Kung ayaw mo pang magkaanak, kailangang mong alamin ang mga ligtas na paraan para maiwasan ang ovulation. Narito ang ilang tips para hindi mabuntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Tips para hindi mabuntis kung hindi ka pa handa
- Mga contraceptives na mayroon dito sa Pilipinas
- Mga posibleng epekto ng mga gagamiting contraceptives
Sabi nga nila, ang pinakamabisang paraan para hindi mabuntis ay iwasan na lamang ang pakikipagtalik sa iyong partner. Pero kung nasa tamang edad ka na, nasa sa 'yo pa rin ang desisyon kung ano ang makakabuti sa iyong katawan.
Mayroon namang ibang paraan para makaiwas sa pagbubuntis na maaari mong subukan.

Paano ba nabubuntis ang isang babae?
Bago tayo tumungo sa mga tips para hindi mabuntis. Narito muna ang ilang bagay na dapat tandaan ng isang mag-asawa o partner na ayaw pang magkaanak:
- Para mabuntis ang isang babae, kailangang magtagpo ang kaniyang egg cell at sperm cell ng lalaki sa loob ng fallopian tube. Ito ay isang natural na pangyayari kapag nagtatalik ang babae at lalaki, at ang lalaki ay nakapaglabas ng semilya sa loob ng ari ng babae.
- Kapag nakalabas na ang sperm, nakakapagtagal ito ng 2 araw sa katawan ng babae habang 1 araw lang nagtatagal ang egg cell ng mga babae. Mahalaga ito para malaman kung kailan niyo dapat iwasan ang pagtatalik.
Tips para hindi mabuntis: Ano ang contraceptives?
Kung hindi pa kayo handa ng iyong partner na magkaanak, maaari niyong subukang gumamit ng contraceptives.
Ang contraceptives o birth control method ay mga paraan o gamot na ginagamit para maiwasan ang pagbubuntis.
Narito ang ilang paraan kung paano nakakatulong ang contraceptives para hindi mabuntis:
- Pinipigilan ang sperm cells ng lalaki na makarating sa itlog ng babae.
- Pinipigilan ang ovaries na maglabas ng itlog o mag-ovulate.
- Mayroon ding mga permanenteng uri ng contraceptives na tinatawag na sterilization kung saan tinatali ang fallopian tube o kaya hindi na pinakadadaan ang sperm cells para maiwasan ang makabuo.
Mayroong mga natural na uri ng contraceptives at mayroon ding mga artipisyal o gumagamit ng mga gamot.
Subalit dapat tandaan na bawat isang paraan ay may iba't ibang porsiyento ng efficacy o bisa. Posible rin na mayroong masasamang epekto sa katawan ang ilan sa mga ito.
Tips para hindi mabuntis
1. Calendar method
Ito ang isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng birth control at tinatawag na natural family planning.
Sa paraang ito, kailangang alamin ng babae ang kanyang monthly cycle at tukuyin ang mga araw kung kailan siya nag-o-ovulate.
Kapag natukoy mo na ang mga araw kung saan may nagaganap na ovulation. Siguruhing hindi kayo magtatalik ng iyong partner sa mga araw na malapit o sa mismong araw ng ovulation.
Magiging epektibo lang ang birth control method na ito kung sigurado ka sa iyong monthly cycle. Kaya hindi nirerekomenda ang calendar method sa mga babaeng may irregular period o monthly cycle.
2. Pag-inom ng birth control pills

Kung gagamitin ng tama, ang pag-inom ng birth control pills ay nagbibigay ng 99 porsyentong posibilidad na hindi ka mabubuntis.
Karamihan ng birth control pills ay naglalaman ng dalawang hormones - progestin at estrogen. Ito ang tinatawag na combination pills. Mayroon din namang progestin only pills na ligtas para sa mga nagpapadedeng ina.
Bukod sa pag-iwas sa pagbubuntis, maaari ring makatulong ang pag-inom ng pills para mabawasan ang dysmenorrhea, gawing regular ang iyong buwanang dalaw, at alisin ang hirap na dala ng premenstrual syndrome o PMS.
Hangga't tama ang paggamit mo ng birth control pills, masisiguro na hindi ka mabubuntis sa loob ng mga araw na gagamitin mo ito.
Pero may mga kababaihan na nakakaranas ng ilang side effects gaya ng spotting (para sa progestin only pills), pagkakaroon ng acne, pagsakit ng mga dede at nausea o pagkahilo.
Ayon kay Dr. Arlene Ricarte Bravo, isang OB-gynecologist sa Makati Medical Center, dapat na kumonsulta mula sa iyong doktor bago ka sumubok ng pills para malaman mo kung anong gamot ang puwede sa 'yo at kung paano ito gagamitin para maiwasan ang mga delikadong epekto nito.
"Halimbawa 'yong isang pasyente sinabi ng kaibigan niya na o mag-pills ka para hindi ka mabuntis. Hindi niya alam na may contraindications pala sa kaniya ang pag-inom ng pills.
Puwede na lang siyang ma-stroke. Puwedeng buntis pala siya tapos nag-pills siya, so may effect 'yong pills sa namumuong baby. Kaya dapat directed 'yon (pag-inom ng pills) by the obsetrician." aniya.
