Alamin ang mga importanteng bakuna na dapat mayroon si baby sa una nitong mga buwan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Importanteng vaccines sa unang taon ni baby
- Mga vaccine ni baby
- Pwede bang madelay ang vaccine ni baby?
Taon-taon, kinakailangang balikan at pag-aralan ang mga listahan ng bakuna, para masigurong updated at patuloy na ma-protektahan ang mga bata.
Gaano kaimportante ang bakuna ng bata: Pahayag ng mga eksperto
Ang pagbakuna sa unang taon ng isang bata ay isa sa pinakaimportanteng bagay na dapat bigyan ng prayoridad ng lahat ng magulang.
Bakuna ni baby | Image from Unsplash
Ayon kay Dr. Nicky Montoya, presidente ng MediCard Philippines, isang pangunahing HMO provider sa Pilipinas, may itinakdang bakuna ang UNICEF at Department of Health (DOH) ayon sa gulang, bata man o matanda.
Paliwanag ni Dr. Red Piedad,
“Ang pagbabakuna ay importante para mapigil ang onset o pagkalat ng mga highly transmissible diseases sa mga bata, lalo na sa mga sanggol.”
Dagdag pa niya,
“This will consequently decrease healthcare costs in treatment and preventing unnecessary stay or admissions in the hospital.”
May mga regulated at mandatory vaccines sa EPI o Expanded Program of Immunization.
BASAHIN:
Namamaga ang bakuna ni baby, normal ba ito?
#ASKDOK: Puwede bang ma-delay ang bakuna ni baby?
7 Libreng bakuna sa health center na ibinibigay sa mga batang 1-taong gulang pababa
Lahat ng bata ay dapat mabigyan ng lahat ng bakunang nakatala sa EPI. Lalo na sa unang dalawang taon ng bata. Ito ang mariing mensahe ng Centers for Disease Control and Prevention (CDCP) sa Amerika at UNICEF, at ng Philippine Pediatric Society at Department of Health.
Dahil sa patuloy na pananaliksik, may mga bagong bakunang itinatalaga. At may mga bakuna naman na para lang sa mga bansa kung saan laganap ang mga partikular na sakit.
Bakuna Real Talks
Bago natin isa-isahin ang mga bakunang dapat ibigay sa ating mga chikiting, alamin muna natin kung gaano ba kaimportante ang bakuna.
Sa ginawang live webinar ng theAsianparent Philippines na may pinamagatang “Bakuna Real Talks“, na pinangunahan ni Suzi Entrata-Abrera, kasama ang kasalukuyang Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination na si Dr. Lulu Bravo, sinagot nila isa-isa ang mahahalagang katanungan mula sa ating mga BakuNanay.
1. Kailangan pa ba ng Rotavirus vaccine kung breastfeeding naman ang bata?
Ang sagot ay oo.
Kadalasan, ang mga batang 1 year old pababa ang nakakakuha ng rotavirus. “Pinaka dangerous ‘yan at marami ang namamatay sa rotavirus na pagtatae between 6 months to 11 months or 1 year.” panimula ni Dr. Lulu.
Maraming magulang ang inaakalang simpleng pagtatae lang ito at hindi agad nadadala sa ospital ang mga sanggol. “Dahil ang rotavirus ay nakakasira sa iyong nutrisyon, nakakasira sa iyong immune, ‘yung mga susunod na sakit mo ay nagiging severe.”
Marapat lang na ibigay ang rotavirus vaccine sa mga sanggol kapag sila ay 6 weeks na.
Ayon kay Dr. Lulu, hindi dapat pinapabayaan ang sakit na pagtatae dahil dulot lang nito ang malnutrisyon at iba pang malalang sakit sa susunod.
Screenshot from Philippine Pediatric Society
2. Bakit hindi na lang hayaang mag-develop ng natural defense sa mga sakit at bakit kailangan pang pabakunahan?
Simple lang ang paliwanag ni Doc Lulu, “Ang pagbabakuna ay para iligtas ang buhay ng anak natin or mga mahal natin sa buhay.”
3. Pwede ba na bumili na lang ng vaccines at sa bahay mag-inject?
Maraming magulang ngayon ang takot lumabas dahil sa banta ng COVID-19. Kaya naman ang iba ay iniisip na lamang na sa bahay iturok ang bakuna. Ngunit pwede nga ba ito?
Ayon kay Dr. Lulu,
“Hindi natin nire-recommend na mangyari ‘yan. Ang mga doctor ayaw nilang magbigay ng bakuna na hindi nila alam kung saan galing kasi baka fake.”
Ang mga bakuna kasing ito ay nakalagay sa cold chain. Kaya naman hindi ito basta-bastang pwedeng ibigay o bilhin online na dadalhin kung saan-saan.
4. Do we get free vaccines from barangay health centers?
Ayon kay Dr. Lulu,
“We do have BCG at birth. Binibigay ‘yan at saka Hepatitis b. Tapos after 6 weeks, babalik ka sa health center para bigyan ka ng pentavalent 5-in-1.”
Anim na vaccine agad ang maibibigay at uulitin pagkatapos ng apat na linggo hanggang mag 3rd dose. Para sa vaccine sa measles, ibibigay ito pagsapit ng 9 months ni baby.
Mahalaga ang bakuna sa mga sanggol at mga bata dahil kaya nitong protektahan sila sa mga seryosong sakit habang sila ay lumalaki.
“Vaccines also play a role in reducing the risk of infections that are not common but are associated with severe life-threatening conditions and/or disabilities. Before vaccines became widely available, many children died from diseases that vaccines now prevent.”
Asahan na ang mild side effects pagkatapos ng bakuna. Maaaring maranasan ang lagnat, rashes o pamamaga sa bahagi kung saan binakunahan si baby. Ngunit hindi naman ito dapat ikabahala, normal ito at bahagi lang ng vaccination.
“Side effects can occur with any medicine, including vaccines. In most cases, vaccines cause only mild side effects, if any, such as fever, rash or soreness at the injection site. Slight discomfort is normal and should not be a cause for alarm. Paracetamol may be given if your child develops fever while cold compress may be applied for the pain and swelling at the injection site.”
Kung sakaling mapansin ang kakaiba o pagiging severe ng side effects katulad ng mabilis na pagtaas ng lagnat o anumang sign ng allergic reaction ni baby, ‘wag mag dalawang isip na dalhin kaagad siya sa doktor.
Immunization Schedule
Mayroong 13 rekumendadong bakuna sa updated childhood immunization schedule ng mga batang Filipino na nasa edad na 0 hanggang 18 taong gulang.
Para ngayong taon, narito ang Childhood Immunization Schedule 2021 na hatid ng Philippine Pediatric Society (PPS), Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP), at Philippine Foundation for Vaccination (PFV).
Makikita rito ang visual summary guide sa mga magulang at doktor ng mga vaccine recommendations para sa mga bata ngayong 2021.
Ang expanded program of immunization o EPI ang nagtatakda ng pagbabakuna sa mga batang 0 hanggang 18 taong gulang, paliwanag ni Dr. Piedad.
Ang mga sumusunod ay ang mga EPI Vaccines o bakuna:
Pagkapanganak hanggang 4 weeks
- BCG (Bacillus, calmette Guerrin)- Pinoprotektahan nito ang mga bata laban sa Tuberculosis at ketong (leprosy).
- Hepatitis B- Ang monovalent HPV ay ibinibigay ng intramuscular, at ang unang dose ay sa unang 24 oras pagkapanganak. Ang ikalawang dose ay sa ika-4 na linggo pagkatapos ng unang dose o 1 hanggang 2 buwan pagkatapos ng unang dose/injection. Habang ang ikatlo at huling dose ay pagkatapos ng 24 na linggo pagkapanganak o 6 na buwang gulang. Iba ang schedule ng bakuna kapag ipinanganak ng pre-term ang bata. Ang Hepatitis B ay makakasira sa atay (liver) at maaaring maging sanhi ng kanser sa pagtanda.
6, 10, at 14 weeks
1. DPT
Ang (diphtheria, pertussis, tetanus) ay ibinibigay ng intramuscular para maprotektahan ang sanggol mula sa 3 uri ng sakit na nabanggit. Ang unang injection ay sa unang 6 na linggo pagkapanganak, at may puwang o interval na 4 na linggo bago ibigay ulit ang ikalawa at ikatlong dose.
Maaaring may ika-apat na dose pagdating ng 12 buwan o isang taon ng bata. Kung 6 na buwan na ang lumipas mula ng ibigay ang ikatlong dose.
Lahat ng bata pati ang ina ay kailangang mabakunahan laban sa Tetanus.
Bakuna ni baby | Image from iStock
2. OPV/ IPV
Ang oral poliovirus vaccine o inactivated poliovirus vaccine ay ibinibigay kapag 6 na linggo na ang bata. Ayon sa EPI, karaniwang isinasabay ito sa mga bakunang DPT, HIB, Hep B, sa ika-6, ika-10 at ika-14 na linggo. Basta’t may interval na 4 na linggo kada dose.
Optional ang booster dose sa ika-4 na taong gulang ng bata at hindi bababa sa 6 na buwan mula sa huling dose. Ito ay nagbibigay proteksyon laban sa sakit na polio na nagiging sanhi ng kapansanan. Dahil sa panghihina ng mga buto at hirap sa paglalakad o paggalaw ng binti.
3. Rotavirus
Ibinibigay ito sa pamamagitan ng drops sa bibig ng sanggol, laban sa malalang diarrhea. Ito ay nagsisimula nang maging laganap sa ating bansa, at sa mga bansa o lugar na hindi abot ng maayos na health care. Ibinibigay ito sa ika-6 na linggo pagkapanganak, at may interval na 4 linggo matapos ang naunang dose. Ang huling dose ay dapat maibigay ng hindi lalagpas sa 32 linggo o 2 taon at 8 buwang gulang.
Mayrong 2 uri: ang monovalent (RV1) na ibinibigay sa serye ng 2 doses, at pentavalent (RV5) na lumalaban sa mas maraming strains ng rotavirus, sa serye ng 3 doses.
4. Haemophilus influenzae type B (Hib) at pneumococoal conjugate (PCV) vaccines
Ang PCV (Pneumococcal Vaccine) ay ibinibigay sa edad na 6 na linggo, at ang primary vaccination nito ay may 3 doses, na may pagitan na hindi bababa sa 4 na linggo, at may booster sa ika-6 na buwan pagkatapos ng ikatlong dose.
Ang PCV ay hindi rekumendado para sa mga malulusog o walang sakit na batang edad 5 taon pataas, paliwanag ni Dr. Piedad.
Ang pulmonya ay sanhi ng pneumococcus bacteria or Haemophilus influenzae type B (Hib) bacteria. Ito ay delikado at nakakamatay lalo sa mga malilit na bata.
Ang dalawang bakterya na ito ay sanhi din ng meningitis at iba pang impeksiyon.
*Mayroon nang bakuna na kombinasyon ng 5 bakuna: DPT, hepatits B at Hib vaccines ay karaniwang sabay sabay ibinibigay.
Bakuna ni baby | Image from iStock
9 months
1. MMR
Ang MMR (Measles, mumps, rubella) ay iniiniksiyon sa batang edad 12 buwan o isang taong gulang. May 2 doses ito, at ang ikalawa ay ibinibigay sa mga batang 4 hanggang 6 na taong gulang. Puwede rin itong ibigay bago mag-4 na taong gulang, basta’s may pagitan na 4 na linggo matapos ng huling dose. Ito ay ibinibigay sa ika-9 na buwang gulang, pero maaaring ibigay sa ika-6 na buwang gulang kung may outbreak.
Ang measles o tigdas ay maaaring maging sanhi ng malnutrisyon, poor mental development, at pagkabingi at pagkabulag (hearing and visual impairments) at nakamamatay kung hindi maaagapan, kaya’t mahalagang mabakunahan agad ang bata. Binibigyan din ng Vitamin A ang mga bata para labanan ang sakit na ito.
Sa EPI, ang 2nd dose ng MMR ay ibinibigay ng mga public schools sa mga mag-aaral nila sa edad na 13 taong gulang, dagdag ni Dr. Piedad.
Ang bakuna ng bata
Bawat bakuna ay may takdang edad ng bata upang masiguradong ito ay epektibo. Ang ibang bakuna ay nangangailangan ng higit sa isang dose, o may tinatawag na booster shots.
Siguraduhing maibibigay din ito sa bata upang mapanatili ang pagiging epektibo nito, payo ni Dr. Piedad. Marami pang mga bakuna ang available para sa mga bata. Ngunit ang nakatala sa EPI at nakalista sa itaas ay ang mga bakunang regulated at mandatory.
