Narito ang mga dapat malaman ng mga magulang tungkol sa water intoxication at ang peligrong naidudulot nito sa mga bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kuwento ng batang muntik ng masawi ng dahil sa water intoxication.
- Mga dapat malaman ng mga magulang tungkol sa water intoxication.
Nagbahagi ng nakakabahalang kwento ang inang si Katie Gorter. Ito ay dahil hindi niya inakalang magiging biktima ng water intoxication ang kaniyang 11-months old na anak na si Emily.
Ito ay dahil muntik nang mamatay ang kaniyang anak matapos nitong makainom ng tubig habang naliligo. Ang ganitong kondisyon ay tinatawag na water intoxication, at hinding-hindi ito dapat balewalain ng mga magulang.
11-months-old na bata muntik masawi dahil sa water intoxication
Photo by Rene Asmussen from Pexels
Kuwento ni Katie ay pinapaliguan raw niya ang anak na si Emily nang aksidente makainom ito ng tubig habang naglalaro sa kaniyang paliligo. Noong una, hindi ito pinansin ni Katie, dahil iniisip niya na tubig lang naman ito, at hindi makakasama sa kaniyang anak.
Ngunit nang mapansin niyang naging matamlay, nahihirapang huminga, at nagsuka ang kaniyang anak ay dinala agad niya ito sa ER.
Dagdag ni Katie na kahit kaunti lang umano ang nainom na tubig ni Emily ay naiipit na dito ang kaniyang baga. Sa kabutihang palad, dahil sa dinala agad ni Katie ang anak sa ER ay naagapan kaagad ang nangyari.
Dahil rito, nag-post si Katie sa social media upang magbigay ng babala sa ibang mga magulang. Aniya, dapat maging maingat ang mga magulang pagdating sa dami ng tubig na ibinibigay sa kanilang mga anak.
Hangga’t maaari ay dapat gatas lang ang ipainom sa kanila hangang sila ay 6 na buwang gulang. Ito ay upang masiguradong hindi sila maging biktima ng pag-inom ng sobrang tubig.
Ano ang water intoxication?
Ang water intoxication ay nangyayari kapag maraming nainom na tubig ang isang tao sa loob ng maikling panahon. Bagama’t safe ang tubig sa mga bata, masama ito kung sumobra ang pag-inom.
Ito ay dahil kapag sumobra ang inom ng tubig, bumababa ang levels ng sodium sa katawan. Ang sodium ay mahalaga dahil ito ang nagkokontrol ng dami ng tubig na nahihigop ng mga cells ng katawan. Ang kondisyon na kung saan bumababa ang levels ng sodium sa katawan ay tinatawag na hyponatremia.
Kapag sumobrang baba ang levels ng sodium, sumosobra naman ang tubig na nakukuha ng mga cells, at posible itong magdulot ng pamamaga ng mga cell sa katawan, kasama na ang mga cells sa utak. Ito ay maaaring magdulot ng brain damage kung hindi agad maagapan.
Sa kabutihang palad, bihira ang ganitong klaseng pangyayari. Madalas ay nabubusog na ang mga bata bago pa man sila maging biktima ng water intoxication.
Ngunit mahalaga pa rin na maging maingat ang mga magulang pagdating sa tubig na iniinom ng kanilang mga anak. Dapat siguraduhing hindi sumosobra ang iniinom nilang tubig. Kailangan ang naiinom nila ay sapat lang para sa kanilang pangangailangan.
Ano ang sintomas ng water intoxication?
Baby photo created by freepik – www.freepik.com
Isang paraan na kung kailan nakakaranas ng water intoxication ang isang bata ay kapag dumede ito ng formula milk. Dahil may mga magulang na dinadagdagan ang dapat sanang dami lang ng tubig na ihahalo sa powdered milk para makatipid.
Ang paglalaro ng bata sa tubig ay maaaring maging daan din sa water intoxication. Tulad nang nangyari sa 11-month-old na batang si Emily na nakainom ng tubig habang siya ay naliligo.
Matapos ang mga nabanggit na pangyayari at ang iyong anak ay nakaranas ng mga sumusunod na sintomas, siya ay maaaring water intoxicated na.
- Pagkahilo.
- Bilang panghihina.
- Pagkalito.
- Pagbabago sa kaniyang kilos o behavior.
- Malinaw na ihi.
- Maraming basang diapers na higit sa 8 piraso o beses kang nagpapalit sa isang araw.
- Pamamaga sa mukha, braso at binti.
Ang mga nabanggit ay palantandaan na acute onset neurological changes na mahalagang mapagtingnan sa ospital o itinuturing ng emergency situation.
Paano nalulunasan ang water intoxication?
Tandaan na sa oras na mapansin ang mga nabanggit na sintomas sa iyong anak ay mabuting dalhin na siya sa doktor. Lalo na kung alam mong napasobra ang intake niya ng tubig sa katawan. Ito ay para mabigyan siya ng kaukulang lunas na kaniyang kailangan.
Ang treatment sa water toxication ay naiiba-iba depende sa gaano kababa ang sodium level sa katawan ng isang bata o sanggol. Kung mild lang naman ang case ng bata ay maaaring patigilin muna ang pag-inom niya ng tubig para ma-eliminate ang excess na tubig sa kidney niya.
