Isabelle Daza ini-encourage ang mga kasambahay niyang mag-ipon sa pamamagitan ng pag-doble sa bank savings ng mga ito taun-taon.
Image screenshot from Isabelle Daza’s Instagram account
Sa isang interview ni Isabelle Daza sa programang Tonight with Boy Abunda sa ABS-CBN ay ibinahagi nito kung paano niya tinutulungan ang mga kasambahay niyang mag-ipon. Ito ay sa pamamagitan ng pag-doble sa mga bank savings ng mga ito sa tuwing katapusan ng taon.
Ayon kay Isabelle, ito ay isang paraan niya na tulungan silang magkaroon ng target at ma-reach ang kanilang goals sa pag-sesave ng perang pinaghirapan nila.
Isabelle Daza kasambahay contract
Maliban rin sa pagsisiguro na nakakaipon ang mga kasambahay niya ay tinutulungan niya rin ang mga ito na malaman ang mga karapatan nila.
Ginawa niya ito sa pamamagitan ng isang kontrata para sa kaniyang mga kasambahay na ipinost ng aktres sa Instagram nito lamang nakaraang buwan.
Ayon kay Isabelle, ito daw ay ideya ng kaniyang asawa na si Adrien Semblat na isang businessman.
Nakapaloob sa kontrata na ginawa ni Isabelle ang mga job description o work duties, key performance indicators, benefits at working hours ng kaniyang mga kasambahay.
Naproprotekhan daw ng kontrata na kaniyang ginawa ang kapakanan niya bilang employer at ng mga kasambahay bilang empleyado niya.
Ito daw ay isang paraan rin para ipaalam sa kanila na sila ay hindi agad basta puwedeng tanggalin sa trabaho dahil lang sa mga maliliit na pagkakamali. O hindi kaya ay dahil mainit lang ang ulo niya o nagugutom siya.
Sa kuha nga ng larawan ng kontrata na ipinost ni Isabelle Daza sa Instagram ay makikita rito ang mga tungkulin o mga dapat gawin ng isa niyang kasambahay.
Nakasaad din dito na kailangan niyang magtrabaho ng walong oras sa isang araw na may isang oras na pahinga para sa almusal, tanghalian at hapunan. Mayroon rin siyang day-off o rest day sa isang linggo.
Image screenshot from Isabelle Daza Instagram account
Ito daw ay napakaimportante dahil ayon kay Isabelle kung siya nga raw ay napapagod magtrabaho ng limang beses isang araw, ano pa daw kaya ang mga kasambahay niya na halos araw-araw ay gumagawa sa loob ng kaniyang bahay. Kaya naman karapat-dapat lang sa kanila na bigyan ng isang araw na pahinga sa isang linggo.
Ayon parin sa kontrata na ginawa ni Isabelle ay makukuha ng kasambahay niya ang kaniyang sweldo dalawang beses sa isang buwan. Ngunit nakalagay rin dito na hindi siya puwedeng mag-advance o humingi ng paunang sweldo maliban nalang kung ito ay kailangan para sa emergency.
Nakalagay rin dito na siya ay makakuha ng benepisyo gaya ng 13th month pay. Mayroon ding mga deductions sa kaniyang sahod para sa kaniyang SSS, Philhealth at Pag-ibig contributions.
May leave benefits din ito ng 30-day paid vacation leave na kung saan sagot din nila Isabelle ang kaniyang airfare pauwi sa kanilang probinsya. May nakalaan ding 15-day sick leave ngunit ito ay wala ng bayad.
Nakasaad din sa kasambahay contract na ginawa ni Isabelle Daza ang mga dapat niyang i-provide para sa kanila gaya ng pagkain, hygiene products, towels, uniform at iba pa.
Makikita rin sa kontrata ang mga agencies na maari nilang puntahan kung sakaling maramdaman nilang naaabuso ang karapatan nila bilang kasambahay.
Bilang kapalit sa mga benepisyong nakasaad sa kontrata ng kaniyang kasambahay ay ang mga kondisyon ni Isabelle gaya ng pagsasapribado ng mga impormasyong nalalaman ng kasambahay sa kaniyang pinaglilingkuran at ang pagsunod sa rule #1 nito. Ito ay ang hindi pagsagot ng “wala” ng hindi pa hinahanap sa buong bahay ang isang bagay na pinapahanap niya.
Reaksyon ng kasambahay ni Isabelle Daza
View this post on Instagram
A post shared by Yayaluning (@yayaluning) on
Ayon kay Isabelle, ay na-touched ang kaniyang mga kasambahay sa ginawa niyang kontrata dahil daw akala nila ay hindi sila deserve na makatanggap ng tulad nito.
Dagdag ni Isabelle, isa rin daw itong assurance sa mga kasambahay niya na hindi sila agad mawawalan ng trabaho dahil protektado sila ng ginawa niyang kontrata.
Para nga daw makilala ng husto ang kaniyang mga kasambahay ay gumawa rin ng isang questionnaire si Isabelle na tungkol sa kung anong nagpapasaya at nagpapalungkot sa kanila.
Ito daw ay dahil hindi lang dapat tungkol sa pera ang paglilingkod ng isang kasambahay kundi pati narin sa EQ at maayos na work environment. At higit sa lahat ay kung paano tratuhin ang ibang tao ng maayos at may humanity.
Ang kontratang ginawa ni Isabelle Daza ay base sa Domestic Workers Act o Republic Act 10361 na ipinasa ni President Benigno “Noynoy” Aquino III noong 2013.
Ito rin ay kilala sa tawag na Batas Kasambahay na kung saan nakasaad ang mga benepisyong dapat matanggap ng isang kasambahay gaya ng leave benefits, rest days at coverage mula sa SSS, Philhealth at Pag-ibig.
Panoorin ang interview ni Isabelle Daza kay Boy Abunda dito:
Sources: Inquirer, PEP.ph, Cosmo.PH, Inquirer, DOLE
Basahin: Isabelle Daza, gumawa ng kontrata para sa kaniyang mga kasambahay
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!