Napapadalas ba ang panonood sa gadget ng iyong anak? Basahin rito ang mga tips ni Mommy Jessica tungkol kung paano mababawasan ang screen time sa mga bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit siya nagdesisyon na bawasan ang screen time ng anak?
- Zero screen time sa mga bata – tips ni Mommy Jessica
- Anong naging epekto ng pagbabawas ng screen time sa kaniyang anak?
Noong nag-2 years old ang anak ko at hindi pa nagsasalita kahit isang salita man lang, nabalisa talaga ako. Kumpara sa mga batang kasing-edad niya o mas bata sa kaniya, parang late na yata siya.
Guilty rin ako dahil sa pareho kaming work-from-home ng asawa ko, at madalas ay nagiging baby sitter na niya ang TV o cellphone. Wala rin kaming yaya. Nagtutulungan lang kami sa lahat ng gawain na mayroon sa bahay at sa buhay.
Noong una, nakakatuwa kasi parang ang daming natutunan ng anak ko. Lahat ng sayaw ay ginagaya niya. Lahat ng Cocomelon songs ay sinasabayan niya. Pero hindi pa rin siya makapagsalita nang maayos. Puro babble lang.
Kahit ako, hindi niya matawag na “Mama.” Kapag may gusto siya tulad ng tubig o laruan, hindi siya nagsasalita. Idinadaan niya sa pag-iyak at tantrums.
Alam kong hindi ko siya dapat ikinukumpara sa ibang bata, pero siyempre, kinakabahan pa rin ako. Iyong mga mas bata sa kaniya, napakarami nang kayang sabihin.
Ayokong mawalan ng kompyansa sa kakayahan ng anak ko, pero gusto ko ring malaman ang totoo. At kung sakali early intervention na rin. Napakarami ko kasing naririnig na kuwento na in-denial ang mga magulang pagdating sa development ng mga anak nila.
Bakit kami nagdesisyong bawasan ang screen time ng aming anak
Nagpa-check up kami sa isang developmental pediatrician. Medyo mahaba ang pila. Usually, 2-3 months ang hihintayin mo bago ka makakuha ng appointment. Pero dahil na rin sa mga rekomendasyon ng mga kapwa ko magulang, nakaraos din at na-assess ng propesyunal ang anak ko.
Kaya pala kailangang i-schedule ito ay dahil sa isa hanggang dalawang oras ang itinatagal ng assessment ng bawat bata. May mga activities at tasks na ipapagawa sa kaniya habang kinakausap ng doktor ang kaniyang mga magulang.
Sa bandang huli, sinabi sa amin na may global developmental delay ang anak namin. Pinakamababa ang score niya sa speech. Late din siya sa iba pang areas.
Ayon sa pedia, isa sa mga nakakahadlang sa development niya ay ang kanyiang screen time dependency.
Umiyak talaga ako noon. Sinisi ko ang sarili ko. Kung naging mas focused lang sana ako sa bata, hindi sana ito nangyari. Pero narealize ko rin na hindi naman ganun ‘yon.
There is no perfect mother, just real moms striving to juggle the day and get through all the chores and work loads kahit pa work from home, stay-at-home moms or working mommas.
Pero dahil alam ko na ang dapat kong gawin, hindi na ako nag-alinlangan. Naging firm ako na sa susunod na mga araw, hindi na siya manonood ng TV o ng kahit anong gadgets. Zero screen time talaga.
Mahirap sa umpisa, pero thankfully, pagkatapos ng isang buwan, kayang-kaya na niya ang no screen time.
Larawan mula sa author.
Zero screen time sa mga bata – tips ni Mommy Jessica
Paano namin napagtagumpayan ‘yon? Narito ang ilang tips na napatunayan naming makakatulong kung paano maaawat ang mga bagets sa gadgets.
1. Kung ayaw mo siyang manood, ‘wag ka ring manood.
Mahirap talaga ito. Isipin mo na pati ikaw, bawal manood. Sayang ang Netflix or cable subscription. Pero epektibo ang paraan na ito sa ‘min.
Kapag gusto talaga naming manood o may series kaming kinawiwilihan, papanoorin namin kapag tulog na siya. Ginagaya ng mga bata ang nakikita nila sa matanda, kaya kung mahilig kang manood or mag-cellphone, alam mo na ang sunod na mangyayari.
2. Iiyak at iiyak sila, pero panindigan mo.
Sa unang araw o linggo, siguradong panay iyak ‘yan. Not for the faint-hearted, ika nga. Pero maging matatag ka sa goal mo. Kung gusto mo, bawasan mo paunti-unti ng isang oras bawat araw hanggang tuluyan nang mawala ang screen time ng bata. Set your goals and time frame kung kailan mo gustong ma-achieve ito.
3. Let them process their emotions.
Dahil maliliit pa sila, bago pa sa kanila ang ilang emosyon tulad ng selos, galit at takot. Isipin mo, dati wala ka nitong mga ito tapos biglang nararamdaman mo na, minsan sabay-sabay pa. Tayo ngang mga matatanda, nakakaramdam ng burn out, paano pa kaya sila?
Ginamit ko ‘yong “the quiet place” tactic. Ilalagay ko siya sa isang sulok ng bahay at hahayaan siyang iproseso ang mga nararamdaman niya. Iiyak siya roon ng iiyak. Huwag mong pansinin at sabihing kakausapin mo siya kapag kalmado na siya. Gawin mo lang lagi ito.
Pagkatapos ay kausapin mo siya at ipaliwanag kung bakit mo dapat gawin ito. Matatalino sila, kaya maiintindihan ka ng iyong anak.
Paano ko nalaman na gumagana ang paraang ito? Noong mga sumunod na linggo, kapag naiinis siya, hindi na siya iiyak ng malakas. Kusa na siyang pumupunta sa kaniyang quiet place.
Pagkatapos niyang iproseso ang kaniyang emosyon, pupunta siya sa’kin at yayakapin ako. He will process his emotions and hug me after. Saka ko ipinapaliwanag sa kaniya bakit bawal ang mga bagay na gusto niya.
4. Prepare activities.
Mahalaga na mayroon kang mga gawain na pwedeng pumalit sa screen time ng bata. Narito ang ilang mga bagay na pwede niyong gawin:
-
Pwedeng magbasa ng libro.
Sa mga gabi, palaging tinatapon ng anak ko ang mga libro. Kaya mas okay kung mga board books ang bibilhin mo. Hindi naman kailangang bago.
Pero ipinagpatuloy lang namin ang pagbibigay sa kaniya nito. Ngayon, siya na ang kumukuha ng mga libro niya sa shelves. Minsan, may paborito na siyang libro kahit paulit-ulit pa sa loob ng isang buwan. Kahit nga yata nakapikit kaya ko na i-recite yung laman ng librong ‘yon.
Kahit sa timba lang pwede na. Kahit naliligo ay pwedeng may water activities tulad ng pagsasalin-salin sa baso ng tubig. Minsan, habang naliligo siya ay nagka-car wash pa siya ng sasakyan niyang laruan.
Larawan mula sa author
-
Tumakbo sa bakuran, mag-zumba, jumping rope at iba pa.
-
Magkulay. Magsulat.
-
Gumamit ng kinetic sand o clay (with supervision).
Minsan na kaming gumawa ng DIY slime at tuwang tuwa siya.
Makipaglaro ka sa kaniya. Kuntsabahin ang mga kamag anak at maglaro ng taguan. Marami na ngayong makikita sa internet na activities para sa mga bata.
Sa totoo lang, nakakapagod ang parteng ito. Pero kailangan mong gawin para hindi mabagot ang bata. Pwede ka namang mag-call-a-friend dahil baka ikaw naman ang ma-burn out.
BASAHIN:
Hindi raw dapat bigyan ng screen time ang babies, ayon sa WHO
4 na masamang epekto sa mata ng bata sa sobrang pagbababad sa gadget
Make the most out of screen time: 12 best shows for toddlers on Netflix
Magandang epekto ng no screen time sa bata
Matapos ang isang buwan, naging matagumpay kami sa Oplan No More Screen time. Napansin namin na may pagbabago sa kilos at pag-uugali ni Arya.
Narito ang ilan sa magagandang epekto na aming nakita:
1. Nagsasalita na siya.
Dati, zero talaga. Ngayon, kaya na niya sabihin ang dede, mga kulay, paborito niyang karakter tulad ni Spiderman, mga hayop, at iba pang bagay. Sobrang nagugulat ako na mula sa wala, dumami na ang mga alam niyang salita na hindi ko naman itinuro.
2. Mas gusto na niyang maglaro.
Aayain na niya akong lumabas sa bakuran para tumakbo. Hinihila pa niya ang mga upuan sa magkabilang dulo ng bakuran para maging start and finish line.
Walang araw na hindi siya nagkakaroon ng physical activity dahil mula sa panonood ng TV, napalitan na ito ng pagsusuot ng sapatos bilang senyales na gusto na niyang tumakbo sa tapat ng bahay namin.
Larawan mula sa author.
3. Tinatanggihan na niya ang TV ngayon.
Dahil kontrolado na niya ang panonood ng TV, matagal na ang isang oras bawat araw na nirekomenda ng kaniyang dev ped matapos ang ilang buwan na walang screen time.
Hinahayaan ko na siyang manood ng educational shows tulad ng ABC at Number Blocks. Natutuwa ako na wala pang isang oras ay inaabot na niya sa akin ang remote o siya na mismo ang magpapatay nito.
Hindi na rin siya umiiyak kapag sinabi kong, “No.” Sobrang sarap sa pakiramdam nito. May mga araw pa rin na hindi na siya nanonood at all.
4. Hindi na siya takot sa ibang tao.
Humihingi na ako ng tulong sa mga kamag-anak ko – minsan ay pinapapunta ko na ang nanay ko, mga kapatid at mga pamangkin ko dito sa bahay. Sinusundo namin sila mula sa kanilang bahay para ligtas pa rin sa kabila ng virus.
Kapag may trabaho ako, sila na ang nagbabantay kay Arya. Hindi ko na kailangang umasa sa TV o gadget para maging babysitter. Ngayon ay naiiwan ko na siya ng ilang oras sa mga kamag-anak ko kapag kailangan kong mag-grocery at iba pa.
5. Nag-improve ang kaniyang social skills.
Nagkakaroon na siya ng mga playdates. Mayroong anak ang kapatid ko na mas matanda lang sa kanya ng isang taon. Dati ay hindi siya umaalis sa tabi ko kapag may ibang tao, kahit pa bata.
Ngayon, excited na siya kapag darating ang pinsan niya para makipaglaro. Dahil rito, natututunan niya mula rito ang ilang salita. Ginagaya niya rito ang mga laro.
Natuto na rin siyang mag-share ng mga laruan niya. Na-develop talaga ang kaniyang social skills. Natatawa ako sa kanya minsan, kapag may dadating na delivery man ng pagkain, kahit mula sa pinto o sa bintana, babatiin niya ito ng “Hi,” o “Bye.”
Larawan mula sa author.
Sa totoo lang, sobrang laking effort at dedikasyon talaga ang kailangan para mapagtagumpayan ito.
Sa palagay ko, isa sa pinakamalaking dahilan bakit naging matagumpay kami ay dahil ginagalang ng asawa at mga kamag anak ko ang desisyon kong ito.
Hindi rin kami nakatira sa aming in-laws kaya ang mga rules namin ang nasusunod sa aming bahay. Dahil din dito, natuto kaming maging matatag o iisa lang ang desisyon. Malilito kasi ang bata kapag ang sabi ng nanay ay bawal ang screen time, habang sa tatay ay pwede.
Kaya sa mga kapwa ko nanay na gusto ring maging matagumpay sa less to no screen time sa bata, mahalagang magkaroon kayo ng gameplan para maging mas makayanan niyo ito.
TUNGKOL SA AUTHOR
Si Jessica Rose Tinio-Atalia ay isang work-at-home mom sa kaniyang anak na si Sen Arya. Sa kaniyang blog, ibinabahagi niya ang kaniyang mga karanasan bilang isang magulang. Naniniwala rin siyang hindi isang kabawasan ang pagiging isang ina.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!