Ang asawa mo ba ay dumadalas na ang paglalaro ng cellphone games? Yan ang reklamo ng isang ina sa kanyang asawa na adik sa Mobile Legends sa kanyang post sa theAsianparent Community. Sa sobrang inis niya, gusto niya na itong iwan. Alamin ang komento ng ibang mga miyembro at kung paano hindi maadik sa mobile games.
Adik sa Mobile Legends
Inirereklamo ng isang ina ang pagka-adik ng kanyang asawa sa paglalaro ng Mobile Legends sa cellphone nito. Sa lala nito, nagawa niya nang sabihin na tila Mobile Legends na ang buhay ng kanyang asaswa. Nagbibigay na ito ng kagustuhan sa kanya na layasan ang asawa dahil dito. Kanyang tinatanong kung mayroon bang may asawa na ganito rin at kung paano ito napatigil.
Mga sagot
Iba-iba ang naging mga tugon ng mga miyembro ng theAsianparent Community. May ilan na nagmungkahi na i-uninstall niya ang laro mula sa cellphone ng kanyang asawa. Subalit, maaaring pagmulan ng pag-aaway ang paraan na ito. May ilan din na nagsabing sabayan nalang maglaro ang asawa. Habang may ilan naman ang nagbahagi na sa kanilang pagsasama, kabaliktaran — sila ang adik sa Mobile Legends habang ang asawa nila ang nagrereklamo.
Ang iba pang mga komento ay:
Masinsinang pag-usapan ang sitwasyon
Sa isang komento, ibinahagi ng isang miyembro na ang kanyang asawa rin ay adik dati sa Mobile Legends. Dahil sa inis niya dito, nagbago ang kanyang pakikisama sa kanyang asawa. Hindi niya ito pinansin at kinausap hanggang sa mapansin ng kanyang asawa ang pagbabago. Matapos ang masinsinang pag-uusap, 1 beses nalang sa isang araw naglalaro ng Mobile Legends ang kanyang asawa. Minsan, nagagawa narin nitong hindi maglaro sa isang araw.
Kalmadong makipag-usap
Ayon sa isa pang miyembro, ang kanyang asawa rin ay dating na-adik sa Mobile Legends. Subalit, nang mapansin niya kung paano nito naaapektuhan ang kanilang pamilya ay kinausap niya ang kanyang asawa. Kanyang minumungkahi sa nagbigay ng katanungan na kalmadong kausapin ang kanyang asawa at sabihin ang mga nararamdaman.
Magkaroon ng schedule
Ayon naman sa isa pang miyembro, hindi lang sa Mobile Legends adik ang kanyang asawa. Bukod sa mga laro sa cellphone ay naglalaro rin ito ng iba pang videogames sa desktop. Dahil napagod na siyang pagbawalan ang kanyang asawa sa paglalaro, sila ay nagkasundo sa pagkakaroon ng schedule. 4 na araw sa isang linggo, maaaring ituon ng kanyang asawa ang sarili sa paglalaro. Habang ang natitirang 3 araw ay dapat para sa pamilya. Hindi niya rin dapat malimutan ang kanyang mga responsibilidad sa anak at pamilya. Inamin din ng nagkomento na kailangan din intindihin ang kanilang mga asawa. Ganunpaman, dapat ay bigyan parin sila ng atensyon ng mga ito. Give and take dapat.
Paano hindi ma-adik sa video games
Noong 2008, kinilala na ng World Health Organization (WHO) ang gaming disorder bilang bahagi ng kanilang International Classification of Diseases. Napapasailalim dito ang ka-adikan sa mga video games at mobile games. Para masabing adik sa video games, may ilang sintomas na makikita sa tao:
- Halos laging iniisip ang paglalaro ng video games
- Nalulungkot kapag hindi makapaglaro
- Kailangang maglaro para sumaya
- Hindi matigilan o mabawasan ang paglalaro
- Nawawalan ng interes sa mga dating ikinakatuwa
- Nagdudulot na ng problema sa trabaho, paaralan, o pamilya ang paglalaro
- Patuloy na paglalaro sa kabila ng mga problema
- Pagsisinungaling sa mga mahal sa buhay tungkol sa dalas ng paglalaro
- Ginagamit ang paglalaro para gumanda ang pakiramdam
Upang matigil ang pagiging adik sa video games o mobile games, maaaring lumapit sa mga therapists. Maaari nilang i-rekumenda na sumailalim sa mental health counseling na tinatawag na Cognitive Behavioral Therapy (CBT). Maaari rin itigil ang paglalaro sa sarili sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon at pagsunod sa schedule ng paglalaro
- Pagbabawal ng mga gadgets at gaming consoles sa kwarto para hindi maisipang maglaro nang matagal
- Pagkakaroon ng ibang aktibidad na maaaring paglaanan ng oras na walang kinalaman sa video games
Ang kontroladong paglalaro ng video games ay hindi masama at maaaring maging outlet ng stress o kaya naman ay hobby. Subalit, kapag ito ay nakaka-apekto na sa pamilya, sa trabaho, at sa iyong kalusugan, dapat nang gumawa ng hakbang palayo sa paglalaro.
Sources: theAsianparent Community, WebMD
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!