Anthony Taberna ibinahagi kung paano lumalaban ang eldest daughter niya sa sakit na leukemia.
Mababasa sa artikulong ito:
- Anthony Taberna shares story how daughter fights leukemia
- Ano ang sakit na leukemia?
Anthony Taberna to daughter fighting leukemia: “Pagsubok lamang ito, Anak… wag kang mawawalan ng loob”
Anthony with wife Rossel and daughter Zoey/ Image from Anthony Taberna’s Facebook account
Tayong mga magulang sa tuwing nagkakasakit ang ating anak kahit pangkaraniwang ubo lang ay lagi nating sinasabi na sana tayo nalang ang may sakit. Sana tayo nalang ang nahihirapan. Dahil mabigat at masakit sa atin na nakikita silang umiiyak at nahihirapan.
Para sa kilalang news anchor at ama na si Anthony Taberna ay ito rin ang mga salitang nabanggit niya. Ito ay habang nakikipaglaban sa sakit na cancer ang panganay niyang si Zoey.
“Kung puwede nga lamang, mailipat na sa akin ang sakit. Hindi naman ako ang may katawan, hindi naman ako ang maysakit kaya madali para sa akin na sabihing ‘pagsubok lamang ito, Anak… ‘wag kang mawawalan ng loob.’ Pero hindi ko alam kung ano ang nasa isip ni Zoey habang pinahihirapan ng cancer ang kaniyang murang katawan.”
Ito ang nasabi ni Anthony sa kaniyang pinaka-latest na Facebook post.
Sa parehong post ay inalala rin ni Anthony kung paano nila natuklasan na may malubhang sakit ang 12-anyos na anak.
Kuwento niya ay natuklasan nilang may leukemia si Zoey dalawang taon na ang nakakaraan. Nagreklamo siya sa labis na pananakit ng kaniyang hita at binti.
Noong una ay inakala nilang pangkaraniwang karamdaman lang ito. Pero matapos ang mga test at pagsusuri ng doktor kay Zoey lumabas na ito pala ay may leukemia. Isang balitang nagpaguho sa mundo ni Anthony at ng kaniyang asawa.
Mas masakit umano para kay Anthony ang tanong ng anak kung anong naging kasalanan nito at siya ay nagkasakit
Image from Anthony Taberna’s Facebook account
Para sa kanilang anak ay nilakasan ni Anthony at kaniyang misis na si Rossel ang loob nila. Bagamat hindi mawala sa kanilang isip ang takot na baka anumang oras ay mawala sa piling nila ang anak.
“Bilang magulang, matinding kaba at takot ang naramdamdaman naming mag-asawa ngunit pinipilit ikubli ang damdaming iyon kay Zoey upang huwag siyang panghinaan ng loob.
Pero habang nakikita namin siyang nahihirapan, may hapdi at kirot na nararamdaman at unti unti ay bumabagsak ang kaniyang katawan. Hindi mapigilang mag-alala noon na mawala sa amin si Zoey.”
Pero maliban dito, sabi pa ni Anthony kung may isang bagay na lubos na nagpapabigat sa kaniyang loob ay ang mga katanungan ng anak.
Tulad na lang sa kung bakit ito nakakaranas ng matinding sakit at kung may nagawa ba siyang kasalanan kaya nararanasan niya ito.
Makalipas ang dalawang taon. Sa kabila ng mga tanong, hirap at sakit, ay nagpapasalamat si Anthony sa milagro ng Diyos. Sapagkat muli nang bumalik ang lakas ng anak.
Bagama’t patuloy pa rin siyang sumasailalim sa chemotherapy ay naging masigla na ito at naniniwala siyang malapit ng tuluyang gumaling.
Kaya naman labis-labis ang pagpapasalamat ni Anthony sa Diyos na naging sandalan ng kanilang pamilya sa napakahirap na bahagi na ito ng kanilang buhay. Ganoon din sa mga taong ipinagdasal ang kaniyang anak.
Sa dulo ng malungkot niyang pag-alala sa sakit na nilalaban ng anak ay masaya niyang binati ito at ipinabatid ang kaniyang pagmamahal.
“Zoey, mahal na mahal ka namin Anak. Happy “2nd birthday.”
Ito ang sabi pa ng amang si Anthony Taberna sa anak niyang si Zoey na nakikipaglaban pa rin sa sakit na leukemia.
Anthony Taberna with wife and kids Zoey and Helga/ Image from Anthony Taberna’s Facebook account
BASAHIN:
Anthony Taberna, ibinahagi ang pinagdaraanan ng anak na may leukemia
Neonatal Leukemia: Everything you need to know about this cancer that can afflict newborns
1-anyos na baby, nagka-leukemia matapos magkaroon ng sepsis
Ano ang sakit na leukemia?
Ayon sa Mayo Clinic, ang sakit na leukemia ay isang uri ng cancer na tumatama sa blood-forming tissues ng katawan. Kabilang na ang bone marrow at lymphatic system.
Sa ngayon, hindi pa tukoy ng siyensya ang pinagmumulan ng sakit. Ngunit ito raw ay nagde-develop mula sa kombinasyon ng genetic at environmental factors.
Maraming uri ng leukemia, ngunit ang mga pangunahing sintomas ng sakit ay magkakatulad at ito ang mga sumusunod:
Early symptoms ng leukemia
- Lagnat at pangangatog ng katawan.
- Madalas na pagkapagod at panghihina ng katawan.
- Madalas at malalang mga impeksyon.
- Biglang pagbawas ng timbang.
- Kulani o kaya naman ay enlarged liven o spleen.
- Mabilis na pamamasa o pagdurugo.
- Paulit-ulit o napapadalas na pagdurugo ng ilong.
- Malilit na red spots sa balat.
- Matinding pagpapawis lalo na sa gabi.
- Paninigas at pananakit ng buto.
Kung sakaling makaranas ng mga nabanggit ay mabuting magpunta at magpatingin na sa doktor. Ito ay upang agad na matukoy ang iyong kondisyon at malapatan na ito ng lunas na kinakailangan.
Tulad ng iba pang uri ng cancer ay wala pang gamot sa sakit na leukemia. Bagama’t may mga procedure na maaaring gawin para mapigilan pa ang pagkalat ng sakit sa katawan at tuluyang mapatay ang cancer cells.
Isa na nga sa mga procedure na ito ay ang chemotherapy na madalas na nagdudulot ng hair loss o pagkakalbo ng mga taong nakikipaglaban sa sakit.
Source:
Anthony Taberna’s Facebook Post, Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!