Mommies, gusto niyo na bang magpa-ligate? Alamin ang saloobin ni vlogger mom Anne Clutz tungkol dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit gusto nang magpatali ni Mommy Anne Clutz
- Ang naging desisyon ng mag-asawa
- Ano ang bilateral tubal ligation?
Ang pagbubuntis ay isang masaya at mahirap na bahagi ng buhay ng isang ina. Hindi biro ang iyong pagdaraanan para masigurong maisisilang mo ng ligtas at malusog ang iyong anak. Pero sulit naman ang lahat ng sakit kapag nakita mo na lumalaki ang iyong pamilya.
Pero kailan mo nga ba masasabing, “Tama na. Ayoko nang magbuntis ulit?”
Iyan ang saloobin na ibinahagi ni celebrity vlogger Anne Clutz sa kaniyang vlog noong May 27 na pinamagatang, “Magpapaligate na ako.”
Sikat si Anne Clutz sa YouTube dahil sa mga family vlogs kung saan ipinapakita niya ang araw-araw na buhay ng kaniyang pamilya.
“Gusto ko nang magpatali.”
Sinimulan ni Mommy Anne ang kuwento niya sa pagbabahagi na matagal na niyang pinag-isipan ang bagay na iyon, at naghihintay na lang siya dahil mayroon na siyang go signal mula sa kaniyang OB-Gynecologist.
Paglinaw ng sikat na YouTube vlogger, kahit isini-share niya ito sa social media, hindi ibig-sabihin na humihingi siya ng permiso mula sa kaniyang mga taga-subaybay.
“Hindi ako humihingi ng approval sa inyo guys ha.” aniya.
“Anything na gawin niyo na sa tingin niyo ay para sa inyo, para sa katawan niyo, for your own good, kayo lang ang makakapagdecide niyan.
Walang ibang dapat maka-impluwensiya sa inyo kundi ‘yong sarili niyo lang. Gagawin niyo talaga ‘yon para sa sarili niyo.” dagdag niya.
Ayon nga kay Mommy Anne, gusto na niya talagang sumailalim sa bilateral tubal ligation o BTL. Inihahanda na niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng panonood ng mga videos sa YouTube tungkol sa proseso at sa mga karanasan ng ibang babaeng napagdaanan ito.
Ang bilateral tubal ligation ay isang surgical procedure kung saan ang fallopian tubes ng isang babae ay iginugupit, o itinatali o tinatanggal ang isang bahagi para maiwasan ang pagbubuntis. Kapag nakatali na ang fallopian tubes, wala nang dadaanan ang sperm ng lalaki papunta sa egg cell kaya wala nang ovulation na mangyayari.
Kuwento ni Mommy Anne, matagal na rin niyang iniisip ang pagpapa-ligate, lalo na kapag napapanaginipan niya na buntis o nanganak siya ulit.
Mga dahilan ng isang babae kung bakit gusto na niyang magpatali
Maraming dahilan ang celebrity mom na si Anne Clutz kung bakit siya dumating sa desisyon na iyon.
Pag-amin niya, nangingibabaw ang desisyon niya na magpatali dahil hindi niya alam kung kaya pa niyang pagdaanan muli ang hirap ng pagbubuntis.
Sa darating na Nobyembre, magdiriwang na siya ng kaniyang ika-37 na kaarawan. At ayon sa kaniyang mga nababasa, pagdating ng edad na 35, nagiging high-risk o mas maselan na ang pagbubuntis ng mga babae.
“Nakakatakot. Alam kong hindi na ako physically prepared kasi tumatanda na ako.” ani Mommy Anne.
Noong nakaraang buwan lang ay sumailalim siya sa isang operasyon para sa kaniyang hemorrhoids, at aniya, hindi niya alam kung kaya pa niyang pagdaanan ito ulit, dahil malaki ang posibilidad na bumalik ang hemorrhoids kapag nagbubuntis.
“Hindi ko makita ‘yong sarili ko na babalikan ko ‘yong sakit na naranasan ko noong na-operahan ako.” aniya.
“Paano kung mabuntis ako? Feeling ko hindi ako ready. Kung magbubuntis ka, kailangan ready ka.”
Ikinuwento rin ni Anne ang kaniyang karanasan sa pagbubuntis niya sa dalawang anak.
