Napapatanong ka rin ba, how to use calendar method as a birth control o sa Tagalog ay paano gamitin ang calendar method para hindi mabuntis? Ang calendar method o paggamit ng kalendaryo sa Tagalog, ika nga, ang natural na pamamaraan para hindi mabuntis. O ‘di kaya’y makapagplano ng pagbubuntis sa tamang tiyempo.
Para ito sa kababaihan o mag-asawa na ayaw gumamit ng birth control pills, condom, o iba pang contraceptives. Nakatutulong ito sa mag-asawa na nagpaplano pa lamang para malaman kung kailan maaaring magtalik.
Maraming Pilipino ang naniniwalang mahalaga ang masusing pagpaplano ng pamilya. Ito’y upang maiwasan ang kahirapan at mabigyan nang maayos na buhay ang mga anak.
Paano gamitin ang calendar method? | Image from Freepik
Ano ang calendar method at paano ito gamitin?
Ang calendar method, na kilala rin sa tawag na rhythm method, ay ang pag-estima ng fertility ng isang babae, base sa menstrual cycle nito.
Sa pamamaraan na ito, inaalam kung kailan fertile ang babae at kung kailan hindi, at dito pinapayo ang pagtatalik. Sa pagbilang kasi ng mga araw ng pagitan ng menstruation, malalaman kung kailan ang obulasyon o ovulation ng babae. Kung saan ang itlog na galing sa obaryo ay maglalakbay papunta sa fallopian tube.
Dito makakatagpo ng itlog ang sperm ng lalaki, upang maging isa at bumuo ng fetus. Kapag ang babae ay nag-oovulate, pinaka-fertile ito. Kaya dapat iwasan ang pakikipagtalik o sex sa mga araw na ito.
Subalit ang calendar method ay nangangailangan ng maingat at metikulosong pag-unawa sa ovulation cycle. Dito nakasalalay ang pagiging epektibo ng pamamaraang ito. Higit sa lahat kailangan na alamin kung kailan safe o epektibo para sa babae ang calendar method.
Paano gamitin ang calendar method para hindi mabuntis?
Ang kalendaryo at pagbibilang ng mga araw ng menstrual cycle ng isang babae ang susi sa pamamaraan na ito. Sinusubaybayan ang haba ng pagreregla sa loob ng nagdaang 6 hanggan 12 buwan, at kinukuha ang karaniwan o average na haba ng araw bago ang susunod na menstruation.
Paano maiiwasan ang pagbubuntis gamit ang calendar method nang mabusisi at sigurado? Markahan sa kalendaryo ang lahat ng araw ng menstruation o buwanang dalaw, sa loob ng 6 na buwan.
Dito mo makikita kung ilang araw ang karaniwang pagitan ng iyong cycle. Ito ay para sa mga kababaihang may regular na dalaw o menstruation cycle.
Ang ovulation ay nangyayari ng isang beses lamang sa isang buwan, kadalasan ay 12 hanggang 16 na araw matapos ang regla. Kapag ang itlog ay lumabas na ng obaryo, ang buhay nito ay maaaring 24 hanggang 48 oras lamang.
Ang sperm o semilya naman ng lalaki ay maaaring mabuhay ng matagal sa katawan ng babae, hanggang sa ika-limang araw matapos itong mailabas ng lalaki sa pagtatalik.
Samakatuwid, ang babae ay fertile o maaaring mabuntis kapag siya ay nasa ika-5 araw bago ang ovulation, sa mismong araw ng ovulation, at sa ika-12 hanggang ika-24 oras pakatapos ng ovulation.
Kung ang buwanang dalaw ay kada 28 araw, bilangin ang unang sampung araw ng menstruation: ito ay ang “safe period” dahil hindi fertile ang babae.
Ang sumunod na 8 araw ay hindi “safe” para sa mga ayaw mabuntis, dahil ito ang FERTILE period. Dapat iwasan ang hindi protektadong pakikipagtalik sa mga araw na ito.
Ang sumunod na 10 araw, o pang 19 na araw mula sa unang araw ng menstruation sa buwan na iyon ay “safe” nang muli, at hindi fertile ang babae.
Paano gamitin ang calendar method?
Narito pa ang isang paraan para magbilang:
Pagkatapos malaman o esitmahin ang panahon na fertile ang babae, ibawas ang 18 mula sa pinakamaikling pagitan ng siklo o mesntrual cycle. Ito ang estimadong unang araw ng fertility.
Ibawas ang 11 araw mula sa pinakamatagal o mahabang panahon ng siklo. Ito ang estimadong huling araw ng fertility.
