Isa sa mga pinaka-inaabangan tuwing pasko ang 13th month pay. Kaya nuong nakaraang Miyerkules. ika-11 ng Disyembre, ay nagbigay ng paalala ang Department of Labor and Employment. Nais nilang tandaan ng mga employer na ang 13th month pay ng kasambahay ay bahagi ng Republic Act 10361.
13th month pay
Ipinapaalala ni Labor Secretary Silvestro Bello III na dapat maibigay ang 13th month pay bago ang bisperas ng pasko. Ito ay isinasaad ng batas at kapag hindi naibigay ay may katumbas na parusa.
Ganunpaman ay inamin din ng DOLE hangga’t walang kasong naisasampa, wala silang kapangyarihan na magbigay ng compliance order. Bihira lang rin ang natatanggap na reklamo pagdating sa hindi pagbibigay ng 13th month pay. Ito ay dahil maaaring humingi ng exemption ang mga kompanya kapag sila ay nasalanta.
Kasambahay law
Sa press statement na isinagawa ng DOLE nuong ika-4 ng Hulyo nuong nakaraang taon, ibinahagi ni Bello ang mga nilalaman ng Republic Act 10361 o mas kinikilalang ‘Kasambahay Law’. Ayon sa batas na ito, dapat ay nakakatanggap ng 13th month pay ang mga kasambahay.
Bukod sa 13th month pay, mayroon ding ibang benepisyong dapat ay natatanggap ng mga kasambahay. Kabilang dito ang limang araw ng service incentive leave kada-taon. Mayroon din silang isang buong araw kada-linggo ng pahinga na walang gagambala. Dapat din ay mayroong Social Security System(SSS), Philhealth, at Pag-Ibig ang mga kasambahay.
Ang mga kasambahay din ay may karapatan sa iba pang leaves. Kabilang dito ang Solo Parent Leave (Republic Act 8972), Special Leave Benefit for Women under the Magna Carta for Women (Republic Act 9710), at Violence against Women and their Children (VAWC) Leave (Republic Act 9262). Maaaring makuha ng mga kasambahay ang mga benepisyong ito basta sila ay pasok sa mga requirements na kakailanganin.
Ang mga employers ay maaari parin magdagdag ng iba pang benepisyo na kung kanilang nanaisin. Kailangan lamang tandaan na hindi dapat bumaba sa minimum na hinihingi ng batas.
Kasambahay law o R.A 10361
Ang Kasambahay law o Republic Act No. 10361 ay ang isang panlipunang batas na kumikilala sa karapatan ng mga kasambahay ng kahalintulad ng mga nasa pormal na sektor.
Sa Kasambahay Law ay binibigyan ng respeto at proteksyon ang ginagawang serbisyo ng mga domestic workers. Sinisiguro rin na ang kanilang karapatang pantao ay hindi nauubuso. At naibibigay ang tama nilang sweldo at iba pang benepisyo sa ginagawang pagtratrabaho.
Sakop ng batas na ito ang mga sumusunod:
- Yaya
- Tagaluto o cook
- Gardener
- Labandera o namamalantsa
- Kasambahay na bata na may edad na labing-lima (15) hanggang labing-walong
- (18) taong gulang.
- Sinumang may kinalaman sa gawaing bahay na regular at palagiang nyang ginagawa.
Hindi naman nasasakop ng batas na ito ang mga service providers, family drivers, mga batang inampon sa pamamagitan ng family arrangement o ang mga taong nagseserbisyo lang sa isang bahay kung minsan o kinakailangan.
Ayon sa batas, bago magsimula ng serbisyo ang isang kasambahay ay dapat may written employment contract na silang napagkasunduan ng kaniyang employer. Kapalit nito ay may karapatang manghingi ng mga requirements ang kaniyang employer bago siya tuluyang matanggap at magsimula sa trabaho. Ito ay ang sumusunod:
- Barangay clearance
- Police clearance
- NBI clearance
- Medical certificate
- Birth certificate o baptismal certificate kung ano ang available.
Ang mga requirements na ito ay hinihingi upang masiguro na walang criminal record ang kasambahay at gumagamit siya ng tunay na identipikasyon.
Para sa mga wala pang 18-anyos na kasambahay na nag-aapply, ang dapat pumirma sa kaniyang employment contract ay ang kaniyang legal guardian.
Karapatan ng kasambahay
Mula ng naisabatas ang kasambahay law noong 2013, ang itinalagang minimum wage sa mga kasambahay kada buwan ay P2,500 para sa NCR. Nasa P2,000 para sa mga cities at 1st class municipalities. Habang P1,500 naman para sa iba pang municipalities o nasa probinsya.
Ngunit nito lamang Enero 2020, ay itinaas na sa P5,000 ang minimum wage salary ng mga kasambahay sa NCR buwan-buwan. Habang ang mga nasa cities at 1st class municipalities ay nasa P4,500 na. At P4,000 naman sa iba pang munisipalidad at probinsya.
Ang sweldo ng mga kasambahay ay dapat ibinibigay ng cash ng hindi bababa sa isang beses buwan-buwan.
Kasambahay benefits
Maliban sa tamang pasweldo, ang mga kasambahay ay entitled rin na magkaroon ng 8 oras na pahinga araw-araw. Sila ay dapat mayroon ding day-off isang beses kada linggo. Ang araw nito ay naka-depende sa napagusapan o napagkasunduan nila ng kaniyang employer.
Kung ang isang kasambahay ay naka-isang taon ng pagseserbisyo sa kaniyang employer siya ay entitled na sa 5 araw na annual service incentive leave. Ito ay may bayad at hindi maaring maidagdag sa mga susunod na taon kung hindi magagamit. At hindi rin ito maaring i-convert sa cash kung pipiliin ng kasambahay na huwag gamitin.
Dapat ding makatanggap ng 13th month pay ang isang kasambahay kahit na ba isang buwan palang siyang nagseserbisyo sa kaniyang employer. Kung naka-isang taon na siyang nagtratrabaho ay dapat matanggap niya ng buo ang kaniyang 13th month pay. At ito ay dapat ibinibigay bago ang December 24 sa kada taon.
Mahalaga rin na mapa-rehistro o mapabilang ang mga kasambahay sa mga programa ng gobyerno tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG. Ito ay upang makatanggap rin sila ng mga benepisyo mula sa mga nabanggit na ahensya. Ang kontribusyon sa mga nasabing ahensya ay dapat sagot na ng employer ng kasambahay kung siya ay sumusweldo ng mas mababa sa P5,000 kada buwan. Pero kung ang sweldo niya ay higit pa sa nabanggit na halaga ay dapat na siyang makihati sa binabayarang premium ng employer niya sa mga nasabing ahensiya.
Kasambahay separation pay
Samantala, base parin sa batas, ang mga kasambahay ay hindi entitled sa separation pay. Maliban nalang kung ito ay nakapaloob sa napagkasunduan na kontrata ng kanilang employer.
Ngunit sa oras naman na masisante o matigil ang serbisyo ng kasambahay ng walang dahilan ay makakatanggap siya ng bayad na katumbas ng 15 araw niyang kita o kalahating buwang sahod.
Kung ang kasambahay naman ang bigla o kusang umalis mula sa kaniyang trabaho, siya ay hindi entitled sa kabayarang ito. Ngunit dapat niya paring makuha ang kaniyang huling sweldo pati na ang naipon niyang 13th month pay benefit.
Mga bawal sa ilalim ng kasambahay law
Narito naman ang itinuturing na bawal o unlawful sa ilalim ng kasambahay law:
- Pagkuha ng kasambahay na mas bata sa 15-anyos.
- Hindi pagbibigay ng sahod ng kasambahay.
- Hindi tamang pagpapasweldo sa kasambahay.
- Pagpapabayad sa mga nawala o nasirang gamit ng kasambahay.
- Paglalagay sa kasambahay sa isang debt bondage.
- Pagchacharge sa ibang bahay ng ginawang task ng kasambahay.
Ang mga penalties naman na maaring maipataw sa sinumang lumabag sa kasambahay law ay ang sumusunod:
1st offense: Multa na P10,000
2nd offense: Multa na P20,000
3rd offense: Multa na P30,000
4th offense: Multa na P40,000
Source: ABS-CBN News, Business World
Basahin: Isabelle Daza, dinodoble ang savings ng mga kasambahay niya taun-taon