Napakasakit para sa kahit sinong magulang ang mawalan ng sanggol. Lalo na kung alam mong mayroong taning ang buhay ng iyong anak. Gayun na lang ang naranasan ng mga magulang na si Krysta Davis at Dereck Lovett nang malaman nilang mayroong anencephaly ang kanilang anak.
Ang anencephaly ay isang kondisyon kung saan hindi nabuo ang utak at ilang bahagi ng bungo ng isang sanggol. Dahil dito, kadalasang hindi nabubuhay ang mga batang mayroon nito. Kung mabuhay man sila, ay mabilis rin silang namamatay.
Ngunit para sa mag-asawa, ang kanilang kawalan ay ginawa nilang pag-asa ng ibang pamilya. Ito ay dahil nang mamatay ang kanilang anak, nagdesisyon silang i-donate ang kaniyang organs upang makatulong sa ibang mga bata.
Dahil sa kaniyang sakripisyo, nasagip ang dalawang bata
Sa pagkamatay ni Rylei, ay nabigyan niya ng buhay ang ibang mga bata.
Tuwang-tuwa ang mga magulang ng sanggol na si Rylei Arcadia Lovett nang malaman nilang magkakaroon sila ng anak na babae. Buwan buwan silang pumupunta sa ospital, at sabik na sabik na sa pagkapanganak ni Rylei.
Ngunit sa kasamaang palad ay nalaman nilang mayroong malalang sakit si Rylei. Mayroon daw siyang anenecephaly, at sinabi ng doktor na maliit ang posibilidad na mabubuhay ang bata. Aniya, mas mabuti na lamang daw na ipalaglag ang sanggol kaysa sa pahirapan pa ito.
Nagbigay sila ng pag-asa sa ibang pamilya
Nagdesisyon ang mag-asawa na hindi ipalaglag ang sanggol. Hindi dahil sa umaasa silang baka gumaling si Rylei, ngunit dahil gusto nilang i-donate ang mga organs ni Rylei sa mga batang nangangailangan nito.
Hindi naman lubos akalain ng mga magulang ni Rylei na mabubuhay siya. Ang akala nila ay pagkapanganak ng sanggol, ay magpapaalam na agad sila dito. Sinabi pa ng doktor na baka 30 minute lamang daw mabuhay ang sanggol.
Dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan, tumagal ng isang linggo ang buhay ni Rylei. Bagama’t malungkot ang kaniyang mga magulang na maigsi lamang ang kanilang naging pagsasama, tuwang-tuwa pa rin sila dahil kahit papano naibuhos nila ang kanilang puspos na pagmamahal sa anak.
At nang mamatay si Rylei, nai-donate ang mga valve ng kaniyang puso sa dalawang batang nangangailangan nito. Namatay man ang kanilang anak, masaya silang nabigyan nila ng pagkakataon na humaba pa ang buhay ng ibang mga bata.
Paano maiiwasan ang anencephaly?
Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng mga eksperto kung bakit nagkakaroon ng mga batang mayroong anencephaly.
Posible raw na konektado ito sa genes o sa chromosomes ng sanggol, at posible rin daw na dahil ito sa iba pang dahilan tulad ng kalusugan ng ina.
Ngunit ayon sa mga doktor, nakakatulong daw ang pag-inom ng folic acid supplements upang makaiwas sa ganitong klaseng depekto. Ang anencephaly ay kabilang sa mga neural tube defects, at nakakatulong ang folic acid upang hindi magkaroon ng ganitong depekto ang mga sanggol.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng mga prenatal tests habang nagbubuntis pa lamang ang mga ina, upang malaman nila agad kung mayroong anencephaly ang kanilang anak.
Source: News Channel 9
Basahin: Parents carrying terminally ill baby speaks of unborn daughter’s ‘bigger purpose in life’
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!