Yllana Colleges of Business and Arts sa Lucena, Quezon nagsara na matapos kumpirmahin ng TESDA na sila ay walang accreditation mula sa ahensya.
Reklamo laban sa Yllana Colleges of Business and Arts
Isang grupo ng mga estudyante mula sa Yllana Colleges of Business and Arts sa Lucena, Quezon ang humingi ng tulong sa programa ni Raffy Tulfo. Ang kanilang inirereklamo ay ang kanilang eskwelahan na hindi umano rehistrado. Dahilan para masayang ang taon na inilaan nila dito pati na ang perang ginastos sa kanilang pag-aaral.
Kinumpirma naman ng TESDA o Technical Educational and Skills Development Authority ang paratang na ito ng mga estudyante tungkol sa Yllana Colleges of Business and Arts
Ito ang pahayag ni Dr. Alejandra De Jesus, Provincial Director ng TESDA sa Quezon.
“Iyang eskwelahan na yan ay may naka-registered na program sa dati nilang location na Food and Beverage services NCII at saka Computer Systems Servicing NCII. Noong lumipat sila ng location hindi po sila nakapag-parehistro sa amin at hindi pa ata sila nakakuha ng amendment sa Security and Exchange Commission (SEC).”
At bilang solusyon sa reklamo ng mga estudyante ay ito ang kanilang hakbang.
“Kami po as far as TESDA is concerned, nagkamali po ang eskwelahan at mag-iisue po kami ng ng cease and desist order from offering an unregistered training course. Hindi na po siya pwede mag-ooffer ng Tech Voc courses sa susunod. Pwede rin po kaming mamagitan na i-convince yung eskwelahan na i-refund yung mga pera ng mga bata.”
Sinang-ayunan naman ang pahayag na ito ng tumayong representative ng Yllana Colleges of Business and Arts sa programa na si Evelyn Estrada mula sa Finance Office ng eskwelahan. Ayon pa sa kaniya ay nauna ng nabigyan ng refund ang ilan sa mga kaklase ng grupong nagrereklamo kay Raffy Tulfo.
Ngunit ilang araw matapos ang dayalogo sa pagitan ng mga estudyante at kanilang eskwelahan sa programa ni Raffy Tulfo ay nagsara na ang Yllana Colleges of Business and Arts. Hindi narin umano makontak ng TESDA ang pamunuan nito.
Paliwanag ng Yllana brothers, may-ari ng eskwelahan
Kaya naman nag-desisyon ang mga estudyante ituloy ang kanilang kaso sa NBI na kung saan nahaharap sa reklamong violation of Estafa (Article 315: Large Scale Estafa) at violation of Batas Pambansa (Article 232: Education Act of 1982).
Mula sa pangalan ng eskwelahan at mga flyers na ipimamimigay nila ay napag-alamang ang magkakapatid na aktor na sina Ryan at Anjo Yllana ang may-ari ng eskwelahan.
Matapos ang pagsasampa ng kaso sa NBI ng mga estudyante ay minabuti ng magkapatid na lumabas at magpaliwanag ng kanilang side sa isyu.
Ayon kay Anjo, siya ang nagtayo ng eskwelahan noong 2016 na kinalaunang pina-manage ito sa kapatid na si Ryan. Noong una ay maayos daw silang nag-ooperate hanggang sila ay lumipat ng building noong 2018.
“I started it and I gave it to Ryan. Five thousand students ang nabigyan namin ng certificates at naka-graduate.”
“Noong 2016 po, natayo ang Yllana School kumpleto ang certificates natin hanggang 2018. Dahil nalugi ang school, hindi po talaga kumikita ang school. So lumipat kami ng building ang hindi namin alam kapag lumipat ka pala ng building kailangan mo ng bagong certificates.”
Sunubukan daw ng pamunuan ng eskwelahan na mag-comply sa requirements ng TESDA ngunit nabigo sila. At bilang may-ari ito ay lingid na umano sa kanilang kaalaman at tanging administrator ng eskwelahan lang ang may nalalaman.
Solusyon sa problema
Bilang solusyon sa kinakaharap na problema ay handa umanong i-refund ng Yllana Colleges of Business and Arts ang lahat ng gastos ng mga estudyante. Pati na ang kanilang pamasahe sa pagpasok sa school araw-araw.
Nakikipag-ugnayan din sila sa TESDA kung paano ang gagawing solusyon sa isang taon at kalahati na nasayang ng mga mag-aaral.
Sagot ng TESDA ay maaring mabigyan ng certificates ang mga bata sa NCII Food and Beverage Services bagamat hindi ito katumbas sa isang taon. Magbibigay din sila ng scholarship para sa mga estudyante sa pinakamalapit na school sa kanila at sa course na kanilang pipilin.
Paano malalaman kung accredited ba ng TESDA ang isang eskwelahan
Kaya naman mula sa nangyari ay muling pinapaalala ng TESDA sa mga estudyante na i-check muna kung accredited ba ng ahensya ang eskwelahan na balak nilang pag-enrollan. Magagawa ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- I-check ito online sa pamamagitan ng pagbisita sa tesda.gov.ph.
- Hanapin ang TESDA certificate na iniisyu ng ahensya sa kanilang mga accredited schools na required nilang i-display sa kanilang eskwelahan.
- Para sa mas marami pang detalye at masagot ang iba pang katanungan mabuting makipag-ugnayan din sa pinakamalapit na TESDA office sa kanilang lugar.
Source:
Abante, Raffy Tulfo in Action, TESDA
K-12: Isang gabay para sa mga magulang