Ano ang mabisang gamot sa HPV o human papillomavirus? Ito ay HPV vaccine na libreng ipapamigay ng Department of Health sa mga batang babae edad siyam na taong gulang ngayong taon.
Ano ang HPV?
Ang human papillomavirus (HPV) ay isa sa mga pinaka-karaniwang viral infection na nakakaapekto sa milyun-milyong tao sa buong mundo. Mayroong higit sa 100 uri ng HPV, na maaaring magdulot ng mga sakit. Ang mga sakit na ito maaring humantong sa cancer tulad ng anal, oropharyngeal at cervical cancer.
Ang HPV ay karaniwang naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik o direktang paghawak sa apektadong balat. Karamihan sa mga kaso ng HPV ay hindi nagdudulot ng sintomas at kusa itong nawawala sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon. Subalit ang ilang strain ay maaaring magdulot ng mas malubhang komplikasyon at mauwi nga sa sakit na cancer.

Mga sintomas ng HPV
Madalas ang HPV ay walang ipinapakitang sintomas. Ngunit para sa ilang tao, maaaring makaramdam o makaranas sila ng mga sumusunod:
- Mga kulugo sa ari at katawan – Maliit, patag, o mala-kulot na bukol na maaaring lumitaw sa maselang bahagi ng katawan, kamay, paa, at iba pang bahagi ng katawan.
- Abnormal na pagbabago sa cervix – Madalas natutuklasan sa pamamagitan ng isang Pap smear test.
- Pamamaga sa lalamunan o bibig – Sa mga kaso ng oral HPV, maaaring may sugat o namamagang bahagi sa bibig o lalamunan.
Paano nalulunasan ang HPV?
Ang mga mahihinang sintomas o sakit na dulot ng HPV tulad ng pagkakaroon ng kulugo sa katawan ay maaring malunasan sa pamamagitan ng mga medikasyon. Habang ang malalang sakit na dulot ng virus ay nalulunasan sa pamamagitan ng mga procedures tulad ng operasyon, radiation therapy, at chemotherapy para tuluyang masugpo ang virus sa katawan ng isang tao.
Paano makakaiwas sa HPV?

Maliban sa safe sex at pagpapatingin ng regular sa doktor para sa Pap Smear at HPV testing, ang pinakamagandang gawin para protektahan ang sarili mula sa virus ay ang pagbabakuna. May HPV vaccine ang available na makakatulong sayo na maging protektado sa malalang sakit na maaring maidulot nito.
Ano ang HPV vaccine?
Ang HPV vaccine ay isang epektibong paraan upang maiwasan ang impeksyon mula sa mga pinaka-mapanganib na strain ng HPV. Tinatawag na Gardasil 9 ang bakuna laban sa siyam na uri ng HPV na kung saan nabibilang ang cervical cancer at genital warts.
Inirerekomenda na maibigay ang bakuna sa mga batang babae at lalaki mula 9 hanggang 26 taong gulang. Bagamat maaari pa rin itong maibigay sa mas nakakatanda. Ayon sa mga eksperto, pinakamainam itong ibigay bago maging aktibo sa pakikipagtalik upang mapigilan ang impeksyon.
Napag-alaman sa mga pag-aaral na 99% itong epektibo sa pagpigil ng impeksyon mula sa mga HPV strain. Karaniwan ibinibigay ang bakuna tatlong doses sa loob ng anim na buwan at ito ay may kamahalan.
Magkakaroon ng libreng HPV vaccine dito sa Pilipinas

Kamakailan lang ay may magandang balitang ibinahagi ang Department of Health tungkol sa HPV vaccine. Sa darating na second quarter ng taon ay magsisimula silang mamigay ng libreng HPV vaccine para sa mga batang babae edad siyam na taong gulang. Ito ay ang sinasabing the best na edad upang ibigay ang vaccine habang hindi pa sexually active ang mga babae.
Ang bawat dosage ng HPV vaccine ay nagkakahalaga ng P4,000 kada dose. Bawat batang babae na sasailalim sa program ay bibigyan ng dalawang dose. Magsisimula ang pagbabakuna sa mga public school na susundan ng mga private schools.
Pagbabahagi naman ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, may ilang dapat asahan ang mga magulang ng mga batang babae na babakunahan. Ito ay ilang side effects ng gamot na senyales na umeepekto ang vaccine sa katawan.
“Ito po ay magkakaroon siguro ng konting pamamanhid. May konting pagkabugbog pagka bagong bigay, pero hindi naman po yan tumatagal. Pag nabigyan din ng yelo or cold compress, nawawala rin po yan. May mga side effects na very minor and very mild. Some patients will get a fever, pero beyond that wala naman tayong naitatalang serious side-effects pagdating dito sa bakunang ito.”
Ito ang sabi pa ni DOH Asst. Domingo sa isang panayam.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!