Nilagang baka recipe naman ang ating tampok sa araw na ito. Kagaya ng ating nilagang baboy recipe, halos magkapareho lamang ang proseso ng pagluluto nito. Madali rin itong gawin dahil pakukuluan lamang natin ang karne ng baka at mga sahog na gulay.
Larawan mula sa iStock
Ang simula ng nilagang baka recipe sa bansa
Sagana ang ating bansa sa mga baka at kalabaw dahil katuwang natin ito sa pagsasaka, na siyang pangunahing kabuhayan ng ating mga ninuno. Ito rin ang pangunahing pinagkukunan ng karne. Kaya halos lahat ng lutuing Pinoy ay may tampok na karne nito.
Isa sa mga paraan ng pagpe-preserba ng mga pagkain ng ating mga ninuno ang pagpapakulo at pagbibilad ng mga karne ng hayop. Mahalaga ito upang may makain sila sa panahon nang tag-ulan kung saan mas kakaunti ang nakukuha nilang pagkain. Sa ganitong paraan ng pagpe-preserba nagmula ang ating nilagang baka recipe.
Larawan mula sa iStock
Ano ang pagkakaiba ng nilagang baka sa beef bulalo
Marami ang nagtatalo sa usapin ng pagkakaiba ng nilagang baka sa beef bulalo recipe. Kung titignan, pareho naman ang dalawang putahe sa aspeto ng pagluluto at pareho ring baka ang gamit na karne. Ang kanilang kaibahan ay ang ginamit na parte ng baka: Beef shanks o pata ng baka ang inilalagay sa bulalo samantalang purong laman naman ang sa nilagang baka.
Laman ng baka ang ginagamit sa nilagang baka recipe. Mas mura ito kumpara sa parte ng baka na buto-buto at mas marami ring makakain dito. Ang bone marrow naman ng baka ang pinakamahalagang parte ng lutuing beef bulalo. Mas mahal ang presyo nito dahil mas malinamnam ito sa sabaw ng nilaga at konti lang ang mabibiling bone marrow.
Beef shanks ang ginagamit na parte ng baka sa pagluluto ng beef bulalo. | Larawan mula sa iStock
Dahil laman ng baka ang ating iluluto, mas maiksi ang oras ng pagpapakulo nito kumpara sa beef bulalo. Kailangan kasing kumatas nang mabuti ang buto-buto sa bulalo upang mas luminamnam ang lasa ng sabaw nito. Sa nilagang baka, sapat na ang lumambot ang laman ng baka sa sabaw nito.
Ibabahagi ko sa inyo ang mga gagamitin natin sa pagluluto ng ating nilagang baka.
BASAHIN:
Nilagang Baboy Recipe: Ang classic na ulam para sa homecook beginners
Chicken Sisig: Healthier version ng ating paboritong sizzling food!
Inihaw na tilapia: Sangkap at recipe
Mga sangkap sa pagluluto:
- 1 kg beef sirloin, cubed
- 2 tali ng pechay tagalog
- 1 maliit na repolyo, chopped
- 5 piraso ng hinog na saging na saba, cut diagonally in half
- 6 piraso ng patatas, quartered
- 1 piraso ng puting sibuyas, quartered
- 4 tangkay ng celery, chopped
- 8 cups beef broth (or tubig)
- 1 teaspoon pamintang buo
- 2 tablespoon patis
- Salt to taste
Optional na sangkap
- 1-2 piraso ng Japanese corn, cut into 3 parts
- 6-10 piraso ng Baguio beans
- Beef boullion (condiment)
- Green onions for garnishing
Beef sirloin ang ating gagamiting parte ng baka para sa nilagang baka recipe. | Larawan mula sa iStock
Ang proseso sa pagluluto ng nilagang baka:
- Sa isang malaki at mataas na kaserola, ilagay ang karne ng baka at beef broth. Isalang sa medium to high heat at pakuluin. Tanggalin ang mga sebo sa ibabaw ng tubig. TIP: Maaaring gumamit ng pressure cooker sa pagpapakulo ng karne ng baka upang mabilis na mapalambot ito. Isalang sa loob ng 45 minuto at saka hinaan ang apoy sa medium heat. Tanggalin ang mga namuong sebo sa ibabaw ng tubig.
- Kapag malinaw na ang tubig sa kaserola, ilagay ang sibuyas, celery, pamintang buo at patis. Hinaan ang apoy at muling pakuluin sa loob ng 1 oras o hanggang sa malambot na ang baka. TIP: Kung iniluto naman ang karne ng baka sa pressure cooker, hindi na kailangang pakuluin muli ng 45 minuto hanggang 1 oras. Magdagdag ng 1 cup ng tubig kung natutuyo na ang sabaw.