Ang pangmatagalang paggamit ng pills ay hindi nakasasama, subalit tandaan na ito ay maaaring makapagpa-delay o magpahinto ng iyong pagregla.
3. Paggamit ng injectables
Ang injectable ay isang uri ng contraceptive na ibinibigay sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagturok o pag-inject ng isang uri ng gamot sa katawan.
Ayon sa website ng Planned Parenthood, ang paggamit ng injectables bilang birth control ay may 99 porsyentong bisa ng contraception hangga't hindi ka nagmimintis sa schedule ng iyong injection.
Dito sa Pilipinas, limitado lamang ang birth control shots sa progesterone injectable na kilala rin sa tawag na Depo-Provero shot.
Kung sang-ayon ka na gumamit ng injectable, dapat ay handa ka sa mga side effects na maaaring dala ng paggamit nito gaya ng:
- Pananakit ng ulo
- Mood swings
- Breast tenderness
- Paglalagas ng buhok
- Pagbaba ng sex drive
- Irregular bleeding (maaaring malakas o mahina)
- Pagkawala ng regla
- Maaaring umabot ng 1 taon matapos mong huminto bago bumalik sa normal na fertilization ang iyong reproductive system.
- Hindi ka nito mapoprotektahan sa mga sexually transmitted disease, katulad ng chlamydia at HIV.
Isa sa mga masamang epekto ng paggamit ng injectable contraceptives ay ang pagkawala ng ibang minerals sa iyong mga buto. Kaya ang paggamit ng pamamaraang ito ay hindi irinerekomenda sa mga taong hindi pa naaabot ang tinatawag na peak bone mass o edad na kung saan matigas na ang iyong mga buto.
Base sa pag-aaral, ang pagkawala ng mga mineral sa buto ay maaari ring matigil at maibalik kapag huminto sa paggamit ng injectable.
Kung gusto mong subukan ang contraceptive na ito, kailangan mong pumunta sa clinic ng iyong doktor o sa mga health center dahil rito ginagawa ang pagturok ng gamot.
BASAHIN:
Birth control: Depo-Provera contraceptive injection and its side effects
Iba't ibang uri ng family planning method at gaano ka-epektibo ang mga ito
Ang mga dapat malaman tungkol sa family planning
Kapag tumigil ka naman sa paggamit ng injectable, ang iyong kakayahang magbuntis ay babalik depende sa kung gaano ka katagal gumamit ng pamamaraang ito upang hindi mabuntis.
Mas matagal kang gumamit ng injectable, mas matagal ring makabalik ang kakayahan ng iyong katawan na magdalang-tao ulit.
Kung ikaw naman ay tumigil na sa paggamit ng injectable, ikaw ay maaaring mabuntis sa loob lamang ng apat na linggo.
4. Paggamit ng condom
Ang paggamit ng condom ay isa sa mga pinakakaraniwan at pinakamurang paraan para hindi makabuntis ang isang lalaki. Kung gagamitin ng tama, mayroon itong 98 porsiyento na mabisa sa pag-iwas sa pagbubuntis.
Pero walang saysay ang paggamit ng condom kung hindi mo ito mailalagay ng maayos, o kaya naman mali ang size na iyong nabili.
Siguruhin na kung gagamit ng condom, ilagay ito ng maayos sa erected na ari ng iyong mister o partner.
Dapat ding siguraduhin na alisin ang hangin sa tip ng condom at maingat na ilagay ang condom ng buo sa ari ng partner.
Wala namang gaanong side effects ang paggamit ng condom. Puwera na lang kung may allergy sa latex or rubber ang mga gagamit.
Matapos gamitin ang condom, siguruhin din na hindi na ito gagamitin ulit at itapon na.
5. Paggamit ng IUD
Kung gusto mo naman ng pangmatagalang uri ng birth control, pwede mong subukan ang intra-uterine device o IUD. Kapag tama ang pagkakalagay, mayroon itong higit sa 99 porsiyento ng contraception.
Ang IUD ay isang maliit na aparato na pinahiran ng tanso at progestin hormone na inilalagay sa loob ng uterus ng babae upang maiwasan ang pagbubuntis. Hindi maganda ang epekto ng copper sa sperm ng lalaki kaya naman hindi mabubuntis ang babae kapag mayroon siyang IUD.
Mayroong dalawang klase ng IUD - ang copper IUD na mas popular at mas mura at medicated IUD. Sa copper IUD, maaaring magtagal ang bisa nito ng 3 hanggang 5 taon. Samantalang 5 hanggang 12 taon naman ang sa medicated IUD.
Ang kagandahan ng medicated IUD, naglalabas ito ng gamot na levonargestrel araw-araw kaya nakakatulong ito sa mga babaeng may matinding regla.
Ayon kay Doc Arlene, hindi nirerekomenda ang IUD para sa mga babaeng may higit sa isang sexual partners. Sapagkat maaari itong magdulot ng impeksyon sa iyong matris.
