Libreng Sakay: Water jeepney mula Cavite hanggang Maynila inilunsad

Narito ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa pinaka-bagong mode of transportation sa Maynila, ang water jeepney.

Water jeepney na bumabyahe mula Cavite-Manila at pabalik nagsimula ng mag-operate ngayong December 9, 2019.

Byahe ng water jeepney sa Cavite-Manila vice versa

Isang panibagong paraan ng pagcocommute ang inilunsad ngayong araw December 9, 2019. Ito ay sa pamamagitan ng water jeepney na bumabyahe mula Cavite-Manila at vice versa. Tinatayang sa tulong nito ang byahe by land mula Cavite to Manila na apat na oras ay mapapaikli ng 15-20 minuto.

“Hangarin ng programang ito na bigyan ng alternatibong paraan ng pagbiyahe ang mga kababayan nating taga-Cavite. Programang para sa kapakanan, convenience, at comfort ng mga taga-Cavite.”

Ito ang pahayag ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade sa opening ceremony ng water jeepney ngayong araw.

“Ibabalik po natin ang efficiency ng mass public transportation system. Sinabi ni Mayor kanina, apat na oras ang biyahe. Ngayon, sumakay po kami galing ng MOA (Mall of Asia), 15 minutes lang andito na po kami sa Cavite.”

Ito naman ang pahayag ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Sarmiento na ginawang dry-run operations ng water jeepney ngayong araw.

Maliban sa mas mabilis na bihaye ay may libreng sakay na ibinibigay ang mga water jeepney sa mga commuters mula ngayong araw Dec.9 hanggang January 9, 2020. Ito ay upang kanilang masubukan ang serbisyo at bilis ng takbo nito na mas magpapadali ng kanilang buhay sa pagbyabyahe.

Ang libreng sakay ay pamaskong handog umano ng dalawang shipping companies na nag-ooperate ng water jeepneys, ang Seaborne Shipping Company Inc at Shogun Ships Co., Inc. Ito ang dagdag na pahayag ni DOT Sec. Arthur Tugade sa pagsisimula ng operasyon ng water jeepney kanina.

Trip schedule ng water jeepney

Sa mga nais sumakay at subukan ang biyahe sa water jeepney, ito ay nagsasakay at nagbaba ng pasahero sa Cavite City Port terminal sa Cavite. Habang sa Maynila naman ang mga pasahero ay maaring sumakay sa isang bahagi ng Pasig River malapit sa Liwasang Bonifacio o Lawton at CCP.

Ang MV Island Sabtang na kayang magsakay ng hanggang 57 na pasahero ay magsisimulang bumayahe mula Cavite hanggang Lawton tuwing 5:15 ng umaga hanggang 5:45 ng hapon. Habang ang first trip naman sa Lawton pa-Cavite ay 6:30 ng umaga at ang last trip ay alas-7 ng gabi. Pagtapos ng libreng sakay sa Janury 9 ay magkakahalaga na ng P160 ang pamasahe kada pasahero sa byaheng mula Cavite hanggang Lawton.

Image from Mindanation

Samantalang, ang MV Island Seaborne Mercury naman na kayang magsakay ng hanggang 27 na pasahero ay bumabyahe mula Cavite to CCP simula alas-7 ng umaga. Susundan ito ng 2nd trip ng alas-9 ng umaga, 3rd trip sa 4:30 at last trip ng 6:30 ng hapon,

Ang CCP to Cavite trip naman ay magsisimula ng alas-6 ng umaga, habang ang last trip naman ay 5:30 ng hapon. Nagkakahalaga naman ng P200 ang pamasahe sa route na ito ng water jeepney.

Hindi naman dapat mag-alala ang mga estudyante dahil nag-ooffer ng discount sa mga estudyante, senior citizen at mga bata ang byahe ng mga water ferry.

Image from Mindanation

Para sa MV Island Sabtang ang mga estudyante ay may discounted na pamasaheng nagkakahalaga ng P128, P114 sa senior citizens at P80 sa mga batang edad 4-11 years old.

Ang MV Island Seaborne naman ay nag-ooffer ng discounted na pamasahe sa mga estudyante ng P160, P143 sa mga senior citizens at P125 sa mga batang edad 4-11 years old.

Source: Manila Bulletin, Business World, Inquirer

Photo: Manila Bulletin

Basahin: VIRAL: Matandang lalaki bugbog matapos “manghipo” diumano ng babaeng pasahero