- Ilagay ang saging na saba at patatas. Haluin ito at pakuluin sa loob ng 10 minuto o hanggang lumambot ang saging at patatas. TIP: Maaaring gumamit ng tinidor at tusukin ang patatas at saging na saba upang malaman kung luto na ang mga ito. Kung may mais na ilalagay sa inyong nilagang baka, isabay ito sa saging na saba.
- Pagkatapos nito, puwede nang ilagay ang pechay tagalog at repolyo. Kung may sangkap na baguio beans, isabay na rin ito. Haluin at muling pakuluin sa loob ng 2 minuto. Magdagdag ng asin na naaayon sa inyong panlasa.
- Patayin ang apoy sa kalan at takpan ang kaserola. Hayaang maluto ang gulay sa loob ng 3 minuto. Isalin ang nilagang baka sa isang serving bowl at ihain habang mainit pa.
Bitaminang makukuha sa meat ng baka
Masustansyang pagkain ang beef o baka. Ilan nga sa mga bitaminang makukuha mula rito ay ang mga sumusunod:
- Vitamin B12
- Zinc
- Selenium
- Iron
- Niacin
- Vitamin B6
- Phosphorus
Health benefits ng pagkain ng karne ng baka
Mapalalakas ang muscle mass
Mayaman sa high-quality protein ang karne ng baka. Mayroon ito ng lahat ng essential amino acids. Kaya naman malaki ang naitutulong ng pagkain ng karne ng baka sa pag maintain ng muscle mass. Kung kulang kasi sa protein ang katawan ng tao, maaari itong magkaroon ng age-related muscle wating, at posibleng magkaroon ng sakit na sarcopenia.
Maiiwasan ang anemia
Ang iron deficiency ang isa sa pinakakaraniwang sanhi ng anemia. Ang anemia ay common condition kung saan ay bumababa ang red blood cells ng isang tao. Na nagreresulta sa kakulangan ng oxygen sa dugo.
Mayaman ang beef o baka sa iron na kung tawagin ay heme iron. Ayon sa artikulo ng Healthline na may pamagat na Beef 101: Nutrition Facts and Health Effects, mas na-aabsorb umano ng ating katawan ang heme iron kaysa sa uri ng iron na mula sa plant-derived foods.
Tandaan lang din na mahalagang sapat lang din ang pagkain ng beef. Dahil tulad ng ibang pagkain, masama rin ang sobra-sobrang pagkonsumo rito.
Benepisyong pangkalusugan ng sabaw ng nilagang baka
- Immunity Booster: Ang sabaw ng nilaga, lalo na kung may luya at bawang, ay mahusay na panlaban sa sipon at ubo. Ang mainit na sabaw ay tumutulong na paluwagin ang baradong ilong at magbigay ng ginhawa sa lalamunan.
- Rich in Collagen: Ang sabaw nito ay mayaman sa collagen na nakakatulong sa pagpapalakas ng kasu-kasuan at pagpapaganda ng balat.
- Hydration: Ang sabaw ng nilaga ay tumutulong din sa hydration lalo na sa panahon ng tag-init o kapag may sakit. Ito ay mabilis na paraan upang mapalitan ang nawalang electrolytes sa katawan.
Kahalagahan ng nilagang baka sa kulturang Pilipino
Ang nilagang baka ay isang tradisyonal na ulam na bahagi ng kulturang Pilipino. Madalas itong inihahain sa mga espesyal na okasyon at pagtitipon ng pamilya. Ang bawat tahanan ay may sariling bersyon ng recipe, na ipinapasa mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod.
Puno ng nutrisyon ang nilagang baka dahil sa iba’t ibang sangkap nito. Ang baka ay nagbibigay ng protina at iron, habang ang mga gulay tulad ng patatas, mais, at repolyo ay nagbibigay ng bitamina at mineral. Ang sabaw ay mainam din para sa kalusugan dahil sa mga sustansya mula sa mga gulay at karne.
Ang nilagang baka ay isang balanced meal na may tamang kombinasyon ng carbohydrates, protein, at vegetables. Ito ay hindi lamang pampabusog kundi nagbibigay din ng sapat na enerhiya at kalusugan, lalo na sa mga batang lumalaki.
Ang recipe ng nilagang baka ay versatile at maaaring baguhin ayon sa panlasa at availability ng mga sangkap. Maaaring magdagdag ng iba pang gulay tulad ng pechay.
Sa kabuuan, ang nilagang baka ay hindi lamang isang simpleng ulam kundi isang mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino. Ito ay sumasalamin sa ating kaugalian ng pagbibigayan, pagmamahalan, at pagkakaisa sa bawat hapag-kainan.
Updates by Jobelle Macayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!