Aplasia Cutis Congenita, ito ang initial findings sa kondisyon ni Baby Ja’bari Gray matapos maipanganak na walang balat ang ilang parte ng kaniyang katawan.
Baby na may bibihirang kondisyon
Unang araw ng taon ng 2019 ng ipinanganak ang baby boy na si Ja’bari Gray na may bigat na 3lbs o 1.36 kilos lang. Ipinanganak siya sa pamamagitan ng emergency caesarean section delivery sa kaniyang 37th week. Ito ay dahil hindi na nadadagdagan ang kaniyang timbang at ang heart rate niya ay bumababa na.
Mula nga ng maipanganak si Baby Ja’bari ay dalawang beses palang siya nahahawakan ng kaniyang ina na si Priscilla Maldonado, 25 years old. Dahil pagkapanganak ay dineretso agad si Baby Ja’bari sa neonatal intensive care unit (NICU) dahil sa kondisyon niya.
Kuwento ng mga doktor, walang balat ang karamihan ng parte ng katawan ni Baby Ja’bari kabilang na ang dibdib, likod, balikat at kaniyang mga braso.
Tandang-tanda daw ni Priscilla noong ipinanganak niya si Baby Ja’bari, hindi niya daw ito narinig na umiyak at agad na nakita.
Unang beses daw na nakita ni Priscilla si Baby Ja’bari ay nasa NICU na ito na balot ng dressings ang katawan. Lalo na sa mga parte ng katawan niya na walang balat. Tanging ang mukha, ulo at ilang parte ng legs lang nito ang makikitaang walang takip.
Nang makita niya daw ang katawan ng anak na walang balat ay inilarawan niyang mapula ito at kitang-kita ang mga ugat.
Dahil sa kondisyon ay kinailangang mabigyan ng complex care si Baby Ja’bari sa ospital para makaiwas sa impeksyon. Nilagyan rin siya ng breathing tube para tuluyang mabuhay at pain medication para sa sakit.
Aplasia Cutis Congenita
Ayon sa initial findings ng mga doktor na tumingin kay Baby Ja’bari ang kondisyon niya ay maaring isang kaso ng aplasia cutis congenita. Isang kondisyon na kung saan ipinapanganak ang isang sanggol na walang balat sa kaniyang anit ngunit maari ring mangyari sa iba pang parte ng katawan.
Ayon sa NIH o US National Library of Medicine, ang aplasia cutis congenita ay maaring tumama sa isa sa kada 10,000 na newborn.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan ng aplasia cutis congenita. Ngunit ito daw ay maaring dulot ng maraming factors tulad ng genetics, teratogens exposure habang ipinagbubuntis ang sanggol, compromised vasculature sa balat at trauma.
Treatment sa kondisyon ni baby
Dahil sa kumplikadong sitwasyon ni Baby Ja’bari ay ipinayo na ng mga doktor na tumitingin sa kaniya na tanggalin na ang life support ng sanggol. Ngunit hindi pumayag ang ina nitong si Priscilla at inilipat si Baby Ja’bari sa isang ospital na mas matutulungan umano ang anak niya. Ito ay ang Texas Children’s Hospital sa Houston.
Mula ng Abril ay nasa pangangalaga na ng ospital si Baby Ja’bari na kung saan nilalagyan ng special skin grafts ang mga parte ng katawan niya na walang balat.
Ang skin grafts ay mula sa piraso ng balat na kinuha sa likod ng tenga niya at pinatubo ng isang biopharmaceutical company sa isang lab sa Massachusetts.
Sa ngayon, ay unti-unti ng umaayos ang sitwasyon ni Baby Ja’bari. Unti-unti naring nababalutan ang parte ng katawan niya na walang balat sa tulong ng skin grafts.
Ngunit, palaisipan parin sa mga doktor ang tunay na dahilan ng sakit ni Ja’bari. Inakala din ng mga doktor na maaring isang kaso ito ng sakit na Epidermolysis bullosa. Isa itong rare genetic condition na nagiging dahilan para maging fragile o sensitive ang balat tulad ng butterfly wings. Pero ayon sa latest update ay nag-negative sa ginawang genetic testing para sa sakit na epidermolysis bullosa ang mga magulang ni Ja’bari.
Hindi pa man matukoy magpahanggang ngayon kung ano talaga ang kondisyon ni Baby Ja’bari, isa lang ang layunin ng mga dotor na tumitingin sa kaniya. Ito ay ang matulungan siyang gumaling, maiaalis sa kritikal na kondisyon na kinalalagyan niya at patuloy na mabuhay para sa mga taong nagmamahal sa kaniya.
Source: Live Science, NIH, Today, GARD
Basahin: Pantanggal ng pimples, maaaring magdulot ng birth defects sa ipinagbubuntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!