Nag-iisip ba kayo ulit ng kung ulit and susunod na ihahain pang tanghalian o hapunan? Bakit hindi niyo subukan gumawa ng napakalinamnam at hearty na Afritada chicken na napakadaling sundin.
Mababasa sa artikulong ito:
- Chicken Afritada recipe
- Sangkap sa pagluluto ng Afritada chicken
- Proseso sa pagluluto ng Afritada chicken
Afritada chicken, ulam pang tanghalian o hapunan
Ang afritada ay isa sa masasabi nating isa sa ating mga Filipino version ng braised stew bukod sa iba pang kilalang putahe tulad ng mechado at kaldereta. Masarap ang dish na ito dahil mayroong pinoy-style tomato sauce na nakakadagdag ng kakaibang asim at tamis, na siguradong bagay isabay sa mainit na kanin.
Alam niyo ba na ang salitang afritada ay mula sa salitang Espansyol na “fritada”, kung saan ang ibig sabihin nito’y “prito”? Sa tagal ng panahon na nakasanayan na natin ang lutuing ito, masasabi natin na ang afritada chicken ay isa sa mga pinakapaborito nating comfort food ng puwede lagi nating naihahanda sa ating hapag-kainan.
Ang paraan ng paggawa ng afritada ay “braised”, kung saan pinrito muna ang mga sangkap bago ito haluin at pakuluin. Ginagamitan din ito ng mga gulay tulad ng patatas, carrots at bell peppers. Maaari niyo ring lagyan ito ng guisantes o green peas, pineapple at coconut milk o gata para mas maging makulay at mas masarap ang iyong version ng afritada chicken.
Marami siguro sa atin na kahit araw-araw kumain ng afritada chicken ay hindi magsasawa. Sapagkat masarap talaga ito lalo na ang sarsa nito sa bagay na bagay sa kanin. Kaya tiyak na mapapa-extra rice ka talaga. Kung hindi niyo pa ito nasusubukang lutuin, bigyan niyo na ng pagkakataon ang inyong sarili at bilhin na ang mga ingredients para rito.
Sundin lamang ang aming easy-to-follow Afritada chicken recipe ngayon. Ituturo rin namin kung paano niyo ihahanda ang manok sa paraan ng pag-marinade nito bago lutuin upang mas manuot sa manok ang lasa at sarsa.
Afritada chicken recipe
*Para sa apat na katao ang recipe na ito
Mga sangkap para sa Afritadang chicken:
- 1 buong manok, hiniwang adobo cut
- Vegetable oil for frying (optional, gumamit ng mantika na inyong nais)
- 1 medium na patatas
- ¼ tasang soy sauce
- 1 medium na carrot
- 3 cloves bawang
- 1 bell pepper (maaaring gumamit ng green or red)
- 2 laurel leaves
- 1 sibuyas
- 2 tasang tubig
- 1 200ml pack tomato sauce
- Patis to season/taste
- Asin at paminta
- ¼ tasang green peas
- 1 tsp asukal (optional)
BASAHIN:
Nilagang Baka Recipe: Ang pinakasimpleng beef ulam ng mga Pinoy
Inihaw na liempo recipe: Ang sikreto sa masarap na marinade nito
Paghahanda sa mga sangkap:
- Linisin ang manok at siguraduhing nahiwa na siya into pieces. Maari niyong gamitin ang tinatawag na adobo cut na manok para sa recipe na ito.
- Sa isang bowl, ilagay ang soy sauce at paminta at ilagay ang malinis na chicken pieces. I-marinade ito ng mga 30 minutes hanggang sa isang oras.
- Hiwain ang carrot, patatas at bell peppers. Hiwain din ang bawang at sibuyas at isantabi.
- Ihanda na ang mga natitirang ingredients bago magsimulang lutuin ang afridatang chicken.
Proseso ng pagluluto sa Afritadang chicken:
- Mag-init ng vegetable oil sa isang kaldero at ilagay ang patatas at carrots. Timplahin ng isang pinch ng asin at papulain ito. Ihango.
- Isunod na prituhin ang na-marinade na manok upang i-parcook ang balat o hanggang sa mamula ngunit hindi maluto ng husto. Itabi ang mga napapulang manok hanggang sa magawa niyo na ito sa lahat ng chicken pieces. Itabi ang soy sauce marinade.
- Gamit ang parehong kaldero, lagyan ito ng konting vegetable oil at igisa ang sibuyas, bawang at laurel mga mga 1 minuto.
- Ibalik ang parcooked chicken pieces at ang natitirang soy sauce marinade.
- Dahan-dahang ibuhos at tubig at tomato sauce. Takpan ang kaldero at i-simmer ito on low heat ng mga 15 minuto. Bantayan at haluin ito ng mga ilang beses upang maiwasang itong dumikit sa kaldero.
- Matapos ay ilagay na ang nalutong patatas, carrots at bell pepper at ituloy ang pag simmer ng mga 15 minuto. Lagyan ng patis at asukal upang timplahin ang sarsa depende sa inyong panlasa.
- Ilagay sa serving dish at ihain.