Ito ay si Estelle, isang 19-year-old na estudyante na hindi alam na siya ay allergic sa hair dye o pangkulay sa buhok. Matapos nga mag-apply ng hair dye ay nakaramdam na agad siya ng iritasyon at pamamaga sa kaniyang anit. Dahil nga sa tindi ng allergy sa hair dye, ay namaga at naghugis tila “light bulb” o bumbilya ang kaniyang mukha.
Image by Maxpp via Zuma Press
Allergic sa hair dye
Ayon kay Estelle, nagsagawa siya ng isang patch test gamit ang hair dye para malaman kung siya ay allergic sa hair dye. Ngunit, taliwas sa nakasaad na instruction itinuloy ni Estelle ang pagkukulay sa kaniyang buhok 30 minutes pagtapos niyang gawin ang patch test na dapat ay 48 hours pagtapos ng testing.
Nakaramdam nga daw agad ng iritasyon si Estelle sa kaniyang anit na sinundan ng pamamaga. Dahilan para uminom siya ng anti-histamines at maglagay ng anti-itch cream bago matulog. Ngunit hindi niya inakala na magigising siya sa isang kakaiba at nakakatakot na itsura. Mula sa 22 inches na lapad ng kaniyang mukha ay naging 24.8 inches ito na naghugis bumbilya dahil sa pamamaga.
Ayon sa doktor ng tumingin kay Estelle, ito daw ay dahil sa chemical na PPD (paraphenylenediamine) na pangkaraniwan ng makikita sa mga hair dye na nakakapagdulot ng seryosong allergic reactions sa mga taong allergic dito.
Maliban nga sa kaniyang mukha ay namaga rin ang dila ni Estelle at nakaranas ng hirap sa paghinga na inakala niyang magiging dahilan rin para kaniyang ikamatay. Kaya naman dahil sa nangyaring karanasan ay pinapaalalahan ni Estelle ang iba pa na matuto sa nangyari sa kaniya at sundin ang kahalagahan ng patch test.
Allergy
Ayon nga sa isang case report ng Journal of Research in Medical Sciences, ang severe PPD allergy ay maaring makapagdulot din ng iba pang mas seryosong karamdaman tulad ng renal at respiratory failure. Ilan nga din sa iba pang maaring idulot nito ay ang pamumula, pangangati at pagkakaroon ng paltos sa apektadong bahagi ng katawan, ayon naman ito sa isang review ng Journal of Asthma and Allergy. Kaya naman napakaimportante na isagawa muna ng isang patch test sa maliit na parte ng iyong balat para masigurong hindi ka allergic dito bago tuluyang iaapply ito sa iyong ulo.
Kung sakali namang allergic sa hair dye o iba pang produkto ito naman ang ilang pangunang lunas na maari mong gawin:
- Hugasan ng sabon at banlawan ang parte ng katawan na nalagyan ng produktong nagdudulot ng allergy.
- Gumamit ng gamot sa skin allergy kung nakaranas ng sintomas tulad ng skin rash o pangangati. Tulad ng over-the-counter topical corticosteroid skin cream na maaring gamitin sa mukha, leeg at iba pang parte ng katawan. Iwasan lang na ipahid ito malapit sa mata at bibig. Ang mga ointments din tulad ng calamine lotion ay isang mabisang gamot sa skin allergy.
- Para sa anit maaring gumamit ng shampoo na may topical corticosteroids tulad ng Clobex.
- Maari ring gumamit ng hydrogen peroxide o agua oxinada. Ito ay isang mild antiseptic na maaring ipahid sa apektadong bahagi upang tulungang pakalmahin ang balat at mabawasan ang iritasyon at pagpapaltos.
- Maari ding uminom ng gamot sa allergy o anti-histamine tulad ng Benadryl para mabawasan ang pamamaga ng balat at pangangati.
- Maari ring maibsan ang pangangati sa pamamagitan ng oatmeal baths o paglalagay ng cold compress sa apektadong bahagi ng katawan,
Kung sakaling hindi parin nabawasan ang allergic reaction na nararanasan matapos gawin ang mga sumusunod tumawag na agad sa doktor. Maaring makatulong ang mas malakas na uri ng cortisteroids na nangangailangan ng reseta.
Karamihan naman ng mga allergy ay hindi nakamamatay ngunit maari itong magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan ng taong nakararanas nito. Para makaiwas sa epekto ng allergy, dapat lamang na magsagawa ng patch test bago magpahid ng ano mang produkto sa iyong balat o katawan. Kahit pa nagamit mo na ng ilang beses ang isang produkto, dapat parin magsagawa ng patch test para makasigurado.
Ugaliin din tingnan ang ingredient content ng produktong gagamitin para makaiwas sa mga substance na maaring magdulot sayo ng allergic reaction. Samantala, maari ring gumamit ng mga chemical free o produktong gawa sa organic materials na ligtas sayo para makasigurado.
Sources: Women’s Health, WebMD, HealthLine, La Parisien
Image screengrab: La Parisien
Basahin: Baby’s skin allergies caused by mom’s fake whitening products
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!