Limitado umano ang screen time ng anak ni Anne Curtis at Erwan Heussaff na si baby Dahlia. Bukod pa rito ay may social life na rin ang bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Baby Dahlia prepared na sa pagbabalik showbiz ni Anne Curtis
- Tips paano limitahan ang screen time ng anak
Baby Dahlia prepared na sa pagbabalik showbiz ni Anne Curtis
Nakausap ng theAsianparent ang celebrity mom na si Anne Curtis sa naganap na launching ng Prime Video. Sa naturang interview ay ibinahagi ng aktres na sa ngayon daw ay halos walang screen time si baby Dahlia. Hangga’t maaari ay hindi nila pinapayagang gumamit ng cell phone, tablet o iba pang gadgets ang anak.
“Right now, she doesn’t have a lot of screen time,” saad ni Anne Curtis tungkol kay baby Dahlia.
“As much as possible actually none. We allow it if we’re on the plane,” dagdag pa nito.
Larawan mula sa Instagram account ni Anne Curtis
Ayon kay Anne Curtis, tuwing nagkakaroon naman daw ng maikling screen time si baby Dahlia, ay madalas na kids show na ‘The Wiggles’ ang pinapanood nito. Bukod pa rito ay nanonood din daw ang anak ng mga ballet video.
Samantala, ngayon na unti-unti nang nagbabalik showbiz si Anne Curtis, paano nga ba niya inihahanda si baby Dahlia?
Saad ni Anne Curtis, kaya naman daw naging matagal din bago siya bumalik sa trabaho ay dahil hinintay din nila na magkaroon ng ibang pagkakaabalahan ang anak.
“I think the reason why I waited this long is at least now, meron siyang mga classes that’s why nakakapag-Showtime ako when she’s doing her class. So, may social life na rin siya,” pahayag ng aktres.
Clingy man daw si baby Dahlia ay pinalaki rin nila ito ng asawang si Erwan Heussaff na maging independent.
“She can independently play. Hindi super clingy but now, she’s more aware when we’re leaving the house,” kwento pa ni Anne Curtis.
Biro pa nito, alam din daw ng baby niya na siya ay singer at ang tingin nito sa kaniya ay kasing ganda ng boses ni Elsa ng animated film na Frozen.
Tips para mabawasan ang screen time ng anak
Nangangamba ka rin ba na baka sobra na ang paggamit ng iyong anak sa mga gadget at pagkababad sa social media?
Ang labis na screen time at regular na exposure sa mga hindi magagandang laman ng social media ay maaaring magdulot ng mga sumusunod:
- problema sa focus at atensyon ng bata
- pagkaantala sa language at social skills development
- natututo ng karahasan ang bata
- obesity o labis na timbang
- problema sa behavior
- kakulangan sa tulog at pahinga
- kaunting oras na nailalaan sa pag-aaral
Larawan mula sa Instagram account ni Anne Curtis
Paano nga ba malilimitahan ang screen time ng bata at matitiyak na maayos na content ang nakikita nito sa araw-araw?
- Bantayan ang mga pinapanood ng iyong anak. Maaaring i-preview muna ang games at apps bago ito payagang gamitin ng anak.
- Puwede ring gumamit ng parental controls at i-block o i-filter ang mga internet content na kinokonsumo ng bata.
- Kausapin ang anak regularly at itanong dito kung anu-anong programs, apps, at games ang ginamit niya sa loob ng isang araw.
- Huwag hayaang dalahin sa kwarto ng mga bata ang mga gadgets. Kung may TV sa kwarto ay makabubuting alisin din ito. Makatutulong ito para ma-promote ang pagkakaroon ng sapat na oras ng pagtulog.
- Mag establish ng oras kung kailan lang sila puwedeng gumamit ng gadgets at kung hanggang ilang oras lang.
- Huwag payagan ang anak na gumamit ng media entertainment habang gumagawa ng homework o kumakain.
-
Ituro sa bata na hindi lahat ng nakikita sa internet ay totoo. I-encourage itong mag-isip critically. Ituro din sa kaniya ang pagkakaiba ng mga website na mapagkakatiwalaan at mga hindi.
- Ipaliwanag sa bata ang tungkol sa cyberbullying, sexting, at pagbabahagi ng personal na impormasyon. Ituro sa kaniya ang tamang behavior na dapat ipakita sa social media at taglayin din off screen.
- Mag-set ng espasyo sa inyong bahay na tech free. Space ito sa bahay kung saan ay hindi puwede ang ano mang gadget o media entertainment.
- Magkaroon ng panahon para sa playtime na walang involved na technology o gadget.
- Maging good example. Bilang magulang, normal na ginagaya ng mga anak kung ano ang nakikita nilang ginagawa niyo. Kung nais na limitahan ang screen time ng anak, tiyakin din na hindi babad sa screen ang oras niyong mag-asawa. Maglaan ng oras sa inyong mga anak at sa iba pang aktibidad na maaaring gawin ng pamilya.
Larawan mula sa Instagram account ni Anne Curtis
Mga mommy at daddy, tandaan na kahit nasa technologically driven generation na tayo, mahalaga pa rin na mabantayan ang mga ginagawa ng inyong anak sa internet. Maraming mga hindi magandang content na posibleng makaapekto sa isip ng bata. Bukod pa rito, mahalagang malimitahan ang screen time ng bata para matuto at maranasan pa rin nito ang buhay sa reyalidad.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!