"Remember that you are inserting a foreign body inside the uterus. Tapos meron siyang string na right after the dulo ng matris, 'yong cervix nandoon 'yong string na 'yun."
Kung halimbawa multiple sexual partners siya. It can be a conduit of the infection na papunta sa taas papunta sa loob ng matres. Papunta sa fallopian tube causing infection na tinatawag na pelvic inflammatory disease.
Kapag nagkaroon ka ng pelvic inflammatory disease worst case scenario magkaroon ka ng sepsis. Puwede kang mamatay. And then kung multiple sexual partner at promiscous ka, paulit-ulit na cervicovaginitis mo na 'yan."
6. Contraceptive Implant
Isa pang uri ng pangmatagalang contraceptive ay ang birth control implants. Isa itong maliit at flexible rod na inilalagay sa ilalim ng balat ng babae sa kaniyang braso.
Ayon sa Planned Parenthood, mahigit 99 porsiyento rin ang bisa nito na makakaiwas sa pagbubuntis ang babae.
Gaya ng medicated IUD, naglalabas din ito ng gamot. Naglalabas ito ito ng hormone na progesterone na nagpapatigil sa ovary na gumawa ng egg cells.
Dagdag pa rito, pinapalapot nito ang cervical mucus ng babae kaya naman mahirap para sa sperm cells o semilya ng lalaki ang makapasok sa fallopian tube ng babae.
Ang paglalagay ng implant ay kinakailangan ng isang small procedure na ginagamitan ng local anesthetic. Upang maging sakto ang pagkakalagay nito. Kailangan din itong palitan kada tatlong taon para masiguro ang bisa ng implant.
Pinipili ito ng ibang babae dahil hindi ito nakakasagabal sa pagtatalik at maaari ring ipatanggal agad kapag gusto mo nang mabuntis.
Pero bago ka sumubok ng birth control implant, kailangan munang kumonsulta sa isang doktor at suriin ang iyong medical history. Sapagkat hindi nirerekomenda ang implant sa mga babaeng may mga sakit gaya ng diabetes, sakit sa puso, depression, high blood at iba pa.
Mayroon ding hindi magandang epekto ang implant sa ibang babae gaya ng:
- pananakit ng tiyan
- pagkakaroon ng cysts sa ovaries
- pagdurugo o kawalan ng menstruation
- pagbaba ng libido o sex drive
- pagkahilo
- sakit ng ulo
- insulin resistance
- mood swings at depresyon
- pagsusuka
- pananakit ng mga dede
- vaginal inflammation ordryness
- pagdagdag ng timbang
7. Ikunsidera ang permanenteng pag-iwas sa pagbubuntis
Para naman sa mga babaeng ayaw nang magkaanak o hindi na gustong mabuntis uli, maaari mong pag-isipan ang permanenteng paraan ng birth control - sterilization.
Para sa mga babae, maaari silang sumailalim sa tubal ligation kung saan itinatali at isinasara ang fallopian tubes upang hindi na makapasok ang sperm ng lalaki at makabuo.
Hindi nga lang 100 porsiyento ang bisa ng operasyong ito. May mga babae pa ring nabubuntis kahit nagpa-ligate na sila.
Sa mga lalaki naman, maaaring pag-isipan ang pagpapa-vasectomy. Isa itong surgical procedure kung saan puputulin o itatali ang vasa derentia ng mga lalaki. Upang maiwasan ang pagpasok ng semilya o sperm cell ng mga lalaki sa urethra. Kadalasan, nasa 100 porsyento ang bisa nito.
Taliwas sa iniisip ng iba, hindi nakakaapekto ang pagpapa-vasectomy sa kakayahan ng isang lalaki na magkaroon ng orgasm o mag-ejaculate. Mabilis lang din ang prosesong ito at kailangan mo lang magpahinga ng 1 hanggang 2 araw para maka-recover.
Tips para hindi mabuntis - pumunta sa doktor
Karagdagang payo ni Doc Arlene, sa oras na magsimula kang makipagtalik. Dapat ay kumonsulta na sa OB-GYN para magabayan ka niya sa tamang pag-iingat ng iyong sarili kung ayaw mong magbuntis.
"Once you get to be sexually active, consult with a gynecologist para ma-guide kayo sa kung anong gagawin," aniya.
Kung walang sapat na pera para magpa-checkup o bumili ng mga contraceptives, maaaring humingi ng tulong sa health center sa iyong barangay.
"Sa mga probinsya naman o sa mga malalayong lugar, 'yong local government unit meron sila ng mga centers na may libreng IUD, contraception and pap smear.
At may mga trained health workers na naka-assigned sa area na iyon. What you have to do is go there kasi libre 'yon. Kahit sa mga public hospitals natin, libre ang pagkonsulta sa mga contracepions na 'yan." dagdag pa ni Doc Arlene.
Kung hindi ka pa talaga handang magkaanak, o kaya ayaw niyo nang masundan si bunso, maraming paraan para umiwas sa pagbubuntis. Kailangan mo lang kumonsulta sa iyong doktor para magabayan ka niya sa kung anong contraceptive ang babagay sa iyo.
Source:
Healthline, Medical News Today, Medline Plus, Planned Parenthood
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!