Inakala ng isang ina mula sa UK na simpleng sakit lang ng ulo ang sakit ng kaniyang anak. Ngunit hindi niya lubos akalain na ito pala ay sintomas ng sakit na acute disseminated encephalomyelitis.
Dahil sa karamdamang ito, kasalukuyang nasa coma ang 6-taong gulang na bata, at ngayon ay nag-aagaw buhay upang labanan ang kaniyang sakit.
Ano ang sakit na acute disseminated encephalomyelitis?
Nagsimula ang sintomas ng batang si Ellis Artist noong January 29. Pinauwi raw siya mula sa paaralan, dahil matindi ang kaniyang sakit ng ulo. Pagkauwi ay binigyan raw siya ng Calpol ng kaniyang ina, at pinagpahinga na ang bata.
Kinagabihan ay nagulat ang ina ni Ellis na si Sarah Girdwood nang magsimulang magsuka ang kaniyang anak, at sumisigaw sa tindi ng sakit ng kaniyang ulo.
Dahil dito, nagdesisyon ang kaniyang mga magulang na obserbahan ang sakit ng anak. Ang una nilang hinala ay baka viral na sakit ito, kaya’t pinagpahinga na lang nila si Ellis ng sumunod na araw. Ngunit nang mapansin nila na nanghihina na ang bata, at nahirapan sila itong gisingin ay agad na nilang dinala ang bata sa mga doktor.
Hindi nila inakalang malubha pala ang karamdaman ng bata
Inakala ng mga doktor na baka viral meningitis ang karamdaman ni Ellis. Kaya’t dinala nila ang bata sa pediatric ER, at binigyan ng mga antibiotics. Nagsagawa pa ng mga test ang mga doktor upang malaman kung ano ang sakit ng bata. Nagulat na lang ang mga magulang ni Ellis, nang sabihin ng mga doktor na kailangan siyang dalhin sa ICU.
Napag-alaman na mayroon palang sakit na acute disseminated encephalomyelitis ang bata. Nangyayari raw ito kapag nagkaproblema ang immune system ng bata, at inaakala nitong kalaban ang mismong cells ng katawan. Nakukuha raw ito mula sa simpleng impeksyon.
Dahil sa kondisyon ni Ellis, kinailangan siyang ilagay sa isang induced coma. Ito ay upang malabanan ng kaniyang katawan ang sakit. Lubos raw ang pamamaga ng kaniyang spine at utak, kaya’t puspos ang pag-aalaga ng mga doktor sa kaniya. Umaasa naman ang mga magulang ni Ellis na makakarekober ang kanilang anak. Ngayon ay pagdarasal na lamang ang tanging magagawa ng kaniyang mga magulang upang gumaling si Ellis.
Dapat bang mabahala ang mga magulang sa sakit na ito?
Ang kondisyon na acute disseminated encephalomyelitis ay isang rare na sakit na nagdudulot ng pamamaga ng utak at spinal cord. Karaniwan itong nagiging epekto ng pag “overreact” ng immune system ng katawan.
Kadalasan itong nangyayari kapag nagkasakit ang isang tao, at gumagaling na ang sakit. Inaakala ng katawan na mayroon pang sakit ang tao, kaya’t inaatake ito ng immune system. Ngunit ang sariling mga cells na pala ng katawan ang inaatake nito.
Walang paraan upang makaiwas sa ganitong sakit. At hanggang ngayon, hindi pa rin sigurado ang mga doktor kung ano ba mismo ang eksaktong sanhi nito.
Ngunit wala naman dapat ipag-alala ang mga magulang dito, dahil bihirang-bihira ang ganitong karamdaman. Ang mahalaga ay panatilhin ng mga magulang na malusog ang kanilang mga anak, at dalhin agad sa doktor kung sa tingin nila ay mayroong problema.
Source: Metro
Basahin: High-rise responsibility for kids: 11-Year-old throws apple, puts baby in a coma
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!