Maaaring maging matibay ang isang pagsasama kung ito ay paghihirapan at patuloy na pinagbubuti ng dalawang nag-iibigan. Paminsan-minsan, ito ay maaari ring maging mahina lalo na kung hindi pagtutuunan ng pansing ng isa ang kanilang relasyon sa araw-araw.
Narito ang tatlong A na kailangan ninyong iwasan para hindi masira ang inyong pagsasama:
Affairs o pagkakaroon ng kabit
Kung isa sa inyo ang may kabit sa ano mang kadahilanan, magiging mahirap na ayusin ang inyong pagsasama. Minsan, napapagtibay nito ang isang pagsasama matapos itong malampasan, ngunit kadalasan, ito ay nakakasira ng mga relasyon.
Tiwala ang isa sa mga pinakamahirap buuin at muling ibalik, at matapos ang isang pagtataksil, talagang magiging mahirap ito.
Kaya naman kinakailangang siguraduhin na iiwasan n’yo itong gawin. Kung may problema sa inyong pagsasama, pagtulungan n’yo itong maayos sa halip na maghanap ng iba na mag-aagapay sa inyo sa inyong pinagdadaanan.
Addictions o adiksyon
Ang adiksyon ay hindi lamang maaaring mangyari sa paggamit ng bawal na gamot. Maraming paraan para ang isang tao ay maituring na adik o lulong: sa sugal, sa alak, pagkain, pakikipagtalik, atbp.
May katotohanan ang kasabihang ano mang kalabisan ay masama, at ang adiksyon sa isang bagay ay maaaring makasira ng pagsasama n’yo ng iyong asawa. May mga pamilyang nawasak ng pagkalulong sa droga, mga taong ibinenta na ang mga bahay, sasakyan at iba pang ari-arian dahil sa pagkalulong sa droga o kaya naman ay sa sugal.
Problema rin ang pagkalulong sa pakikipagtalik. Dahil rito, pakiramdam ng isang tao ay hindi naibibigay ng kanyang partner ang kanyang pangangailangan. Kadalasan ay nauuwi ito sa pakikipagtalik sa iba.
Kung ang iyong asawa ay nagpapakita ng mga senyales ng pagiging adik, sa anumang bagay, marapat na kausapin sila at humingi ng tulong upang ito ay maayos bago pa ito makasira ng buhay.
Anger o galit
Normal lamang ang minsang magalit sa inyong asawa. Maaaring may nagawa silang mali o kaya naman ay nasaktan nila kayo. Subalit, ang pagiging galit sa puntong gusto n’yo ng saktan ang inyong asawa ay delikado.
Sa Pilipinas, maraming kaso ng mga babaeng inaabuso ng kanilang mga asawa o yung tinatawag na domestic violence, dahil sa hindi kontroladong galit ng kanilang mga mister. Madalas, nararamdaman ng mga kababaihang ito na sila na sila ay helpless at sila rin ay natatakot o nangangamba na sila ay mamumuhay mag-isa kapag iniwan nila ang kanilang mga asawa kaya sila ay nagtitiis sa kabila nito.
Ang labis na pagkagalit ay walang lugar sa isang masayang relasyon. Kung kayo o ang inyong asawa ay may problema sa pag-control ng kanilang galit o matinding emosyon, maaaring humingi ng tulong sa mga therapist o espesyalista bago pa ito lumala. Magkaroon ng initiative o kusa na ito ay ayusin sa pagitan ninyong mag-asawa para maiayos ang inyong pagsasama.
Ang article na ito ay unang isinulat ni Alwyn Batara.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!