Aksidente sa kalsada, iyan ang ikinatakot na mangyari ng mga nakakita ng larawan ng isang batang nakaupo sa bubong ng isang kotse. Insidente nakuhanan sa isang traffic junction sa Lamphun, Thailand.
Batang nakaupo sa bubong ng kotse
Ang larawan ay kumalat na sa social media na kung saan ilang netizens ang nagalit at hindi nagustuhan ang kanilang nakita.
Sa larawan makikitang naka-uniporme pa ang bata.
Ayon sa report, ang bata ay isang primary school student at ang larawan ay nakunan ng pauwi na siya galing sa eskwelahan. Ang kotseng kaniyang sinasakyan ay minamaneho ng kaniyang ama.
Base sa pahayag ng ama ng bata, nagpumilit at nagwala daw ang kaniyang anak para lang mapagbigyang maupo sa bubong ng kanilang kotse.
Ayon naman sa ina ng bata, ay hilig na daw ng anak nila na maupo sa bubong ng kanilang kotse. At ginagawa niya ito ilang ulit na.
Dahil sa nangyari ay pinag-multa ang mga magulang ng bata sa hindi paggamit nito ng seatbelt.
Nahaharap din sila sa isang kaso dahil ang insidente ay maaring pinagmulan ng aksidente sa kalsada.
Kung sakaling mahatulang guilty, maaring makulong ang ama ng bata ng hanggang tatlong buwan. Maari rin siyang mag-multa ng hanggang sa 20,000baht o kulang-kulang P47,000.00.
Aksidente sa kalsada
Sana ay maging babala at paalala sa mga magulang ang naturang insidente. Dahil sa hindi lang ito delikado para sa mga bata, maari rin itong pagsimulan ng aksidente sa kalsada.
Ang mga ganitong tagpo ay nakakakuha ng atensyon ng ibang motorista dahilan upang mawalan sila ng focus sa pagmamaneho.
Hindi rin masisigurado ng driver ng sasakyan ang daloy ng trapiko. Lalo na’t ang biglang pag-preno ay maaring ikahulog ng bata mula sa kinauupuan nito.
Ganoon din ang biglang pagliko ng sasakyan na maaring ikahulog ng sinumang nakaupo sa bubong ng sasakyan kung ito ay nawalan ng balanse at walang maayos na pinag-hahawakan.
Batas na pumuprotekta sa kapakanan ng mga bata sa loob ng sasakyan
Dito sa Pilipinas ay mahigpit naring ipinagbabawal ito. Lalo pa’t may bagong batas na pumuprotekta sa kapakanan ng mga bata sa loob ng sasakyan para maiiwas sila sa vehicle-related injury, accident at death.
Ito ang Republic Act 11229 o ang Child Safety in Motor Vehicles Act.
Sa ilalim ng batas ang mga batang 12-anyos pababa ay hindi pinapayagang maupo sa front passenger seat ng isang sasakyan kapag ito ay tumatakbo. Maari lang maupo ang isang bata sa front passenger seat kung siya ay may taas ng 4’11 o 150 centimeters na dapat ay nakasuot ng seat belt sa tuwing umaandar ang sasakyan.
Ang mga pasaherong bata na nasa loob ng sasakyan ay dapat nakaupo sa car seat na angkop sa kanilang edad, bigat at laki.
Dapat ay sinusunod ng mga magulang ang batas na ito upang maproteksyonan at masiguro ang kapakanan ng kanilang anak sa loob ng sasakyan.
Source: ABS-CBN News, The AsianParent, AsiaOne
Basahin: Babala ng doktor: Mag-ingat sa face paint na ginagamit sa mga bata