Naging emosyonal si Anne Clutz sa kaniyang latest video na mapapanood sa Anne Clutz Vlogs YouTube channel. Sa nasabing vlog ni Anne Clutz ay naikwento nito ang pinagdaanan ng anak na si Joo sa unang linggo nito ng pagpasok sa eskwela.
Mababasa sa artikulong ito:
- Anne Clutz sa sitwasyon ni Joo: Hindi kasama sa plano kong umiyak pero nanay ako
- Vlogger naghahanap ng karamay
Anne Clutz sa sitwasyon ng anak: Hindi naman niya kasalanan ‘yon
Sa latest video ng Anne Clutz vlogs ay hindi naiwasan ng vlogger na maiyak nang ikuwento nito na dumating na ang kanilang kinatatakutan. Madalas na maging topic sa vlogs ni Anne Clutz ang dinaranas ng anak na si Joo. Mayroon kasing autism ang anak ni Anne Clutz.
Sa latest video sa vlogs ni Anne Clutz isinalaysay ng vlogger na nagpakita raw ng slight aggression ang kaniyang anak sa klase. Noong una at ikalawang araw daw nito sa eskwela ay tahimik lang naman daw ito, nakaupo, at nakikinig sa guro. Subalit sa ikatlong araw ay naghagis daw ito ng gamit sa board. Buti na lamang ay walang tinamaan.
Larawan mula sa Instagram account ni Anne Clutz
Pinangangambahan nga raw itong mangyari ni Anne Clutz dahil na-oobserbahan na nga niya ang tendency na gawin ito ng anak. Tuwing dumaraan daw kasi sina Regine at Ate Jane, kapwa nagbabantay kay Joo kapag wala sina Anne Clutz at asawa nito, ay bigla na lang daw hahampasin ni Joo ang dalawa. Hindi naman daw malakas ang paghampas pero hindi aniya nila alam kung ano ang ibig sabihin.
“I’m trying my best na intindihin bakit ganon ‘yong nagiging reaction niya,” saad ni Anne Clutz.
Aminado naman si Anne Clutz na sa dami ng vlogs niya na kinaaaliwan ng mga fan ay hindi sila perpektong pamilya,
“Hindi kami perpektong pamilya. May mga bagay kayong hindi nakikita sa vlog.”
Nagri-research din naman daw si Anne Clutz at ipinaliwanag din naman sa kaniya ng doktor na very common sa autism ang aggressive behavior. Sanhi umano ito nang hindi mai-express ng bata ang kaniyang naiisip at nararamdaman sa normal na paraan.
“Basta sa akin bilang nanay, gusto ko lang naman maibigay ‘yong best sa anak ko. Pero ayokong kontrolin. Syempre hindi ko makokontrol ‘yon e. May ASD (autism spectrum disorder) siya, wala akong kakayahan na kontrolin siya kundi kailangan ko lang talagang intindihin ano ang gusto niyang mangyari,” pahayag ng vlogger.
Larawan mula sa Instagram account ni Anne Clutz
Kuwento pa nito, naranasan din daw nila noon na nagpakita ng aggression si Joo sa isang restaurant. Habang umo-order daw sila ay bigla itong pumunta sa kabilang mesa at nanghampas ng kapwa customer.
Nahihiyang humingi na lang daw ng paumanhin si Anne Clutz pero sa loob-loob niya’y nais niyang ipaliwanag sa mga ito ang kalagayan ng anak.
“Hindi naman kasalanan ni Joo yon kasi iba sila mag-isip…Gusto kong i-explain na pasensya na po, autistic ‘yong anak ko.”
Hindi naman daw nagalit ang mga customer at sinabi sa kaniyang ayos lang ang nangyari.
Nahihiya raw si Anne Clutz dahil batid niyang hindi maiiwasan na may manghusga sa behavior ng anak. “Sakin okay lang e. Pero ‘yong sa bata, hindi naman niya alam ‘yan e. Hindi niya rin gustong magkaroon ng autism,” saad niya.
Anne naghahanap ng karamay
Sa ngayon ay aminado ang vlogger na naghahanap siya ng karamay sa sitwasyon ng kaniyang anak. Nagte-therapy naman daw si Joo at magkatuwang din sila ng kaniyang asawa sa pag-aaruga sa anak.
Pero aniya, malaking tulong na makarinig ng advice mula sa mga kapwa magulang na dinaranas din ang pinagdaraanan nilang mag-asawa.
“Naghahanap ako ng karamay. And naghahanap din ako ng suggestion siguro? I’m willing to learn sa mga dumaan sa ganitong situation.”
Larawan mula sa Instagram account ni Anne Clutz
Nagpapasalamat din naman si Anne Clutz sa mga nagko-comment daw sa vlogs niya at nagpapadala ng mensahe. Ilan daw sa mga ito ay mga adult na may autism din.
Ikinukwento raw ng mga ito ang mga naranasan at naramdaman noong bata pa sila habang may autism. Sa pamamagitan aniya ng mga kwento ng mga viewers sa Anne Clutz vlogs ay mas nauunawaan niya ang dinaranas ng anak.
“Hindi naman kasama sa plano ko ‘to na umiyak pero siguro kasi nanay ako eh. Alam mo ‘yon parang gusto mong ipagtanggol o i-explain mo bakit ganon ‘yong anak mo,” payahag pa ni Anne Clutz.
Kakausapin na rin daw nila ang teacher ni Joo kung pwede silang mag-hire ng shadow teacher na magbabantay sa bata habang nasa klase. Natatakot daw kasi si Anne Clutz na dumating ang araw na hindi na tanggapin ng school ang anak.
“Sa totoo lang, nahihiya ako. Mamaya paalisin nila si Joo, ayoko. Ganyan talaga nanay e no? Parang kung pwedeng ikaw na lang talaga magmakaawa sa teacher.”
+Source:
YouTube
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!