Para sa mga magulang, ang abortion ay isang malaking kasalanan. At lalong-lalo na sa Pilipinas, napakahalaga para sa atin ng buhay ng mga bata.
Ngunit mula sa isang post sa social media site na Reddit, isang ina na nagbubuntis ng quadruplets ang nagnanais na magpa-abort ng 2 niyang anak. Aniya, ang dahilan raw ay ang kaligtasan ng buhay niya at ang gastos ng panganganak ng apat na sanggol.
Bakit kailangan niyang sumailalim sa abortion?
Ayon sa gumawa ng post ay matagal na silang sumusubok magkaroon ng anak ng kaniyang asawa. Ngunit talagang nahihirapan sila, at napag-isipan nilang sumailalim sa proseso ng IVF o in vitro fertilization.
Naging successful ang isinagawang procedure, at sa wakas ay nagdadalang-tao siya. Laking tuwa raw nilang mag-asawa nang malaman na magiging magulang na sila.
Ngunit ang naging resulta ng ultrasound scan ay gumulat at ngayon ay gumugulo sa isipina niya at ng kaniyang asawa.
Ang babae ay buntis sa dalawang set ng kambal- isang identical twins na parehong babae at fraternal twins na parehong lalaki.
Dahil sa kaniyang pangangatawan, isang 5’0 flat at petite, ay ipinayo sa kaniya ang abortion ng dalawang sanggol para sa kaniyang kaligtasan.
Isang ideyang pumasok narin sa isip niya dahil sa gastos na nag-aabang sa panganganak at pagpapalaki ng apat na sanggol. Isang bagay na hindi nila kayang gawin umano ng kaniyang asawa.
Ngunit nagtatalo ang isip niya. Hindi lang dahil sa ideya ng abortion na napakahirap para sa kanilang mag-asawa. Kung hindi pati narin sa kung sino sa mga sanggol na dinadala niya ang kailangan niyang ilet-go para masigurado ang kaligtasan nila.
Kaya naman sa ngayon ay naguguluhan at humihingi ng payo ang babaeng buntis sa kung sino ba ang dapat niyang piliin. Isang desisyon na napakahirap gawin.
Abortion sa Pilipinas
Sa Pilipinas ang abortion ay illegal at tinuturing na criminal offense. Ang pagsasagawa nito ay may katumbas na parusa ng pagkakakulong.
Ngunit gayunpaman, ay hindi parin napipigilan ang ilang Pilipina na isagawa ito lalo na kung ang pagbubuntis ay hindi nila ginusto.
Sa ngayon ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng abortion rate sa buong Southeast Asia.
Dahil sa ito ay illegal sa bansa, karamihan nga sa mga abortion na isinagawa ay “unsafe” o may kaakibat na banta sa buhay ng babaeng gumawa.
Magmula pa noong 1990s ay naitala rin na ang unsafe abortion ay nasa top three leading causes ng pagkakaospital ng mga Pilipina.
Nito namang 2012 ay may naitalang humigit-kumulang 610,000 ang abortion na naisagawa. Isang daang libo sa mga ito ang naospital at nagkaroon ng kumplikasyon. Samantalang, isang libong Pilipina naman ang naiulat na namatay.
Ngunit bakit nga ba nauuwi sa abortion ang pagbubuntis ng isang babae?
Maliban sa hindi nila gusto, ano pa nga ba ang iba pang dahilan para matulak ang isang babaeng gawin ito?
Mga dahilan kung bakit nagpapaabort
Ang pagpaabort ay isang desisyon na hindi madaling gawin para sa mga babae o sa mag-asawa. Ang ideyang ito ang madalas na nagiging sagot sa mga unplanned pregnancies.
Ayon sa Plan Parenthood Organization, may apat sa kada sampung babae ang nagdedecide na magpabort taon-taon sa buong mundo.
At ang bawat abortion na isinasagawa ay mayroong iba’t-ibang rason.
Ilan sa mga dahilan kung bakit naiisip na magpaabort ng isang babae o mag-asawa ay ang sumusunod:
- Hindi pa sila ready na maging magulang.
- Gusto nilang maging best parent sa anak na mayroon na sila. Naniniwala silang ang pagkakaroon ng bagong anak ay babawas sa kalidad ng pag-aalaga sa kanilang nauna ng anak.
- Hindi pa tama ang panahon para sila ay magkaanak.
- Sila ay biktima ng sexual assault, na-rape o kaya naman ay nasa abusive relationship.
- Hindi pa tapos mag-aral o gusto munang magfocus sa trabaho at career para matupad ang kanilang goals bago magkaanak.
- Ang pagbubuntis ay delikado at nakakasama sa kalusugan nila.
- Hindi nila asawa o karelasyon ang taong nakabuntis sa kanila.
- Ang fetus na dinadala ay maaring hindi makasurvive sa buong pagbubuntis at maaring magkaroon ng defects o manganib ang buhay pagkapanganak.
- Hindi pa handa sa responsibilidad ng pagiging magulang.
Pagiging magulang
Ilan lamang ang mga iyan sa mga dahilan kung bakit nauuwi sa abortion ang pagbubuntis.
Madalas ang abortion ang nakikitang paraan ng iba para umiwas sa mas mabibigat na problema. Bagaman, sa ating lipunan ay itinuturing itong mali at labag sa kagustuhan ng Diyos.
Ngunit ang pagsasagawa ng abortion ay isang personal na desisyon. Mula sa mga nasabing dahilan ay may kaniya-kaniyang suliraning kinahaharap ang mga taong napipiling gawin ito.
Pero ilagay din dapat sa ating isipan na ang sanggol ay biyaya ng buhay. Isa itong regalo na dapat pahalagahan at pasalamatan.
Dapat ring tandaan na ang abortion ay may kaakibat na peligro sa buhay ng gagawa nito.
Ang pagiging magulang ay isang malaking responsibilidad. Kaya naman ang isang taong nais pumasok sa responsibilidad na ito ay dapat handa na. Hindi lang para sa ikabubuti ng kaniyang sarili kung hindi pati narin sa kinabukasan ng magiging anak niya.
Sources:
Journal for Obstetrics and Gynecology, Plan Parenthood Org, Cafe Mom
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!