Sa mga malalang kaso naman ng water intoxication sa bata ay kinakailangan ng gumamit ng diuretics. Ito ay upang mas maging madalas ang kaniyang pag-ihi at mabilis na ma-eliminate ang tubig sa kaniyang katawan. Maaari ring painumin siya ng saline solution para madagdagan naman ang sodium level sa kaniyang katawan.
Gaano karaming tubig ang dapat ibinibigay sa bata at sanggol?
Ayon sa American Academy of Pediatrics o AAP ay lubhang mapanganib na makainom ng sobrang tubig ang mga bata. Pero hindi naman ibig sabihin na dapat na itong agad na ipag-alala ng mga magulang. Dahil bago pa man makaranas ng water intoxication ang isang bata ay kinakailangan nito ng sobra-sobrang tubig sa katawan.
Pero napakahalaga na maging informed o magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga magulang tungkol dito. Ito ay para maiwasan ang mga peligrong dulot nito sa buhay ng mga bata at sanggol.
Ayon sa mga eksperto, hanggang sa anim na buwang gulang ng sanggol ay dapat purong gatas o breastmilk lang ang ibinibigay dito. Kahit na siya pa ay formula-fed o dumedede sa bote.
Ito ay dahil ang sobrang tubig ay maaring makapagpuno sa maliit pang tiyan ng sanggol. Ito rin ay maaaring maging hadlang para ma-absorb ng maayos ng kaniyang tiyan ang mga nutrients mula sa gatas sa dinede niya.
Pahayag naman ng WHO o World Health Organization kung ang isang bata ay purely breastfed ay hindi na kailangan nito ng additional na tubig.
Dahil sa ang breastmilk ay gawa sa 80% of water at naibibigay na ang kailangang fluid sa katawan ng sanggol. Ganito rin pagdating sa mga sanggol na bottle-fed na nanatiling hydrated sa tulong ng iniinom nilang formula milk.
Kailan dapat painumin ng tubig ang sanggol?
Sa oras na mag-6 na buwang gulang na ang sanggol ay maaari na siyang uminom ng 4-6 ounces ng tubig sa isang araw. Ito ay katumbas ng kalahating tasa ng tubig sa isang araw. Pero para mas makasigurado, mas mainam na magtanong muna sa doktor ng iyong anak.
Isang palatandaan rin na dapat ng bigyan ng tubig ang iyong anak ay sa oras na siya ay kumakain na ng solids. Dahil sa oras na kumakain na siya ay nababawasan ang intake o nadede niyang gatas.
Mula sa dating 30 to 42 ounces na nadedede niya, ito ay bababa sa 20-32 ounces a day nalang kapag kumakain na siya. Pero ito ay nakadepende pa rin sa pagkain na ibinibigay sa kaniya at kung gaano kadalas siya kumakain.
Sa edad na ito ng sanggol ay maaring i-introduce sa kaniya ang tubig sa tulong ng sippy cup. Ito ang mga edad na kung saan ay mas nagiging active na ang isang sanggol. Kaya naman ang dagdag na tubig ay kinakailangan ng kaniyang katawan.
Paano makakaiwas sa water intoxication
Baby photo created by wirestock – www.freepik.com
Para makaiwas sa water intoxication ang isang sanggol ay ito ang mga dapat tandaan ng mga magulang.
- Maging maingat sa pagpapaligo sa anak. Siguraduhing sa oras na ginagawa ito ay hindi siya nakakainom ng tubig.
- Siguraduhing nakabantay sa iyong anak sa tuwing siya ay naliligo o naglalaro sa pool o kahit anong lugar na may tubig.
- Iwasang paglaruin ang iyong anak ng mga baso o cups habang nasa tubig. Dahil sa ang mga ito ay maaaring malagyan ng tubig na kanilang maiinom.
- Huwag hahaluan ng dagdag na tubig ang breastmik o formula milk.
Dapat ding bantayan ang dehydration sa mga bata!
Samantala, maliban sa water intoxication nakakabahala rin kung ang isang bata ay made-dehydrate Ito ay ang kondisyon na kulang naman sa tubig ang katawan ng isang bata.
Sa kondisyong ito ay dapat dagdagan ang nako-consume na tubig ng bata o sanggol. Ang mga palatandaan naman na dehydrated ang isang bata o sanggol at kailangan ng dagdag na tubig ay ang sumusunod:
- Mas kaunti sa 6 na basing diapers sa loob ng 24 oras.
- Dark yellow na ihi.
- Nanunuyong labi.
- Pag-iyak na walang luha.
- Nanunuyong balat na hindi agad bumabalik sa dati kapag pinipisil.
- Nanlalalim na mga mata.
- Pagiging matamlay.
- Lubog o malalim na bunbunan.
- Masyadong antukin hindi tulad ng normal.
- Malamig na paa at kamay.
Para naman masiguro na mabibigyan ng sapat na tubig o fluid ang iyong anak ay maaring gawin ang mga sumusunod na tips:
- I-encourage ang iyong anak na uminom ng tubig kahit paunti-unti lang.
- Gumamit ng makukulay na baso at straw sa pagbibigay ng fluids sa iyong anak na kanilang katutuwaan.
- Sa oras na gagawa ng nakakapawis na activity ang anak ay i-encourage siyang uminom ng tubig. Ito rin ang gawin matapos niyang gawin ang naturang activity.
- Bigyan siya ng mga water-riched foods tulad ng mga prutas na pakwan, orange, at grapes.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.