Matapos maging alipin ng pamilya na pinagtratrabahuan sa loob ng 65 years, lola nagdiriwang at pinapasalamatan ang kaniyang kalayaan sa edad na 82 years old.
Lolang ginawang alipin ng pamilya na pinagtrabahuan
Hindi masukat ang kaligayahang nadarama ngayon ni Nanay Fedelina, na sa wakas matapos ang 65 years ay malaya na siya sa pang-aapi at pang-aalipusta ng pinagtrabahuang pamilya.
Kuwento ni Nanay Fedelina, 16-anyos siya ng magtrabaho bilang kasambahay ng isang pamilya sa Maynila. Mula daw noon ay hindi siya nabayaran sa kaniyang serbisyo at nakakatanggap ng pang-aabuso at masasakit na salita sa kaniyang amo.
Noong lumipat daw sa California sa US ang pamilya na pinagtratrabahuan niya noong 1970’s ay sinama siya ng mga ito. Ngunit kinumpiska ang mga passport at ID niya at tuluyan na siyang nailayo sa kaniyang pamilya.
Dito mas tumindi ang kalbaryo ni Nanay Fedelina bilang alipin ng pamilya na pinagsisilbihan niya.
Bagamat napakasama ng pakikitungo sa kaniya ay pinagtiisan ni Nanay Fedelina ang pang-aabuso sa kaniya na umabot pa hanggang sa apat na henerasyon ng pamilyang pinagtratrabahuan.
“Nag-alaga ko ng nanay niya, nag-alaga ako ng anak niya, tapos nanay naman niya, apat na apo ang inalagaan ko. Lahat ‘yon ginawa ko, ako lang mag-isa—nagluluto, naglilinis, namamalansa, namamalengke–ako lahat, kayang-kaya ko, hinahatid-sinusundo, dinadalhan ng pagkain sa eskuwela,” kuwento ni Nanay Fedelina.
“Hihiga ako sa sahig ang dumi dumi, butas-butas pa ang blanket ko. Salbahe silang mag-ina”, dagdag pa niya.
Paglaya ni Nanay Fedelina
Nito nga lamang nakaraang taon ay na-ospital ang pinagsisilbihan ni Nanay Fedelina. At naroon siya sa tabi nito, puwersahang pinagbantay sa amo nang walang tulog ni kahit pagkain na ibinibigay sa kaniya.
Dahil sa pagod at malnourishment ay bumigay ang katawan ni Nanay Fedelina na naging dahilan para isugod siya sa emergency room ng ospital.
Dito na nagsuspetsa ang isang nurse na maaring si Nanay Fedelina ay biktima ng forced labor. Kaya naman agad itong tumawag sa awtoridad para humingi ng tulong. Ito na ang naging hudyat na patapos na ang paghihirap ni Nanay Fedelina sa pagiging alipin ng pamilya na pinagtrabahuan niya.
Sa tulong ng Pilipino Workers Center, Philippine Consulate at US law enforcement officials ay nahatulan ng parusa ang amo ni Nanay Fedelina.
Napagkasunduan na magkaroon ng cash settlement sa kaso ni Nanay Fedelina. Habang naka-house arrest ang dating amo niyang ginawa siyang alipin ng pamilya nila.
“Nagpapasalamat ako nagtagumpay ako sa aking hangarin,” ani Nanay Fedelina.
“Ngayon, maligaya na ako at malaya. Hindi na ako nakakulong, hindi na ako inaapi ng mga tao. Kaya kayo, lumaban kayo, ‘wag kayo magpaapi sa mga pinagtatrabahuhan nyo. Kailangan mag-ingat kayo, ‘wag kayo magpaapi sa mga taong nangaapi.”
Ito ang paalala ni Nanay Fedelina sa tulad niyang naninilbihan na ginagawang alipin ng pamilya na pinagtratrabahuan nila.
Source: ABS-CBN News
Basahin: Kasambahay, itinali sa puno ng kaniyang amo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!