Walang baon sa school? Gawing inspirasyon ang magkapatid na Manuelita at Micko Borbon ng Palawan National School.
Diskarte ng magkapatid kapag walang baon
Nag-trending sa social media ang larawan ng magkapatid na sina Manuelita, 13 anyos, at Micko Borbon, 12 anyos, habang nagtatahi ng sapatos sa bangketa na suot pa ang kanilang school uniform.
Ayon sa Facebook user na si Jernnanie Jethro Juaton na uploader ng larawan, ang mga bata ay Grade 7 at Grade 8 students’ ng Palawan National High School.
Ang larawan ay kuha daw sa unang araw ng pagbubukas ng klase na kung saan dumidiskarte at pinaghihirapan ng magkapatid ang pambaon nila sa eskwelahan. Ito nga ay sa pamamagitan ng pagtatahi ng sapatos sa bangketa na makikita sa larawan.
Hinangaan naman ng mga netizens ang pagsusumikap ng magkatid kaya naman naging viral ang larawan nila na sa umabot na sa 3.3K ang reactions at 5.3K ang shares sa Facebook.
Ayon naman sa isang ABS-CBN report, ang larawan ay kuha sa Valencia Street, Puerto Prinsesa City, Palawan na kung saan dumederetso ang magkapatid pagkagaling sa eskwelahan.
Pagtatahi ng sapatos bilang pagkakitaan
Ang magkapatid ay panganay at pangalawang anak nina Emmanuel at Mary Ann Borbon na pareho ding nagtatahi at nagrerepair ng sapatos.
Ayon sa kanila ang pagre-repair ng sapatos ang pangunahing pinagkukunan nila ng ikabubuhay sa araw-araw.
Sa isang barong-barong sa Wescom Road, Brgy. San Pedro sila namamalagi na kung saan ito narin ang puwesto nila ng tahian ng sapatos. Kaya naman dahil sa ito na ang kinalakihan ay natuto naring magtahi ng sapatos ang magkapatid.
Maliit man ang kita sa pagtatahi ng sapatos, ito daw ang tumutulong sa kanila para maka-survive sa araw-araw. Bagamat kapos na talaga para matustusan ang pangangailangan ng mga nag-aaral na anak.
“Mangungutang ka sa iba para mayroon silang pamasahe, pagkain. Syempre sa maghapon kasi pag halimbawa may nagpatahi sa amin, ‘di nila tinubos. Sa maghapon minsan P300 bubudgetin mo ‘yon, kasi ilan sila. Mayroon pa akong estudyante diyan,” kuwento ng ina ng magkapatid na si Mary Ann.
Kaya naman kapag walang baon, ito ang ginagawang raket o pagkakakitaan ng magkapatid para magkabaon sila.
Masaya naman ang mga magulang nila Manuelita at Micko dahil nakikita nila ang pagsusumikap ng mga anak na makatapos ng pag-aaral.
“Gusto nila makapagtapos. Tapos, gusto ko sila magkaroon ng hanapbuhay na hindi lang ba yung, hindi nila maranasan yung ano namin (kahirapan),” dagdag pa ng kanilang ina na si Mary Ann.
Pagsisikap para matupad ang pangarap
Pangarap daw ng magkapatid na maging sundalo. Kaya naman tinutulungan nila ang kanilang mga magulang at ginagawa nila ang kanilang makakaya para maisakatuparan ito.
Ngunit minsan pati pamasahe papasok sa school ay kinukulang sila. Dito nila mas nagagamit ang kaalaman nila sa pagtatahi ng sapatos.
Ume-extra daw muna ang magkapatid sa isang tahian ng sapatos malapit sa kanilang eskwelahan kapag kinulang ang kanilang pamasahe o kaya naman kapag walang baon.
Ito ay sa repair shop na kaibigan ng kanilang mga magulang na si Ruel Gines. Sa repair shop nga ni Ruel nakunan ang viral photo ng magkapatid habang nagtatahi ng sapatos.
Kuwento ng Grade 7 na si Micko tungkol sa nakunang larawan, “Nagkulang ang pamasahe namin. Kaya naisipan namin makitahi doon.”
“Minsan pag may project ‘di na kami nagsasabi kila mama, kami na lang po bumibili,” sabi naman ni Manuelita.
Hinangaan rin ng pamunuan ng Palawan National High School ang pinakitang pagsisikap ng magkapatid. Kaya naman ay nanawagan sila sa publiko ng maaring maitulong sa kanila.
“At baka may maitulong pa tayo doon sa sitwasyon nila. Ma-inspire sila na lalong mag-aral kasi bibihira na ganiyan ang mga estudyante na doon kukuha ng pambaon. Alam nilang mahirap ang buhay pero nandun sila,” pahayag ni Dr. Eduardo Santos, principal ng Palawan National High School.
Para sa magkapatid kahit na pinagtitinginan sila ng kanilang kaklase habang nagtatahi ng sapatos ay hindi daw nila ito kinahihiya. Umaasa sila na sana ay maging insipirasyon sila sa ibang bata na bagamat naghihirap ay gawin ang makakaya para makapag-aral at makatulong sa kanilang mga magulang.
Source: ABS-CBN News
Basahin: Batang walang mga braso at kamay, hindi iniinda ang kapansanan para makapag-aral