Isang mirakulo na maituturing kapag nakakarinig tayo ng balita na nasasalba ang buhay matapos ang aksidente sa kalsada. Sa istorya ni Baby Giovanna, labis-labis ang mirakulong naganap nang mabuhay siya bagaman naipanganak siya nang di oras nang malaslas ang tiyan ng kaniyang nanay!
Aksidente sa kalsada
Sa Cajati, Brazil, isang buntis na tinatayang nasa kaniyang ika-39 na linggo ng pagbubuntis ang nakasakay sa isang truck na naglalaman ng mga tabla ng kahoy. Sa hindi pa malamang dahilan, nawalan ng kontrol ang driver ng trak. Sa pagtaob ng trak, naihagis ang buntis palabas ng sasakyan at natabunan ito ng mga tabla.
Ayon sa mga ulat, nalaslas ang tiyan ng buntis dahil sa puwersa ng ng pagbagsak ng mga tabla sa tiyan niya—dahilan para mamatay ito.
Sa panayam ng Tribuna sa paramedic na si Elton Fernando Barbosa, sinabi niyang isang major na aksidente sa kalsada ang nangyari kung saan may isang namatay.
“Nang dumating ako, nakita ko ang drayber ng trak na sugatan at ginagamot ng first aid,” aniya. “Hinahanap ko ‘yong katawan ng namatay nang makarinig ako ng iyak ng sanggol. Nag-alangan ako kung totoo ba ang narinig ko dahil wala sa ulat na may pangatlong sakay ang sasakyan.”
Laking gulat niya nang mahanap niya si Baby Giovanna ilang metro ang layo sa bangkay ng kaniyang ina. Putol na ang umbilical cord nito.
“Sa lakas ng tama ng mga tabla, nalaslas ang tiyan ng buntis, lumuwa ang bata sa kaniyang sinapupunan, at naitapon ito.”
Bukod sa pagpapakapanganak sa ganitong paraan, isang mirakulo din na maituturing dahil healthy ang baby at wala itong mga sugat.
“Mirakulo talaga na nabuhay siya. Hindi ko alam kung paano siya nabuhay matapos ang pinagdaanan niya.”
Baby Giovanna
Agad naman naidala ang sanggol sa Pariquera-Acu hospital kung saan sinuri siya ng mga duktor sa neonatal intensive care unit (NICU). Pinangalanan siyang Giovanna na ang ibig sabihin ay “prinoprotektahan ng Diyos.”
Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng ina ng bata. Ayon sa driver ng truck, hindi niya kilala ang buntis. Pumayag lamang ito na makisabay ang buntis sa kaniya. Nahaharap ang driver sa kasong manslaughter.
Mananatili si Baby Giovanna—na may timbang na 6 pounds at 8 ounces—sa pangangalaga ng mga awtoridad. Pinaghahanap pa rin ang mga kamag-anak ng bata. Kung hindi matukoy ang kaniyang pagkakakilanlan, ilalagay siya sa bahay ampunan.
Baby Giovanna, lubos kang pinagpala. Naway mahanap na ang iyong pamilya!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!