8 rason kung bakit nawawalan ng gana na magtalik ang mag-asawa

Kailangan ba ng araw araw na pakikipagtalik upang maging mas masaya ang mga mag-asawa? Ating alamin kung ano ang epekto ng sex sa kaligayahan ng mag-asawa

Posible pa ba ang araw-araw na pakikipagtalik? Alamin kung bakit nawawalan ng gana sa sex ang mag-asawa.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Gaano kadalas magtalik ang mag-asawa?
  • Bihira nang mag-sex? Narito ang ilang posibleng dahilan

Kung tatanungin mo ang mga mag-asawa kung gaano sila kadalas magtalik sa isang buwan, siguradong iba-iba ang makukuha mong sagot. Ang iba siguro ay nagagawa pa ang araw araw na pakikipagtalik, pero ang iba siguro ay masuwerte na kung magawa ito ng isang beses sa isang buwan.

Ngunit mayroon ba talagang dalas pagdating sa pakikipagtalik? Dapat ka bang mag-alala kapag hindi na kayo nakakapagsex ng iyong asawa nang madalas?

Gaano kadalas magtalik ang mga mag-asawa?

Bagama’t hindi naman ito ang pinaka-importanteng bahagi ng buhay mag-asawa, hindi maikakaila na mahalaga pa rin ang pakikipagtalik upang mapagtibay ang kanilang relasyon.

“Closeness and connection is a human need,” paliwanag ni Dr. Sanam Hafeez, isang licensed clinical psychologist sa New York City. “When in a long-term relationship, it’s important to reconnect through sex. The brain chemicals released during sex further enhances bonding,” dagdag niya.

Posible ba ang araw-araw na pakikipagtalik?

Bawat relasyon ay kakaiba, kaya naman hindi pwedeng maihalintulad ang relasyon mo sa iyong asawa sa buhay mag-asawa ng iba.

“We have lots of expectations about how relationships are ‘supposed’ to look,” ani naman ni Dr. Logan Levkoff, isang eksperto sa human sexuality, marriage and family life education sa New York University. “Many times, this fairy-tale model doesn’t mimic our lives or our realities,” dagdag niya.

Kaya kung iniisip mo na pwede na ang araw-araw na pakikipagtalik kapag ikinasal ka na, maaring hindi mangyari ang iyong inaasahan, depende sa sitwasyon niyong mag-asawa.

Gaano kadalas magtalik ang mag-asawa, ayon sa survey

Ayon sa isang survey na isinagawa noong taong 2018 sa 660 mag-asawa:

  • 25% ang nagtatalik ng isang beses sa isang linggo
  • 16 % ang nagtatalik ng 2 -3 beses sa isang linggo
  • 5% ang nakakapagtalik ng mahigit 4 na beses sa isang linggo
  • 17% ang isang beses sa isang buwan lang makapagtalik
  • 19% ang nagtatalik ng 2 – 3 beses sa isang buwan
  • 10% ang mahigit isang taon nang hindi nagtatalik at
  • 7% ang nakapagtalik ng 1 – 2 beses lang sa loob ng isang taon

Mayroon namang isang pag-aaral na nagsasabing ang average na adult ay nakikipagtalik ng humigit kumulang 54 beses sa isang taon, o isang beses sa isang linggo.

Ngunit sa kabila ng mga pag-aaral na ito, ang dalas ng sexual interactions o pagtatalik ay hindi naman magandang sukatan ng kaligayahan ng isang mag-asawa.

Mayroong mga mag-asawang madalas magtalik (o kahit araw-araw pa) subalit hindi naman masaya sa kanilang mga pagsasama. Subalit mayroon ring mga mag-asawang kuntento sa kanilang relasyon kahit isang beses sa isang buwan o isang beses sa isang linggo lang makapag-sex.

“It’s important to know that a normal sexual frequency is determined by what the couple agrees is mutually satisfying,” ani ng  sexologist na si Shamyra Howard. “Sexual frequency is not an indicator of sexual satisfaction,” paalala niya.

Bakit nawawalan ng ganang magtalik ang mag-asawa

Gaya ng nabanggit, walang eksaktong bilang kung ilang beses dapat magtalik ang mag-asawa. Maaring hindi sila mag-sex araw-araw o linggo-linggo, basta’t nagkakaintindihan sila sa bagay na ito.

Ang problema ay kapag dumadalang ang pagtatalik ng mag-asawa, at hindi nila napag-uusapan ang dahilan kung bakit nananamlay ang kanilang sex life. Ang sex ay mahalaga ay buhay mag-asawa dahil nagbibigay ito ng koneksyon at napapaigting ang kanilang pagsasama.

Kaya naman ang kawalan o pagdalang ng sex ay maaring magdulot ng problema sa isang relasyon, lalo na kung hindi ito napag-uusapan nang maayos.

Narito ang ilang posibleng dahilan kung bakit nawawalan ng ganang magtalik ang mag-asawa:

  • Nawala na ang kilig sa kanilang pagsasama.

Maaring sa tagal ng kanilang pagsasama at sa mga problemang pinagdaanan nila, nawalan na ng puwang ang romansa sa buhay ng mag-asawa. May mga mag-asawa na parang roommates na lang ang trato sa isa’t isa. Napag-uusapan ang pera, pero ang sex, hindi. Hindi na rin sila nasasabik kapag nakikita ang kanilang mga kabiyak.

  • Laging pagod ang mag-asawa.

Tulog is life ba, mommy? Dahil sa trabaho at mga responsibilidad sa bahay, pati na rin pag-aalaga sa kanilang mga anak, maaring mas gusto na lang nilang magpahinga kaysa lambingin ang kanilang asawa.

Wala namang masama kung mas pipiliin mong matulog na lang dahil sa sobrang pagod, pero alam ba ng iyong asawa ang dahilan mo? At kung madalas itong mangyari, baka dapat ay pag-usapan niyo ito.

  • Hindi sila confident sa kanilang katawan.

Maaring dahil sa panganganak o sa tagal na rin ng inyong pagsasama ay nawala na ang magandang hubog ng iyong katawan. Maraming babae ang nagiging conscious sa kanilang hitsura o pangangatawan kaya nawawalan ng gana sa sex, sa takot na hindi na sila kaakit-akit para sa kanilang asawa.

BASAHIN:

8 na dahilan kung bakit mahalaga sa mag-asawa ang “eye contact” sa pagtatalik

Mom confession: “I never say no to my husband—pagdating sa sex”

Yummy pa ba ang asawa mo? 24 funniest answers ng mga moms

  • Nakakaramdam sila ng sakit sa pakikipagtalik.

Kung nakaranas ka ng sakit noong huling beses mong makipagtalik, maaring natatakot kang maulit ang pangyayaring ito kaya ayaw mo nang makipag-sex ulit. Para sa ganitong kaso, mas mabuti kung kakausapin mo ang iyong partner tungkol dito para alam niya ang hindi dapat gawin. Maari rin naman kayong sumubok ng ibang posisyon sa susunod.

  • Sawa na sila sa kanilang nakagawian.

Sa mga mag-asawang matagal nang nagsasama, maaring naging boring na ang kanilang usual routine pagdating sa sex. Kung paulit-ulit na kayo ng ginagawa at mga posisyon, posibleng hindi na nae-excite ang iyong partner kaya nawawalan ng gana sa sex.

  • Wala na silang tiwala sa kanilang partner.

Ang sex ay isang napaka-intimate na gawain sa pagitan ng dalawang tao lamang, lalo na sa mag-asawa. Kung nagkaroon ng pagtataksil sa relasyon, maaring mawalan ng gana ang isang tao na makipagtalik sa kaniyang partner dahil sa kawalan ng tiwala sa kaniya.

  • Bad hygiene ng kanilang asawa.

Kahit gaano katagal na kayong magkasama, ang proper hygiene (o kakulangan nito) ay isa sa mga sensitibong paksa na mahirap pag-usapan, lalo na pagdating sa sex. Paano mo sasabihin sa iyong asawa na hindi mo gusto ang amoy niya kaya ayaw mong maging malapit sa kaniya? Dapat maging maingat ang mag-asawa sa pagtatalakay ng ganitong issue.

  • May sama ng loob sa isa’t isa.

Bagamat walang kinalaman sa pagtatalik ang hindi pagkakaintindihan ng mag-asawa, maari pa rin itong maka-apekto sa kanilang sexual connection. Kung mayroong galit o sama ng loob ang isa, posibleng mahirapan siya na maging malambing sa kaniyang asawa.

Paano manunumbalik ang init sa kanilang sex life

  • Sumubok ng isang bagong bagay pagdating sa sex.

Sawa na ba kayo sa mga posisyon na madalas niyong ginagawa? Bakit hindi niyo subukan ang ibang posisyon? Nagawa niyo na ba ito nang naka-blindfold ang isa? Pwede niyo ring palitan ang inyong scenery at sa halip na mag-sex sa inyong kwarto ay gawin ito sa ibang bahagi ng bahay (siguruhin lang na tulog na ang mga bata!).

Wala namang masama kung mag-eexplore kayong mag-asawa. Isa itong paraan para malaman niyo ang gusto ng isa’t isa pagdating sa sex.

  • Gawin ang mga ginagawa niyo bago kayo ikasal.

Naalala mo pa ba noong teenagers pa lang kayo at hindi pa magkasama sa isang bubong, sabik na sabik kayo sa bawat yakap, at matitindi ang mga patagong halik. Subukan niyo ring sariwain ang mga sandaling iyon. Hindi kailangang mauwi ang lahat sa pagtatalik.

Subukan mong halikan o yakapin muli ang iyong asawa tulad noong unang nagsisimula pa lang kayo. Maaring makatulong ito para manumbalik ang excitement sa inyong relasyon.

  • Huwag kalimutang i-date ang iyong asawa.

Gaano man kayo kaabala sa inyong mga trabaho o gawaing-bahay, dapat ay bigyan niyo pa rin ng oras ang isa’t isa. Ipaalaga muna sa mga lolo’t lola ang mga bata at mag-date kayong mag-asawa.

Kailangang buhayin muna ang romansa at kilalanin niyong muli ang isa’t isa para maging palagay kayo pagdating sa pagtatalik. Ito rin ang pagkakataon niyo para ikuwento sa iyong partner ang iyong mga fantasies pagdating sa sex.

Gayundin, kung magde-date kayo, siguruhing mag-ayos at gawing kaakit-akit ang sarili para ganahan ang iyong asawa. Huwag mo ring kalimutang purihin o bigyan ng compliment ang iyong partner para sa kaniyang effort sa pag-aayos.

  • Maging konektado, kahit sa mga gawaing-bahay.

“Foreplay starts in the kitchen,” ayon sa isang kasabihan.

Sa relasyon ng mag-asawa, ang koneksyon ay hindi nagsisimula sa oras ng pagtatalik, kundi sa pagtrato at pagpapahalaga mo sa iyong asawa sa buong araw.

Paano nga namang gaganahan makipagtalik si misis kung pagod na siya sa pagtapos ng mga gawaing-bahay ng mag-isa? Tulungan siya sa kaniyang mga tungkulin. Ituring itong bonding activity niyong dalawa. I-compliment siya at bigyan ng mahigpit na yakap o halik sa pisngi para ipakitang naa-appreciate mo ang kaniyang mga ginagawa.

  • Humingi ng tulong mula sa eksperto.

Sa mga mag-asawa na nagkaroon ng matitinding problema gaya ng trust issues o extra-marital affairs, mahalaga na maayos niyo muna ang mga pinagmulan ng inyong pagiging malayo sa isa’t isa. Maaring makatulong na kumausap sa mga eksperto upang malagpasan niyo ang matitinding pagsubok sa inyong pagsasama.

Kung mayroon kayong mga medikal na kondisyon o psychological differences na nakakasagabal para magkaroon kayo ng masayang sex life, huwag mahiyang kumonsulta sa isang marriage counselor o sex therapist.

Hindi kailangan ang araw-araw na pakikipagtalik para magkaroon ng magandang sex life ang mag-asawa. Mas importante ang komunikasyon, pagtitiwala at koneksyon niyo sa isa’t isa.

Karagdagang ulat ni Camille Eusebio

Sources:

Men’s Health, NBC News,  Mind Body Green, Psychology Today

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara