Isang bagong silang na sanggol sa US ang nabigyan kamakailan ng scholarship ng convenience store chain na 7-Eleven. Sa una ay tila tipikal na ito, dahil normal naman sa mga kumpanya ang pagbibigay ng mga scholarship sa mga bata upang makatulong sa komunidad. Ngunit espesyal ang 7-11 baby dahil pinanganak siya ng eksaktong 7:11PM, noong 7/11/2019, at mayroong timbang na 7 pounds at 11 ounces!
7-11 Baby, nabigyan ng scholarship
Ayon sa ina ng sanggol, na si Rachel Langford, walang-tigil raw ang pag-ring ng kanilang telepono matapos ipanganak si baby J’Aime. Ngunit ang pinaka-exciting raw na tawag ay galing mismo sa convenience store chain na 7-Eleven, dahil nais raw nilang magbigay ng gift basket para sa sanggol.
Nagulat na lang si Rachel nang tumawag muli ang 7-Eleven, at sinabing nais raw nilang magbigay ng $7,111 na mapupunta sa college fund ni baby J’Aime.
Sabi ni Rachel, hindi raw madali ang kanilang buhay, dahil mayroon pa siyang 6 na taong gulang na anak. Kaya’t malaking tulong raw ang nagawa ng convenience store franchise sa kanila. Napakahirap raw kasing mag-ipon para sa kolehiyo, at malaking bagay na ang makakuha ng scholarship fund para sa bata.
Dagdag pa niya, kahit raw tila sikat na sikat na si baby J’Aime, madalas lang raw itong natutulog, o kaya kumakain. Suwerte raw siya at hindi iyakin o mainisin ang sanggol, at hindi raw sila gaanong napapagod sa pag-aalaga kay J’Aime.
Source: CNN
Basahin: 10 rules para sa mga bibisita kay baby