Ang pag-aasawa, hindi ‘yan parang kaning isinubo na ‘pag napaso ka ay iluluwa mo. Madaming hirap ngayon sa pagpapalaki ng kanilang mga anak marahil ay iniwanan ng kanilang asawa o ‘di kaya’y kasama nga pero wala namang pakealam.
Naranasan ko ang magkaroon ng isang ama na walang pakialam. Akala ko, siya ang ideal na tatay. Akala ko ganun maging tatay. Pero nagbago lahat ng pananaw ko nang makilala ko ang asawa ko.
Hindi biro ang pinagdaanan namin noong magkasintahan pa lamang kami. Hindi maganda ang relasyon namin. Kaya ‘di ko lubos akalain na simula nang magkapamilya kami sa kanya ko nahanap ang comfort.
Ramdam ko na may haligi ang tahanang binuo namin. Hindi ko maiwasang ikumpara sya sa ama ko dahil magkalayong magkalayo sila. Pinagpapasalamat ko pa ang pagiging family oriented niya.
Wala siyang ibang inuuna kundi kami ng mga anak niya. May munti kaming negosyo na nagsisilbing bread and butter namin dahil wala sa aming mag-asawa ang nagtatrabaho.
Pero dahil sa sipag at tiyaga niya at pagsuporta sa mga sideline ko, napupunan namin ang pangangailangan ng aming pamilya. Kaming dalawa lang din ang nakatutok sa aming mga anak. Nakakapahinga ako at binibigyan niya pa ako ng ‘me time’.
Siya mismo ang nagbo-volunteer na mag-asikaso sa mga bata dio kaya gumawa ng gawaing bahay. Binibigyan niya ako ng budget para sa sarili ko. Hindi niya ko pinapabayaan kahit magkasakit ako.
Naalala ko pa noong dalawa lang kami sa hospital, hindi ko lubos maisip na kaya pala naming dalawa nang kami lang. Mas nakita ko pa ‘yong pagtiyatiyaga at pagmamahal niya samin noong bumukod na kami.
Nung una, natakot ako iniisip ko na baka hindi namin kaya pero nagkamali ako. Isang taon na kami higit na nakabukod at unti-unti nababayaran na namin ang aming mga naging utang dahil sa pagsisimula namin.
Tunay ngang pinagpapala ang bumubukod. Kaya saludo ako sa mga lalaking katulad ng aking asawa. Hindi lang basta family first ang motto niya, kundi kami ang buhay niya dahil wala nang ibang priority pa na sa susunod bukod sa amin ng pamilya niya.