Ang mga yaya ay pinagkakatiwalaan ng mga magulang upang alagaan ang kanilang mga anak. Para sa maraming mga magulang malaki ang naitutulong ng pagkakaroon ng yaya para mapadali ang kanilang buhay. Ngunit minsan, mayroong mga abusadong yaya na sa halip na kapakanan ng sanggol ang iniisip, sila pa mismo ang nagdadala ng panganib sa bata.
Tulad na lang ng kaso ng isang Pilipinong yaya mula sa Kuwait, na nahuling naghalo ng sarili niyang ihi sa gatas ng inaalagaang sanggol.
Abusadong yaya, hinaluan ng ihi ang gatas ng baby
Ayon sa ulat, nahuli raw ng mismong sponsor ng yaya ang ginagawa nito sa gatas ng baby. Napag-alaman na hinahalo raw niya ang sarili niyang ihi sa gatas na pinapainom sa 7-buwang sanggol.
Dahil dito, humingi agad ng tulong sa awtoridad ang magulang ng sanggol. Hinuli ng mga pulis ang yaya, at kasalukuyan ngayong naka-detain sa presinto.
Hindi pa rin alam kung ano ang naging motibo ng yaya kung bakit niya ito nagawa sa sanggol. Kukuwestiyunin pa raw ng mga awtoridad ang yaya upang makuha ang iba pang detalye ng krimen.
Paano makakaiwas sa abusadong yaya?
Importante sa mga magulang ang makahanap ng yaya na kanilang mapagkakatiwalaan. Hindi lang sapat ang pagkakaroon ng kakayanan na mag-alaga ng bata, mahalaga rin na mayroong malasakit ang yaya sa inaalagaan niya.
Ngunit sa kasamaang palad ay hindi lahat ng yaya ay mayroong ganitong pag-uugali. May mga pagkakataon na wala talagang pakialam ang yaya sa bata, at binabalewala lang niya ang kapakanan nito.
Upang makaiwas sa ganitong klaseng yaya, heto ang ilang tips:
- Ayon sa agency na Maid Provider Incorporated, ang pagkuha daw ng kasambahay ay dapat dumadaan sa tatlong level. Una ay ang pag-babackground check. Pangalawa ay training at orientation para maturuan at mapaalalahan ang yaya sa mga dapat niyang gawin at sa mga karapatan niya. At pangatlo ay ang medical screening upang masiguradong walang communicable disease ang isang yaya na mag-aalaga sa isang bata. Ang pagdaan din ng isang yaya sa psychological test ay inirerekomenda bagamat ito ay magiging dagdag na gastusin sa employer na kukuha sa kasambahay.
- Kailangan nyo ring alamin kung anong klase o paano ginagawa ng agency ang pagbabackground check nila sa isang kasambahay para masiguradong mahigpit at maayos nilang nasala ang taong makakasama mo.
- Kung kukuha naman ng yaya ng hindi dumadaan sa agency ay kinakailangan rin na i-background check ang mga nag-aapply na yaya sa pamamagitan ng paghingi ng mga requirements gaya ng biodata o resume, police at NBI clearance upang masiguradong wala silang record ng kahit anumang krimeng nagawa.
- Mabuti ring kumuha ng yaya na angkop ang edad sa aalagaang bata. Ayon parin sa Maid Provider Incorporated, kung ang aalagaan ay baby pa, mabuting kumuha ng matatanda ng yaya na may higit ng karanasan sa pag-aalaga ng isang baby. Kung ang aalagaan naman ay toddler na, maari ng kumuha ng mga yaya na edad bente anyos pataas na may lakas para matingnan at maalagaan ang mga batang napaka-active sa ganitong edad.
- Mabuti ring kumuha ng isang yaya na may anak na, bagamat sinasabing maaring mahati ang oras nito sa iyong anak at sa mga anak niya. Ngunit mas magiging maganda ito dahil higit na alam niya kung paano mag-alaga ng isang bata sa paraan na ginagawa ng isang magulang.
- Maganda rin na kumuha ng yaya na nirekumenda ng kakilala, kaibigan o isang kapamilya na kung saan madali mong mapagtatanungan ng pagkakakilanlan ng kukunin mong kasama sa iyong bahay.
Source: Arab Times
Basahin: Bata, napatay ni Yaya dahil sa away nila ng boyfriend bago ang Valentine’s Day