Huwag makipagtalik sa panahong ito kung ayaw mabuntis. May mga gumagamit ng condom para mas lumiit ang posibilidad ng pagbubuntis sa panahong fertile ang babae.
May gumagamit din ng withdrawal o spermicides, ngunit hindi ito gaanong ke-epektibo.
Patuloy na maglista ng menstrual cycle, at ang pinakabagong tala ang sundin.
Ayon sa mga dalubahasa, kung ang iyong siklo ay nasa pagitan ng 26 hanggang 32 araw, ang panahon na ikaw ay fertile ay maaaring nasa pagitan ng ika-8 hanggang ika-19 na araw.
Halimbawa:
Kung ang pinakamaikli ay 27 araw, sa loob ng 6 na buwan: 27 – 18 = 9. Maaaring makipagtalik ng ligtas sa ika-9 na araw, kung ang unang araw ng menstruation ay ang unang araw.
Kung ang pinakamahaba ay 31 araw: 31 – 11 = 20.
Maaari siyang makipagtalik ng ligtas sa ika-21 araw, kung ang unang araw ng menstruation ay ang unang araw. IWASANG makipagtalik mula ika-9 na araw hanggang ika-20 araw ng siklo.
Kung iiwasan ang pakikipagtalik kung alam ng babae na siya ay fertile, maiiwasan ang pagbubuntis. Dapat mabilang ang mga araw upang masiguro na wala nang buhay na mga semilya sa katawan ng babae sa panahon na siya ay nag-oovulate upang maiwasan ang pagbubuntis.
Ano ang calendar method? | Image from Dreamstime
Ano ang advantage o pakinabang ng calendar method?
Subok at napatunayan na ang pamamaraan na ito. Higit sa lahat, libre ito, kaya’t pabor ang nakararami lalo na’t may sinusundan budget ang mag-asawa o pamilya.
Bukod pa rito, kung kabilang sa relihiyon na may objection sa paggamit ng medical form ng birth control, makatutulong ang calendar method sa pagplaplano ng pamilya.
Samantala, wala rin itong side effect sapagkat natural ito at walang iniinom o ineksiyon na karaniwang nakakaapekto sa kalusugan o sistema ng isang babae.
Kadalasan mang hindi malala ang side effects ng ibang uri ng birth control method sa mga kababaihan, pero maaari itong magdulot ng mga sumusunod:
- Pananakit ng ulo
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pagdurugo sa pagitan ng menstrual period
- Pagbabago sa mood
- Iritasyon sa balat
- Pananakit ng dibdib
- Allergic reactions
- Pagtaas ng risk na magkaroon ng blood clots, stroke at heart attack
Kung nais iwasan ang mga posibleng side effects na ito, mabuting piliin ang calendar method bilang contraceptive.
May disadvantage din ang calendar method
Kung ang menstrual cycle ay hindi regular, malaki ang posibilidad na hindi ito maging epektibong paraan ng pag-iwas sa pagbubuntis. Delikado rin ito para sa mga mag-menopause na.
Ang pinakaimportanteng disadvantage ay ang posibilidad na magkaroon ng sexually transmitted disease dahil walang prtoeksiyong ginagamit kapag nagtatalik.
Dahil na rin sa sa kawalan ng sapat na kaalaman at pagpipigil sa sarili, mahigit sa 20 kababaihan ang nabubuntis sa bawat 100 Pilipino na gumagamit ng pamamaraang ito.
Kung ang iyong dalaw ay hindi masyadong maaasahan o kaya’y mas maiksi sa 26 araw o mas mahaba sa 32 araw, huwag kang gagamit ng paraang ito.
Mas makabubuting magtanong sa doktor o sa pinaka malapit na health center bago ka magdesisyon ng anumang pamamaraan na gagamitin para makaiwas sa pagbubuntis.
Ang pag-unawa sa iyong fertility ay nangangailangan ng pagsusumikap at oras. Kailangang magtulungan ang mag-asawa sa mga proseso ng pamamaraan na ito upang maging matagumpay.
Ang mga impormasyon sa taas ay mga gabay lamang at hindi pwedeng maging gawing pamalit sa tugon ng inyong mga doktor.
Mas mabuting kumunsulta sa mga doktor o heatlh centers sa inyong lugar upang mas lalong malaman at maintindihan kung ano ang calendar method para sa mabisa at epektibong family planning.
Iba pang paraan para malaman kung ikaw ay fertile
Bukod sa pagsubaybay sa iyong fertility gamit ang calendar method, maaari mo ring ma-track ang iyong fertility sa pamamagitan ng mga sumusunod na natural na paraan:
Basal body temperature
Para masukat ang basal body temperature, pagkagising na pagkagising sa umaga ay kumuha ng thermometer at i-measure ang iyong body temperature.
