Narito na ang pag-ikot, paggapang, pag-upo nang mag-isa — 5 buwan na sanggol development! Ano pa nga ba ang kaya niyang gawin pagsapit ng buwan na ito?
Congratulations! Nalagpasan ni baby ang unang 4 na buwan! Ihanda ang sarili sa mas marami pang exciting na milestones ng iyong bulilit. Malapit na siya sa kalahating taon ng buhay niya, kaya’t nadadagdagan pa ang adventures niya. Mas madaldal na siya ngayon, paikot-ikot sa kama, at magsisimula nang gumapang.
Narito ang maaaring asahan sa buwang ito:
5 buwan na sanggol development: Physical development
- Nakakaupo na ng tuwid, mag-isa
Kinakaya na niyang umupo nang mag-isa, ng konting tulong na lang mula sa mga nag-aalaga. Iupo siya ng madalas, pero siguraduhing may mga unan o kutson na nakapaligid sa kaniya sakaling tumumba siya. May mga upuan na para sa mga batang nagsisimula pa lang umupo, tulad ng mga Bumbo chairs at high chairs para maging komportable sa posisyong ito.
- Pagdapa at pag-ikot
Kung hindi pa ito nagsimulang umikot, bumaligtad, dumapa mag-isa, ito na ang panahon na magsisimula siyang sumubok. Gustung gusto niyang nakadapa, para kaya’t tatangkain na niyang gawin ito kapag nakahiga. Kaya naman dapat ay alisto at maingat na huwag siyang iwan sa kama mag-isa at baka mahulog ito. Kung iiwan siya nang sandali, maglatag ng kumot o kuston sa sahig at duon siya ihiga.
- Gagapang at uusad
Gagamitin na niya ang mga binti, tuhod, kamay, braso para sa paggalaw, at kakayanin na niyang gumapang at umusad mag-isa. Dadapa ito gamit ang tuhod at braso at kamay, at uugoy pa nga minsan. Ito na ang simula ng paglilikot niya!
5 buwan na sanggol development: Cognitive development
Sa ika-5 buwan, magsisimula na siyang makilala ang sariling identity, at unti-unti na ring makikilala ni Mommy at Daddy ang karakter ng anak nila. Makulit, masayahin, expressive, may panahong bugnutin at emosiyonal din.
- Mabilis ang tugon at masayang pinapakita ang nararamdaman niya
Expressive at responsive na siya sa edad na ito, kaya masayang makisalamuha sa kaniya at siya sa maraming tao. Mahilig na siyang tumitig sa kausap o bumibisita sa kaniya, na parang sinusubukang intindihin ang sinasabi ng kausap. Mapapansin din na parang binabasa niya ang ibig sabihin ng mga tunog na naririnig tulad ng asong tumatahol, mga huni ng ibon, pitik ng mga daliri, at kung anu ano pa.
- Magaling humawak ng mga bagay at dumakma
Isa pang pangunahing kakayahan ng 5 buwang gulang ng bata ay ang gumagaling na paghawak niya ng mga bagay. Mahilig siyang dumampot at dumakma ng mga laruan at pagkain, at ilipat ito mula sa isang kamay papunta sa kabila.
- Pagtulog
Maaasahang maayos na ang pagtulog ni baby (at ni Mommy) sa buwan na ito, at hindi na nagigising sa magdamag. Mas marami na ang oras ng pahinga ng mga magulang dahil payapa na rin ang tulog ni baby. Mababawasan na rin ang pagtulog sa maghapon, kaya’t asahang mas marami nang oras para sa pag-aaruga sa kaniya sa maghapon.
5 Buwan baby development: Social at emotional development
Hindi pa man niya kaya na magpahiwatig ng pagkakaiba ng galit, frustration, at saya, sa edad na ito, kaya na niyang ipahatid ang nararamdaman at iniisip niya, lalo na ang pagpapakita ng pagmamahal at pagkagiliw sa mga nag-aalaga sa kaniya. Mahilig din siyang makipaglaro at makipaghagikgikan palagi, kaya’t samantalahin ito.
5 Buwan baby development: Speech at language development
Ang communication skills niya ay umuusbong na ngayon, at nadedevelop na ang sense of humour niya.
Mapapansin na ang mga ingit niya at ingay ay napapadalas at lumalakas din. Walang tigil na “da-da,” “ba-ba,” at “ma-ma” ang bigkas niya. Sumasagot na siya kapag kinakausap at tinatanong, sa sarili niyang lengwahe. Kapag natutuwa, napapasigaw pa nga siya.
Patuloy na basahan siya ng mga librong pambata, para mas marming salita siyang marinig at paglaon ay matutunan. Kapag kausap siya, ituro sa kaniya ang mga salita o pangalan ng mga bagay sa paligid niya at tawag sa mga ginagawa ninyo tulad ng “tulog”, “takbo”, “talon”. Tandaan na dapat ituro ang tamang salita at huwag gamitin ang “baby talk”.
- Kalusugan at nutrisyon
Mabilis ang paglaki ng iyong baby, at madalas na itong gutom dahil nga malikot na at aktibo. Ipagpatuloy ang pagpapainom ng gatas ng ina (o formula) para sa tamang nutrisyon.
Paglagpas ng 5 buwan, patikimin na siya ng konting solids tulad ng saging o sabaw ng gulay. Patikimin lang at huwag pakainin ng marami o lagpas sa isang kutsarita sa isang araw, dahil maaaring hindi pa siya handa. Itanong muna sa pediatrician ng bata kung ano ang pwedeng ipakain o kung gaano karami.
May mga doktor na nagpapayo na painumin na ng tubig ang bata kapag malapit na sa 6 na buwan. Itanong din ito sa doktor.
Mga Tips para sa Magulang
Makipag-usap kay baby palagi at samantalahin ang bawat minutong gising siya lalo sa maghapon. Mas maraming salita ang naririnig niya, mas marami siyang matututunan. Tawagin ang pangalan niya palagi, hanggang sa tumugon siya nang mas mabilis at magiliw.
Bigyan siya ng pagkakataon na gumapang, dumapa mag-isa, magpaikot-ikot, pero huwag na huwag aalisin sa paningin at pagbabantay para makaiwas sa animong aksidente. Childproofing ang priority ngayon sa bahay at sasakyan.
Ipakilala si baby sa iba’t ibang tao—mga kamag-anak, kalaro, kaibigan, para masanay siya sa ibang tao at para din gumaling ang communication skills niya. Kapag nasa supermarket o department store kayo, hikayatin siyang “makipag-usap” o mag-“hello” sa mga tao tulad ng kahera o salespeople.
Alamin ang mga bakuna na kailangan sa ika-6 na buwan at paghandaan na ito.
Sa ika-5 buwan, patuloy na mag-eenjoy ang buong pamilya sa pakikipaglaro at pakikipag-usap kay baby. At talaga namang kagigiliwan ang patuloy na pagtugon at paghagikgik niya. Lubus-lubusin ito at gawing makabuluhan para kay baby, at sa buong pamilya!
Isinalin sa wikang Filipino mula sa artikulong
https://sg.theasianparent.com/5-month-old-baby-development