makinig sa mga panawagan at anunsiyo sa inyong lugar. Sa oras na kailangan ng lumikas ay makipag-ugayan sa local government upang kayo ay matulungan.
- Kung hindi nangangailangang lumikas, manatili sa loob ng inyong bahay. At siguraduhing nakasara ang inyong bintana at pinto. Ito ay upang hindi makapasok sa loob ng inyong bahay ang abo mula sa pagsabog ng bulkan.
- Ipasok din ang mga sasakyan o mga equipment sa loob ng inyong bahay. O kaya naman ay takpan ito ng malaking trapal upang ito ay hindi malagyan ng volcanic ash na maaring makasira sa makina nito.
- Kung lalabas ng bahay ay magsuot ng N95 mask. Sa oras na walang N95 mask ay maaring magbasa ng bimpo at saka ito ang itakip sa inyong ilog at bibig. Ito ay upang hindi makalanghap na abo na maaring pumasok sa baga at magdulot ng mapanganib na epekto sa kalusugan.
- Iwasan din magpunta sa mga mabababang lugar. Dahil dito naiipon ang mga abo at iba pang debris mula sa pagputok ng bulkan.
- Umiwas din sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig. Dahil sa oras ng biglaan pagsabog ng bulkan ay magsisilbing daluyan ito ng napainit na lava mula sa bulkan o lahar.
- Makinig sa mga paalaala ng mga kinauukulan at umiwas sa mga restricted zones o lugar na naka-heightened alert sa oras ng volcanic eruption.
Pagkatapos ng pagsabog ng bulkan
- Pagkatapos ng pagsabog ng bulkan ay makinig parin sa mga anunsyo at panawagan. Ito ay upang malaman kung ligtas na bang bumalik sa inyong tahanan. Huwag basta aalis sa ligtas na lugar na kinaroroonan kung wala pang go signal mula sa awtoridad.
- Kung maari ng bumalik sa inyong tahanan, iwasang mag-drive sa mga lugar na nakaranas ng matinding ashfall. Dahil maari itong bumara sa inyong sasakyan at maging dahilan ng pagkasira nito.
- Sa paglilinis ng inyong bahay pagtapos ng pagsabog ng bulkan, ay magsuot ng tamang kasuotan. Ito ay ang mahahabang damit na poprotekta sa iyong balat tulad ng pantalon at long-sleeved shirt. Kailangan ring magsuot ng medyas at sapatos bilang proteksyon sa inyong mga paa.
- Simulan ang paglilinis mula sa bubong at alulod ng inyong bahay. Saka na sunod na alisin ang mga abo sa bintana at pinto ng bahay pati na sa inyong sasakyan.
- Para sa mga gamit sa loob ng bahay ay gumamit ng vacuum cleaner upang maaalis ang mga abo rito.
- Ang mga naipong abo itapon malayo sa lugar na daluyan ng tubig upang hindi magdulot ng pagbara dito.
- Dahan-dahanin ang paglilinis ng inyong bahay. Kung masyadong makapal ang bumalot na abo ay humingi ng tulong sa paglilinis nito.
- Pakuluan muna ang inuming tubig na maaring nalagyan ng abo bago inumin.
- At labhan ang mga damit na nalagyan ng abo.
Bago pa man pumutok ang isang bulkan ay magbibigay muna ito ng palatandaan. Kaya naman kung naninirahan sa lugar na may active na bulkan ay mabuting laging nakasubaybay sa balita. Ito ay upang alam mo alam ang dapat gawin para masiguro ang kaligtasan ng sarili at pamilya mo.
Source: American Red Cross
Photo: ABS-CBN News
Basahin: Mga netizens nagrereklamo sa halos tripleng pagtaas ng mga protective masks