Gawin ito araw-araw at ilista ang temperatura ng iyong katawan. Maaaring magdownload ng temperature charts mula sa internet. I-print ito at ilista sa chart ang temperature para makita ang pattern o kung mayroong pagbabago.
Kapag ikaw ay nag-ovulate, tataas ng -17.55 hanggang -17.22 degress celcius ang iyong body temperature. Mapapansin mo na magkakapareho o consistent ang iyong body temperature sa umaga. Bigla itong tataas sa oras matapos ang ovulation. Bababa rin ito bigla bago ka magkaroon ng regla.
Kailangang iwasan muna ang pakikipagtalik limang araw bago ang pagtaas ng basal body temperature mo. Tandaan ito para hindi mabuntis. Maaari nang makipagtalik ulit sa araw matapos na tumaas ang basal body temperature.
Pisikal na pagbabago
Sa panahon ng ovulation ng babae maaari ding makaranas ng physical changes. Puwedeng makaranas ng pagsakit ng dibdib o tenderness ng suso.
Gayundin ang pananakit ng obaryo. Dahil hindi ganoon ka-accurate ang pag-check lang ng physical changes tuwing ovulation period, mahalagang i-combine ito sa iba pang method para matiyak na hindi mabubuntis.
Pagbabago sa mucus
May ilang gumagamit ng tinatawag na cervical mucus method para ma-track ang kanilang ovulation. Araw-araw nilang tinitingnan ang kanilang cervical mucus o discharge na lumalabas sa ari ng babae.
Inirerecord nila ang pagsasalarawan sa cervical mucus. Habang ginagawa ito sa araw-araw ay makapapansin ng pattern at pagbabago. Sa panahon ng ovulation, nagiging stretchy ang vaginal discharge na tila ito egg white.
Subalit, may mga factor na maaaring makaapekto sa cervical mucus. Ilan sa mga ito ay ang pag-inom ng birth control pills, pagdanas ng cervical surgery, o pagkakaroon ng sexually transmitted infection (STI).
Cervical changes
Nagkakaroon din ng pagbabago sa mismong cervix tuwing ovulation period. Mas lumalambot ang texture nito at mas bumubuka ang cervix ng babae sa panahon ng ovulation.
Bukod sa mga paraan na ito ay maaari din namang gumamit ng ovulation kits na mabibili sa mga grocery o pharmacy. Tulad ng pregnancy test kit, ginagamit ang ovulation kits sa pamamagitan ng ihi. Nadedetect ang specific hormones na hudyat ng ovutaltion period.
Iba pang uri ng contraception
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cottonbro
Hindi rin epektibo ang calendar method para sa mga babaeng may irregular period. Iba kasi ang ikot ng menstrual cycle ng mga irregular ang pagreregla.
Kung sa palagay mo ay hindi para sa iyo ang pagtratrack ng ovulation para makaiwas sa pagbubuntis, mayroon namang iba pang birth control method na maaari mong subukan.
Sterilization
Tinatawag na male or female sterilization ang birth control na panghabambuhay. Kung desidido ka na at ang iyong partner na hindi na kayo mag-aanak ay maaaring piliin ang proseso ito. Kabilang sa sterilization ang tubal ligation sa babae at vasectomy sa lalaki. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng surgery.
Hormonal methods
Maaari ding sumubok ang babae ng tinatawag na short-acting hormonal method ng contraceptive. Ito ay ang paggamit ng pill, mini pills, patch, shot, at vaginal ring para hindi mabuntis.
Kumonsulta sa iyong doktor upang makapagbigay ito ng prescription kung kailan maaaring i-take ang mga nabanggit na hormonal contraceptive at ano ang akma para sa iyo.
Barrier methods
Ito ang pinakakaraniwang birth control method. Ginagawa ang barrier method tuwing makikipagtalik. Ito ay ang paggamit ng condoms, diaphragms, sponge, at cervical cap para maiwasan ang pagbubuntis.
Long-acting reversible contraceptives or LARC methods
Ito ang paggamit ng intrauterine devices at hormonal implants. Hindi mo na kailangang alalahanin ang pag-inom o paggamit ng birth control araw-araw o buwan-buwan dahil isang beses lang itong ipapasok ng iyong doktor sa katawan sa pamamagitan ng implantation. Ang LARC method ay maaaring tumagal ng tatlo hanggang 10 taon depende kung anong method ang gagamitin.
Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!