Isang 2-taong gulang na bata ang sinagip ang kaniyang ina matapos itong magkaroon ng allergic reaction sa ininom na gamot. Ating alamin kung paano niya ito nagawa, at kung paano nakatulong ang mabilis niyang pag-iisip para masagip ang kaniyang ina.
2-taong gulang na bata, sinagip ang kaniyang inang nagkaroon ng allergic reaction
Ayon sa ulat, magkasama raw ang batang si Esmé Hawkins at ang kaniyang inang si Jasmine Pounsberry sa kanilang tahanan sa Devon, United Kingdom.
Mayroong ear infection ang ina ni Esmé kaya’t uminom raw ito ng codeine na isang pain killer. Ngunit mayroon palang allergy dito si Jasmine, kaya’t bigla na lang daw siyang nahimatay at nabagok ang ulo sa sahig.
Nakita na lang ni Esmé ang ina na walang malay sa sahig. Dali-dali niyang kinuha ang cellphone ng ina, at ginamit ang FaceTime app upang tumawag sa isang kaibigan ng kaniyang ina na si Jess Decént.
Sinabi ni Esmé sa kaibigan ng kaniyang ina na natutulog raw ito, at nabagok ang ulo. Matapos marinig ang sinabi ng bata, tumawag ng paramedics si Jess para tulungan ang kaniyang kaibigan.
Nang makarating ang mga paramedics sa tahanan ng mag-ina, nakita nilang binalutan pala ni Esmé ng kumot ang kaniyang ina. Sinabihan rin daw niya ang mga paramedics na pagaling ang kaniyang ina.
Sa kabutihang palad, nasagip ng mga paramedic si Jasmine, at mabuti na ang kaniyang kalagayan.
Ayon kay Jasmine, mas naging maalalahanin raw si Esmé simula nang mangyari ang insidente. Bukod dito, sinabi rin ni Esmé na gusto raw niyang maging doktor, dahil sinagip ng mga doktor ang kaniyang ina.
Mag-ingat sa mga iniinom na gamot!
Mahalaga para sa ating lahat, bata man o matanda, na malaman kung anu-ano ang ating mga allergies. Ito ay dahil bukod sa mga food allergies, posible ring magkaroon ng allergy sa mga gamot.
Importanteng malaman ito upang makaiwas tayo sa mga gamot o kemikal na posibleng maging sanhi ng allergic reaction. Ito ay puwedeng malaman ng mga doktor sa pamamagitan ng isang allergy test.
Sa isang allergy test, sinusuri ng mga espesyalista ang epekto ng iba’t-ibang mga kemikal sa ating balat upang malaman nila kung ano ang sanhi ng allergy. Mabilis lamang ang prosesong ito, at makakatulong upang makaiwas sa allergic reactions.
Mahalaga rin sa mga magulang na palagin basahin ang mga label at instruction sa gamot ng kanilang mga anak. Ito ay upang makita nilang mabuti kung mayroon ba itong side effects, o kaya kung dapat itong iwasan ng mga batang may mga allergy.
Maganda rin kung humingi sa iyong doktor ng mga alternatibong gamot na mas safe at hindi magiging sanhi ng allergic reaction.
Source: AJC
Basahin: Babae naging ganito ang mukha dahil sa severe allergy sa hair dye