Naalala niya noong nagbuntis siya sa kaniyang panganay na si Jeya, 19-taong gulang pa lamang siya at hindi handa. Nakaranas siya ng maraming komplikasyon sa pagbubuntis gaya ng bleeding, preterm labor, at pagtaas ng kaniyang blood pressure.
Pagdating naman sa kanilang bunso na si Joo, planado ang kaniyang pagbubuntis sa edad na 30 at handa siya kaya aniya, hindi sila nagka-problema.
Isa pa sa mga dahilan ng mom vlogger kung bakit ayaw na niyang masundan pa si Joo ay dahil gusto nilang matutukan ang paglaki ng anak. Si Joo ay na-diagnose ng autism spectrum disorder at kasalukuyang sumasailalim sa occupational therapy.
“Isa pang malaking reason, kasi kailangan naming tutukan si Joo.”
“Although iniisip ko rin kung masusundan si Joo, puwedeng magbago ‘yong behavior niya kasi kuya na siya. Puwede rin ‘yon. Pero ang hirap sumugal,” pag-amin ni Anne.
Usapang mag-asawa
Bagamat gusto na talaga niyang magpa-ligate, importante pa rin niyang makausap ang kaniyang asawa na si Kitz tungkol dito. Pahayag ni Mommy Anne,
“Alam ko sa sarili ko na talagang go ako, gusto ko na talagang magpatalki.Pero kailangan kong kausapin ni Papa Kitz.
Pero aniya, alam rin naman niyang magiging okay lang ang asawa niya rito dahil iyon naman talaga ang plano nila noon pa, ang magkaroon lang ng dalawang anak.
BASAHIN:
Tips para hindi mabuntis: 7 family planning methods na maaaring subukan
Kuwento ni Mommy Anne,
“Ewan ko kung nagbago ‘yong plano niya, pero ang plano lang talaga namin is dalawa. Gusto ko dalalwa lang, babae tsaka lalaking anak. Okay na, masayang-masaya na ako doon. Malaking pasasalamat na sa Diyos.”
Pero sumasagi pa rin sa isip ng sikat na vlogger ang katanungan kung masama ba na piliin niyang hindi na magbuntis.
“Is it being selfish ba kapag pinili mong huwag nang magka-anak pa? Napapaisip rin ako sa mga ganoong bagay.”
Subalit nanindigan pa rin naman siya sa kaniyang desisyon.
“Pero family planning nga eh. Kung okay ka na sa family mo, or for personal reasons, kung physically hindi mo na kaya … ang dami kong iniisip talaga.”
Sa vlog na iyon, hindi na ibinahagi ni Mommy Anne ang naging pag-uusap nila ni Kitz dahil ito nga ay “usapang mag-asawa.” Pero bago matapos ang episode, ipinapakita niya na naghahanap ng mga videos sa YouTube si Papa Kitz tungkol sa tubal ligation.
Ang desisyon
Sa kasunod na family vlog nila noong May 31 na pinamagatang “Usapang Mag-asawa,” ibinahagi ni Mommy Anne ang naging pasya nilang mag-asawa tungkol sa usapin ng pagpapatali niya.
Napagdesisyunan nila na ipagpaliban muna ang pagsasailalim ni Mommy Anne sa tubal ligation ngayong taon dahil kakatapos lang niyang magpa-opera.
“Napag-usapan namin na hindi na muna ako magpapa-opera this year.” ani Mommy Anne. “Baka next year, para makapagpahinga naman ako.”
Dahil sa usaping ito, napaisip tuloy si Mommy Anne ng isang bagay na maaring sumagi na rin sa isip ng ibang kababaihan.
“Bakit nga ‘yong family planning, parang burden siya sa mga babae? Bakit hindi mag-effort naman ‘yong lalaki, diba?” aniya.
Pabiro rin niyang tinatanong ang asawa kung willing ba siyang sumailalim sa vasectomy, na tinatawanan lang nito.
“Sino bang nagpa-vasectomy na kilala niyo? Sige nga. Kasi ako wala,” pabiro niyang sinabi.
Paglinaw rin ni Anne Clutz sa kaniyang family vlog, hindi ibig-sabihin na high-risk na ang pagbubuntis ng babae kapag dumating na sa edad na 35 ay imposible na ito.
“‘Yong mga iba naman na hindi pa nagkakaroon ng anak, huwag kayong mawalan ng pag-asa.”
Source: