Narito ang mga sintomas ng heat stroke sa bata na dapat bantayan upang mailigtas siya mula sa peligro nito.
Ano ang heat stroke?
Ang heat stroke ay ang uri ng stroke na madalas na nararanasan tuwing tag-init. Ito rin ang pinaka-seryosong uri ng heat injury na nangyayari kapag tumaas ng 40 degrees Celsius ang temperatura ng katawan. Isa itong medical emergency na nangangailangan ng agarang atensyon. Dahil kung hindi ito ay maaring agad na mauwi sa pagkasawi.
Ilan sa mga dahilan kung bakit nararanasan ang heat stroke ay ang matagal na exposure sa mainit na lugar o labis na physical exertion o activity. Ito ay nangyayari kapag nag-fail o hindi na maayos na gumagana ang ating hypothalamus. Ang rehiyon ng utak na nagsisilbing thermostat ng katawan at nag-cocoordinate ng ating physiological response sa nararamdamang init. Tulad ng pagpapawis, mabilis na paghinga, pag-didilate ng ugat at increased blood flow sa ating balat.
Ngunit kung labis-labis ang init ay maaring mabigo ang hypothalamus na mag-respond. At ito ay maaring mauwi sa heat stroke na susundan ng multi-organ failure na nagiging dahilan ng tuluyang pagkasawi.
Sino ang at risk sa heat stroke?
Walang pinipiling edad ang heat stroke. Bagamat ayon kay Dr. Nadia Alam isang physician mula sa Ontario Medical Association mas vulnerable rito ang mga bata at mga senior citizens. Dahil sa hindi pa well-developed ang natural ability ng katawan na i-manage ang init para sa mga bata. Habang ang kakayahan naman ng katawan na ito ay unti-unti ng humihina sa mga matatanda.
Mas prone rin sa heat stroke ang mga taong may iniinda ng ibang karamdaman o preexisting conditions tulad ng diabetes, heart problem, obesity o iba pang sakit na ang isa sa mga sintomas ay mataas na lagnat.
Ang heat stroke ay maaring maranasan sa loob o labas man ng ating bahay. O kahit saang lugar na kung saan may mainit na temperaturang hindi kakayanin ng katawan. Mahalagang malaman ang mga sintomas ng kondisyon upang ito ay agad na maagapan. Lalo na sa mga bata na minsan ay hindi pa marunong magsabi o mag-reklamo sa kanilang nararamdaman.
Sintomas ng heat stroke sa bata
Ang sintomas ng heat stroke sa bata at matanda ay pareho lang. Pero ayon parin kay Dr. Alam, isa sa mga palatandaan ng kondisyon sa mga bata ay kapag nagpapakita sila ng kakaibang gawi o unusual behavior. Tulad ng labis na pagpapawis habang paikot-ikot sa loob lang ng inyong bahay. O kaya naman ay ang labis na pagpapawis kahit ang isang bata ay nakaupo lang.
Maliban sa mga ito, ang ilan pang sintomas ng heat stroke sa bata na dapat bantayan ay ang sumusunod:
- Labis na pagpapawis
- Unusual sleepiness o biglang pagiging antukin
- Unability to cool off o sila ay hindi nagiginhawaan kahit nakapahinga na
- Dizziness o pagkahilo
- Nausea o pakiramdam na maduduwal
- Diarrhea o pagtatae
- Mabilis na paghinga
- Pamumula ng balat
Mga pangungang lunas sa heat stroke
Sa oras na makita ang mga sintomas ng heat stroke sa bata na nabanggit ay narito ang mga dapat gawin upang mailigtas siya mula sa peligro ng kondisyon ayon kay Dr. Alam.
“Get them to sit down, get them to rest, turn down the shades to block out the sunlight and bring down the temperature. You can even take a spray bottle with room-temperature water and spray them and fan them.”
Ito ang pahayag ni Dr. Alam.
Maliban sa mga nabanggit makakatulong rin kung tatanggalin muna ang mga excess clothing ng isang bata. Lalagyan ng ice packs o basang towel ang kaniyang leeg, ulo, kili-kili at iba pang kasingit-singitan ng kaniyang katawan.
Kailan dapat siya dalhin sa ospital?
Samantala, palantaan naman na dapat ng dalhin sa ospital ang isang bata kapag siya ay nagpapakita na ng mga sumusunod na seryosong sintomas ng heat stroke:
- Pagbabago sa kaniyang mental state tulad ng pagiging irritable, mainitin ang ulo, pagkawala sa sarili, pagwawala at pag-iyak.
- Seizures o biglang panginginig ng katawan.
- Coma o kawalan ng malay
Paano maiiwasan ang indoor heat stroke
Ang heat stoke ay maaring maiwasan. Kailangan lang isaisip ang mga sumusunod na paraan upang hindi malagay sa peligro ng kondisyon ang sinumang miyembro ng pamilya ninyo. Lalo na ngayon na mainit ang panahon at bawal lumabas ng bahay dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.
- Magsuot lang ng maluluwag o magagaan na damit sa katawan.
- Uminom ng maraming tubig o fluids para manatiling hydrated. Sa ganitong paraan ay ma-maintain ang normal body temperature ng katawan.
- Umiwas sa maiinit na lugar at mamalagi lang sa mahangin o mga lugar sa bahay na malamig o well-ventilated.
- Kung gumagawa ng physical activities ay bigyan ang sarili ng break o saglit na pahinga. Ito ay upang saglit na mailabas at mabawasan ang init sa katawan.
- Gumamit ng spray bottle, lagyan ng tubig at i-spray sa katawan upang maginhawaan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!