Para sa maraming Pilipino, ang paggamit ng motor ay isang mura at mabilis na paraan upang makapunta sa dapat nilang puntahan. Ngunit hindi maikakaila na mayroong panganib na dala ang pagsakay dito, dahil sa rami ng aksidente sa motor na nagaganap araw-araw.
At sa kasamaang palad, isa na sa mga naging biktima nito ang isang 15-anyos na babae, na kasamaang palad ay nasawi nang mabangga ang kaniyang sinasakyang motor kasama ang ama.
Aksidente sa motor, ikinamatay ng 15-anyos
Nangyari ang insidente sa Ilagan, Isabela, noong Huwebes ng hapon. Ayon sa mga ulat, matulin raw ang takbo ng SUV na nakabangga sa mag-ama.
Kinaladkad pa raw nito ng halos 35 metro ang motor, at pagkatapos ay tumilapon sa gilid ng kalsada. Nadala pa sa ospital ang biktima na si Sherimae Zalun, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na siya umabot ng buhay sa ospital.
Ang kaniyang ama naman, na nagmamaneho ng motor, ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.
Sumuko rin ang nagmamaneho ng SUV na nakabangga sa dalawa, at posible siyang humarap sa mga kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries, and damage to property.
Wala pang balita kung mayroon bang suot na helmet ang dalawang lulan ng motor.
Importante ang pag-iingat habang nakasakay sa motor
Karaniwan na sa atin ang makakita ng mga kabataan na nakasakay sa motor kasama ang kanilang mga magulang. Ngunit dapat ay sumunod ang mga magulang sa alituntunin pagdating sa pagsakay ng bata sa motor.
Una, kailangan na nakaupo ang bata sa likod ng driver, at abot niya ang apakan. Kung masyado pang maliit ang bata, at hindi abot ang apakan sa likod, ay hindi puwedeng sumakay sa motor. Bukod dito, kailangan rin na kayang yumakap ng bata sa tiyan ng driver, upang masiguradong hindi siya mahuhulog o kaya tumilapon sa motor.
Ang isa pang pinakaimportanteng dapat tandaan ay dapat parehong may suot na helmet ang driver pati ang angkas nitong pasahero. Hindi dapat sumakay ng motor kung hindi nakasuot ng helmet, kahit na malapit lang ang pupuntahan.
Mahalaga rin na maging maingat ang mga nagmomotor, at huwag masyadong mabilis magpatakbo, o kaya sumingit sa mga alanganing lugar. Importante ang kaligtasan habang nagmomotor, lalong-lalo na kung may kasamang bata.
Source: Inquirer