Ang isang taong gulang na si Fletcher Smith ng Bridgwater, Somerset ay nagkaroon ng sepsis. Nakuha niya ito mula sa naging reaksiyon ng kanyang katawan sa bulutong. Ilang araw lamang matapos makauwi, siya ay nakitaan ng ilang sintomas ng leukemia sa baby. Ang bata ay kasalukuyang ginagamot ang kanyang myeloid leukemia nang hindi sigurado sa kahihinatnan. Alamin natin ang kanyang kwento at ang mga sintomas ng leukemia sa baby na ito.
Fletcher Smith
Ang isang taong gulang ay nagkaroon ng bulutong na nakuha mula sa kanyang mga ate. Subalit, sa loob ng ilang araw, namaga ang ulo ng bata na naging dahilan para isugod siya sa ospital. Ayon sa kanyang mga magulang, sobrang namaga ang ulo ng bata na tila ito ay naging lobo. Hindi niya rin mabukas ang kanyang mga mata at sumama ang pakiramdam dala ng iba’t ibang gamot na nakukuha.
Ang bata ay nagkaroon ng sepsis. Ito ay nangyayari kapag ang katawan na may nilalabanang impeksiyon ay inatake ang sariling mga laman loob at tissues.
Matapos ang isang course ng IV na antibiotics, pinayagan nang makauwi ang bata.
Subalit, ilang araw na nakauwi ang bata, sobrang tumaas ang temperatura nito. Ang sanggol din ay namutla at naging masyadong maselan. Nang suriin ang bata, napag-alaman na mayroon ulit itong sepsis. Nilabanan ulit ito ng bata sa ikalawang pagkakataon.
Nang mapansin ng mga duktor na anaemic ang sanggol, sinuri ang kanyang full blood count. Hindi malinaw ang naging resulta. Dahil dito, siya ay inilipat sa Bristol Children’s Hospital para masuri ang kanyang bone marrow. Dito napag-alaman na ang bata ay may myeloid leukemia.
Anim na oras pa lamang matapos simulan ang chemotherapy, ang tibok ng puso ni Fletcher ay naging sobrang bilis. Sumama rin ang kanyang pakiramdam at nakaranas ng malubhang pananakit ng tiyan. Sa kanyang ikalawang chemotherapy, ang kanyang nanay at mga kapatid ay nanatili sa kanyang tabi. Ang kanyang ama rin ay tumigil muna sa trabaho para mamalagi sa tabi ni Fletcher.
Si Fletcher ay mananatili nang pitong buwan sa British Royal Hospital for Children para sa kanyang paggagamot. Subalit, hindi parin malinaw ang kahihinatnan ng bata.
Myeloid leukemia
Ang acute myeloid leukemia ay isang uri ng kanser sa dugo. Nagsisimula ito sa mga bagong white blood cells sa bone marrow ng tao. Sa UK, nagkakaroon nito ang isa sa 200 na lalaki at isa sa 255 na babae. Kada taon, nasa 19,500 ang naire-report na kaso nito sa US. Kadalasan itong nakikita sa mga matatanda.
Kadalasan itong ginagamot sa pamamagitan ng chemotherapy. Ngunit, maaari ring kailanganin ng bone marrow o stem cell transplant.
Mga sintomas ng leukemia sa baby
Ang mayroong myeloid leukemia ay maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkapagod
- Lagnat
- Madalas na pagkakaroon ng impeksiyon
- Madaling pagkakaroon ng pasa at pagdurugo
- Paggaan ng timbang
- Pananakit ng mga buto at kasukasuhan
- Pagkawala ng paghinga
- Pamamaga ng abdomen
- Pamumutla
Mga nagdudulot ng panganib
Hindi parin malinaw ang dahilan ng pagkakaroon ng myeloid leukemia. Subalit, ito ay nauugnay sa mga sumusunod:
- Paninigarilyo
- Pagiging overweight
- Pagkakalantad sa radiation
- Pagkaranas sa chemotherapy
- Problema sa dugo tulad ng myelodysplastic syndrome
- Problema sa immune system tulad ng rheumatoid arthritis
Ayon sa ina ni Fletcher, marami pa silang pagdadaanan at alam nilang may mga parating pang masmahirap na araw. Sila ay nagsisimulang tumanggap ng mga donasyon bilang pangpondo sa pagpapagaling ni Fletcher. Nagbukas sila ng GoFundMe account para sa bata.
Source: DailyMail
Basahin: Alamin ang sintomas ng sepsis, at kung paano ito maiiwasan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!