Sanggol, patay matapos aksidenteng maihulog sa sahig ng isang nurse

Ililipat raw muna sa incubator ang bagong panganak na sanggol, nang bigla itong maging biktima ng aksidente sa hospital na kaniyang ikinamatay.

Isang bagong panganak na sanggol ang namatay matapos diumano’y aksidenteng mahulog ng isang nurse. Nangyari ang aksidente sa isang hospital sa Tamil Nadu, India, at ngayon ay humihingi ng hustisya ang pamilya ng namatay na sanggol.

Aksidente sa ospital, ikinamatay ng bagong panganak na sanggol

Ayon sa mga ulat, ipinanganak raw ng malusog ang sanggol, at wala itong problema. Ngunit nang ililipat na raw ng isang nurse patungo sa incubator, aksidente raw nitong nahulog ang bata na ikinamatay ng sanggol.

Kaya’t ganun na lamang ang pagkadismaya ng pamilya dahil inakala nila na malusog ang sanggol. Ngunit itinago raw ng pamunuan ng ospital ang tunay na nangyari. Ang sabi sa pamilya ay patay na raw ang sanggol noong ito ay ipinanganak. Dagdag pa ng pamilya na noong ibinalik sa kanila ang labi ng sanggol ay nakabalot pa raw ng tela ang ulo nito.

Ngunit noong ipapa-cremate na nila ang labi ng sanggol, napansin nila na mayroon itong tinamong pinsala sa ulo. Agad silang bumalik sa ospital, at nagtanong-tanong upang malaman kung ano ang tunay na sinapit ng sanggol. Dito nila nalaman na nalaglag nga ng isang nurse ang sanggol, at hindi ito ipinanganak na patay tulad ng sabi ng ospital.

Dahil dito, nagprotesta ang pamilya ng sanggol sa harap mismo ng ospital. Ito raw ay dahil gusto nilang humingi ng hustisya, at hindi sila naniniwala sa unang sinabi ng ospital na patay na ang bata nang ito ay ipinanganak.

Marami ang nakiramay sa pamilya, at humihingi rin ng hustisya para sa kaawa-awang sanggol.

Dapat bang matakot ang mga magulang sa mga aksidente sa ospital?

Siguro ay nakakita na kayo ng iba’t-ibang mga balita na kumakalat sa social media tungkol sa mga nagaganap na aksidente sa mga ospital. May mga kuwento kung saan aksidenteng napugutan ng ulo ang ipinapanganak na sanggol. Minsan may mg kuwento pa na nabibigyan ng maling gamot ang mga bata. At mayroon din namang mga kuwento kung saan napapagpalit ang mga sanggol sa nursery.

Ngunit dapat nga bang kabahan ang mga magulang tungkol sa mga ganitong kuwento?

Sa totoo lang ay nangyayari talaga ang ganitong mga bagay sa ospital. Ngunit para sa karamihan ng mga magulang, ay wala silang dapat ikabahala pagdating dito. Ang mga doktor at nurse sa ospital ay bihasa sa pag-aalaga ng kanilang mga pasyente. Hinding-hindi nila babalewalain ang kaligtasan ng mga inaalagaan nila sa ospital.

Kung mayroon mang mga kaso ng malpractice o iba pang mga aksidente, ito ay bihirang-bihirang nangyayari.

Mahalaga rin sa mga magulang na maging mapanuri, at pumunta sa ospital kung saan sigurado silang maaalagaan ang kanilang anak. Mahalaga rin ang pagkuha ng doktor na mapagkakatiwalaan, at siguradong hindi babalewalain ang kanilang mga pasyente.

 

 

Source: The Star

Basahin: Sanggol napugutan ng ulo habang nakasakay sa motor

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara