Ano ang heat exhaustion at bakit delikado ito sa mga bata? Narito ang sagot at ang iba pang dapat mong malaman tungkol sa kondisyon na ito.
Ano ang heat exhaustion at ano ang kaibahan nito sa heat stroke?
Ang heat exhaustion ay kondisyon na nararanasan ng katawan bago ang heat stroke. Resulta ito ng overheating na nagdudulot ng labis na pagpapawis sa katawan. Kung ito ay mapabayaan, ang heat exhaustion ay mauuwi sa heat stroke na maaring makamatay.
Ayon sa Mayo Clinic, ang mga pangunahing sintomas ng heat exhaustion ay labis na pagpapawis, mabilis na pulso, pagkahilo basang balat, muscle cramps, nausea at pananakit ng ulo. Ito ay nararamdaman matapos ang isang physical activity o dahil sa mainit na panahon.
Hindi ito seryosong kondisyon, bagamat kailangan nito na agad na maagapan. Dahil kung hindi, ito ay mauuwi sa heat stroke. Ang kondisyon na kung saan ang katawan ay umabot na ang init sa 104 degrees Fahrenheit o mas mataas pa. Sa kondisyon na ito ay tumigil ng magpawis ang katawan. At nagsisimula na ang pagbabago sa mental state o maayos na pag-iisip ng isang tao. Bumibilis narin ang kaniyang paghinga pati na ang tibok ng puso.
Sa heat stroke ay maari na makaranas ng komplikasyon ang katawan. Tulad ng multi-organ failure na nagiging dahilan ng kamatayan.
Ayon naman kay Dr. Peter Sananman, assistant professor ng emergency medicine sa Penn Medicine, ito ang simpleng paliwanag sa pagkakaiba ng heat stroke at heat exhaustion.
“Generally, with heat exhaustion, a patient is sweating a lot, whereas with heat stroke, they’ve stopped sweating and are actually dry. It’s a good rule of thumb but isn’t always true.”
Ito ang pahayag ni Dr. Sananman.
Heat exhaustion sa baby at bata
Pero pagdating sa mga baby at mga bata ang mga sintomas na ito ay maaring mabago. Dahil maliban sa mga senior citizens, sila ay sinasabing pinaka-vulnerable na makaranas ng dalawang health-related illnesses. Ito ay dahil hindi pa well-developed ang natural ability ng kanilang katawan na kusang mag-cool down. Hindi rin sila pinagpapawisan ng maayos ng tulad sa matatanda. Ang resulta mas nakakapag-generate ng init ang kanilang katawan na dahilan upang sila ay makaranas ng overheating na nagdudulot ng heat exhaustion at heat stroke.
Kaya naman sa oras na mainit ang panahon, mahalagang bantayan nating maigi ang mga sanggol at maliliit na bata. Lalo na ang hindi pa marunong magsabi ng kanilang nararamdaman. Dahil sila ay maari ng makaranas ng heat exhaustion na dapat maagapan upang hindi mauwi sa nakakatakot na heat stroke at kamatayan.
Sintomas ng heat exhaustion sa bata at baby
Ang mga sintomas ng heat exhaustion sa baby at heat exhaustion sa bata na dapat bantayan ay ang sumusunod:
- Pananamlay o mukhang nagpapakita na hindi maayos ang kaniyang pakiramdam
- Pagiging irritable
- Maputla at malagkit na balat
- Antukin
- Kaunting basang lampin o diapers sa loob ng isang araw kumpara sa normal
- Matapang na kulay ng ihi
- Umiiwas na uminom o naiirita kapag nagkakaroon ng skin contact sa iba
- Labis na pagkauhaw na maaring mauwi sa paunti-unting pag-inom ng tubig
- Dry na balat, labi, bibig at mga mata o walang lumalabas na luha kapag umiiyak
- Malambot o nakalubog na bunbunan
Kung ang mga nabanggit na sintomas ay nadagdagan ng mga sumusunod, ito ay palatandaan na sila ay nakakaranas na ng heat stroke.
- Mataas na temperatura ng katawan
- Mabilis na paghinga
- Pagsusuka
- Pagkalito
- Kawalan ng malay o hindi pag-galaw kapag tinatawag o hinahawakan
Mga dapat gawin sa oras na makaranas ng heat exhaustion sa bata o baby ang iyong anak
Sa oras na makaranas ng sintomas ng heat exhaustion sa baby o bata ang iyong anak ay agad na dalhin siya sa ospital. At gawin ang mga sumusunod na pangunang lunas.
- Ilipat siya sa mas malamig na lugar o parte ng inyong bahay.
- Tanggalin ang mga ekstrang kasuotan sa kaniyang katawan.
- Bigyan ng maiinom ang iyong anak maliban nalang kung siya ay walang malay at hindi makalunok.
- Pasusuin ng pasusuin ang isang sanggol. Para sa mga sanggol na anim na buwan pataas at mga bottle-fed, ang pinalamig na pinakuluang tubig ay maari ring ibigay sa kanila.
- Ang mga bata ay dapat ding bigyan ng tubig o diluted fruit juice na kung saan mas marami dapat ang tubig kaysa sa juice.
- Basain o punasan ng basang tuwalya ang kaniyang katawan.
Sa oras naman na nagpakita na ng sintomas ng heat stroke ang isang bata o sanggol tulad ng kawalan ng malay ay ito ang maaring gawin:
- Basain o punasan ng basang tuwalya ang kanilang katawan lalo na ang mga kasingit-singitan.
- Kung sila ay conscious ay painumin sila ng tubig o fluid.
- Kung unconscious naman ay ihiga sila sa kanilang tagiliran Para sa mga sanggol na wala pang isang taong gulang dapa sila ay buhatin sa posisyon na kung saan ang kanilang ulo o mukha ay nakatingin pababa. Ito ay upang hindi sila ma-choke sa kanilang dila o masuka.
- Mag-perform ng CPR kung kinakailangan at dalhin sila agad sa ospital.
Paano maiiwasan ang heat exhaustion sa bata o sanggol
Ang heat exhaustion sa bata at baby ay maaring maiwasan. Narito ang mga hakbang na dapat tandaan:
- Painumin sila ng tubig o pasusuin sila ng madalas lalo na kapag mainit ang panahon. Isang indikasyon na nakakakuha ng sapat na fluid sa katawan ang isang sanggol ay ang 6-8 walang basang diapers sa loob ng 24 oras.
- Para sa mga sanggol na anim na buwang gulang pataas, maaring bigyan sila ng cooled boiled water matapos ang kada pagpapadede.
- Kapag mainit ang panahon ay maglagay ng towel o malamig na tela sa katawan sa pagitan mo at ni baby. Ito ay upang maiwasan na lalo siyang mainitan.
- Kung nagpapasuso ay dapat uminom lagi ng tubig.
- I-encourage ang maliliit na bata na uminom ng tubig kaysa fruit juices. Lalo na sa tuwing sila ay naglalaro.
- Pasuotin sila ng manipis at malamig sa katawan na kasuotan.
- Pasuotin sila ng sombrero kung lalabas sa mainit na panahon.
- Patulugin sila sa pinakamalamig na parte ng inyong bahay
- Punas-punasan sila ng basang tuwalya upang maginhawaan.
- Magbukas ng electric fan para siguradong mag-circulate ang hangin sa loob ng inyong bahay. Iwasang itutok kay baby ang electric fan at ingatan rin na maabot niya ito.
- Kung gagamit ng air conditioner siguraduhing hindi bababa ang temperatura nito sa 24-26 degrees Celsius.
- Sa oras na naglalaro ang iyong anak, siguraduhing mayroon siyang break para uminom ng tubig.
- Huwag iiwan ang baby o maliit na bata sa loob ng kotse ng mag-isa.
- Huwag rin silang tatakpan ng towel o lampin habang nasa loob ng sasakyan o habang nakasakay sa stroller. Mas nagdadagdag ito ng init sa kanilang katawan.
- Kung byabyahe kasama ang baby o maliit na bata mas mabuting bumayahe sa oras na hindi pa mainit o tirik ang araw.
Source:
Basahin:
Mga paraan upang maiwasan ang indoor heat stroke ngayong tag-init