Karagdagang bakuna na makukuha sa pribadong klinika: Chicken Pox, Tetraxim, Flu Vaccine, at ang pinakabagong Japanese Encephalitis (JE) vaccine.
Sa Pilipinas, lahat ng pampublikong Health Center ay nagbibigay ng libreng bakuna (lahat na nasa listahan sa itaas) sa buong taon para sa mga sanggol na 0 hanggang 12 taong gulang. Bukod pa dun, ang DOH ay nagdadala ng mga outreach immunization programs sa mga liblib na lugar at mga malalayong probinsiya at munisipalidad. Sa tulong din ng UNICEF.
Ang bawat bata ay binibigyan ng isang booklet o listahan ng lahat ng bakunang kanyang natanggap. Ito ay upang makita kaagad ng doktor o pedia, at maalala ng mga magulang kung anong bakuna na nga ba ang naibigay sa bata.
SOURCE: Rappler
Ang pagbabakuna at pagbibigay ng libreng bakuna sa bawat barangay ay ayon sa batas, o ang Presidential Decree 996, at Republic Act No. 10152. Layon nitong masiguro na lahat ng bata, lalo na ang mga sanggol, at ang mga ina ay may access sa libreng bakuna sa mga government hospital at barangay health centers para sa mga batang 0 hanggang 5 taong gulang.
Panayam sa mga inang may anak na wala pang isang taon: Pam Navarro, Gemini Bonilla Maddarag, Maria Lourdes King, Sharon Bangcayao-Matildo
Pwede bang madelay ang bakuna ni baby?
Nagsagawa ng live session ang theAsianparent Philippines tungkol sa tamang pangangalaga ng kalusugan ng mga chikiting ngayong quarantine. Ito ay sa pangununa ni Doc Gellina Ram Suderio – Maala o mas kilala bilang si Doc Gel.
Marami rin ang mga katanungan mula sa mga mommy kung pwede bang madelay ang vaccine ni baby o ng isang bata.
Ayon kay Doc Gel, ang payo ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines ay ‘wag i-delay ang vaccine o bakuna ng isang bata. Kung magagawan ng paraan mas magandang masunod ng mga magulang ang ibinigay na schedule.
Ngunit sa panahon ngayon, hirap makalabas ang ilan sa atin dahil sa pandemic na nararanasan. Ang tanong, paano nga ba makakakuha ng vaccine ang iyong anak sa gitna ng pandemic?
Payo ni Doc Gel, kausapin ang iyong pediatrician tungkol sa maaaring gawin sa bakuna ng iyong anak. Kung magagawan ng paraan na magkita at ibigay ang vaccine, ito ay maaari. Pwede rin naman na tanungin ang iyong pedia kung may clinic silang available na puntahan.
Pero sa kabilang banda, maaari rin naman ma-delay ang vaccination ng isang bata dahil sa catch up immunization. Ito ay nakabase sa pag-uusap niyo ng inyong health care provider o ng iyong pedia.
“Delaying the vaccine, pwede rin. Pwede tayong mag delay ng vaccine kasi mayroon tayong catch up immunization. So that will be, kayo na ang mag-uusap ng health care provider niyo kung paano ‘yon gagawin. But the earliest na pwedeng ibigay after the quarantine, the earliest na pwedeng ibigay yung vaccine after the quarantine, kailangang ibigay kasi marami ang kailangang hahabulin.”
Ang hindi lang maaaring isama sa catch up immunization ay ang Rotavirus vaccine. Ito ang vaccine kung saan maiiwasan ang pagkakaroon ng diarrhea sa mga baby. Ang maximum age na kailangan makatanggap nito ay 32 weeks o 8 months old.
Question: Doc, pwede bang madelay ang vaccine ni baby o ng isang bata since ngayon ay naka Enhanced Community Quarantine tayo?
Doc Gel: As much as possible po ang recommendation ay do not delay. Pero ngayon po sa kondisyon natin, we have to weigh the benefits over risks. Kaya po if ide-delay, ok lang earliest possible po paglift ng ECQ ibibigay. If wala po means na magkita kayo ng inyong health care provider. Rotavirus po hanggang 8 mos lang pwede ibigay.
Source:
UNICEF-DOH Brochure, Rappler, medicard.com, 1Science Mag
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!