Yolk sac tumor, ito ang kalaunang natuklasang sakit at sanhi ng pagkamatay ng isang 3-anyos na batang babae. Bata, ilang beses inakalang constipated lang dahil sa hindi ito makadumi.
Batang nasawi sa yolk sac tumor
Lagnat at hindi makadumi, iyan ang mga nararamdaman ng 3-anyos na si Francesca ilang araw bago ito nasawi.
Kwento ng mga magulang niya na sina John at Lorraine, nagising nalang daw bigla sa gitna ng gabi ang kanilang anak na umiiyak at hirap ng huminga. Hanggang sa kinaumagahan ng April 1, 2017 nakaranas ng cardiac arrest ang bata at tuluyang binawian ng buhay.
Para malinawagan sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng anak ay nag-desisyon ang mga magulang ni Francesca na pa-imbestigahan ang tunay na ikinamatay niya. Lalo pa’t bago ito nasawi ay dalawang beses nila itong dinala sa doktor na kung saan pareho lang din ang sinasabi sa kanila. Constipated lang daw umano ang bata. Ito ay kahit hindi naman umeepekto ang mga laxatives at suppositories na inireseta sa kaniya.
Nang lumabas ang post-mortem report, natuklasan ang tunay na ikinamatay ng bata at ang dahilan ng hindi niya pagdumi. Ito pala ay dahil sa 5cm tumor na humaharang sa kaniyang dumi.
Ayon sa mga doktor ang tumor na tumubo kay Francesca ay isang rare ovarian yolk sac tumor. Kung natukoy lang daw ito ng mas maaga nasa 80% pa ang survival rate ni Francesca. At sana buhay pa siya ngayon.
Ano ang tumor na ito?
Ang yolk sac tumor ay kilala rin sa tawag na germ cell tumors, teratomas, o embryonal carcinoma. Maliban sa ovaries at testes ay maari ring itong mabuo sa sacrococcygeal area ng katawan o ang bottom part ng ating spine. Pati na sa chest, abdomen, at sa ating utak.
Hindi pa tukoy kung ano ang sanhi ng pagkakaroon nito. Ngunit mas tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng yolk sac tumor kung may gene defects na naipasa ang mga magulang sa kanilang anak.
Ang tumor na ito ay madalas na tumutubo sa batang isa o dalawang taong gulang.
Mga sintomas:
Ang sintomas ng yolk sac tumor ay nakadepende sa lokasyon nito. Ngunit ang ilang sintomas na mararanasan ng may taglay ng naturang kondisyon ay ang sumusunod:
- Kung ang tumor ay tumubo sa testes ng isang lalaki, ito ay magiging visible, painless at namamaga. Ang testes rin ay may unusual shape at size.
- Sa mga babae, dahil ito ay tumutubo sa ovary hindi ito agad matutukoy maliban nalang kung ito ay malaki na. Ngunit ang sinumang mayroon nito ay makakaranas ng constipation o hirap sa pagpigil ng kaniyang ihi.
- At kung sa sacrococcygeal area naman ay makikita sa bandang puwetan ang tumor na namamaga na aakalain mong pasa o infection. Ito ay magdudulot ng weakness o pain sa mga binti ng taong mayroon nito.
Maliban sa mga nabanggit, ang sinumang may yolk sac tumor ay maari ring makaranas ng sumusunod:
- Pananakit ng tiyan
- Chest pain
- Hirap sa paghinga
- Paglabo ng mata
- Lagnat
- Pakiramdam na laging kailangang umihi o hirap umihi
- Increased hair growth
- Vaginal bleeding
- No menstrual period
Para ma-diagnose ang yolk sac tumor ay kailangang sumailalim sa blood test, CT scan, MRI at biopsy ang sinumang may taglay nito.
Lunas sa yolk sac tumor
Ang lunas sa yolk sac tumor ay nakadepende sa stage at lokasyon ng tumor.
Kung ito ay nasa testes ay kailangan muna itong tanggalin sa pamamagitan ng surgery bago dumaan sa chemotherapy.
Para naman sa tumor na tumubo sa sacrococcygeal region, kailangan munang sumailalim sa chemotherapy ang pasyente para paimpisin ang tumor. Saka ito tatanggalin sa pamamagitan ng surgery.
Maari ring malunasan ang yolk sac tumor sa pamamagitan ng radiation therapy.
Kung ang tumor ay agad na matutukoy at malulunasan ay mataas ang posibilidad na gumaling mula dito ang sinumang may taglay ng sakit.
Source: Cancer.gov, Cincinnati Children, Kid’s Health, Stanford Children, DailyMail UK
Basahin: 11 Bagay na dapat malaman tungkol sa constipation at diarrhea ni baby