Parati na lang ba mag-isa ang iyong anak kahit pa sa mga gathering or events? Alamin sa artikulong ito kung nagpapakita na ba siya ng sintomas ng avoidant personality disorder.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang avoidant personality disorder
- Sintomas ng AVPD
- Epekto ng AVPD sa buhay ng isang tao
Everything you need to know about Avoidant Personality Disorder
Madaling nagkakaroon ng kaibigan ang mga bata lalo na kung mayroong social gathering o events katulad na lang ng mga birthday parties. Kung minsan pa nga mayroon lamang makitang laruan na gusto mula sa ibang bata ay nagiging way na ito para magkausap sila. Kumbaga ay wala pa kasing awkward na feeling para sa kanila ang makipag-usap sa ibang tao unlike sa adult na maraming kino-consider.
Sa ilang mga bata naman, mayroong hirap talagang makipagkaibigan o makipag-usap man lang sa mga ganitong sitwasyon. Kung isa ang anak mo sa nakararanas ng ganito, may posibilidad daw na mayroon siyang avoidant personality disorder o AVPD, ayon sa experts.
Avoidant Personality Disorder
Tumutukoy ito sa isang disorder kung saan nahihirapan ang isang tao na magkaroon ng positive at healthy na relationship sa ibang tao. Mayroon kasing pakiramdam ng extreme shyness at kahirapan na makipag-usap nang casual ang mga taong may ganitong klase ng personality disorder. Madalas na natatakot ang mga taong ito na makaranas ng rejection kaya naman gumagawa na sila ng barrier dahilan upang hindi sila makabuo ng relasyon sa iba.
Naniniwala ang mga eksperto na dulot daw ito ng nature at nurture sa mga taong nakapaligid sa isang bata. May mga pagkakataon daw na maaaring inborn ang pagiging mahiyain nang sobra ngunit malaki rin daw ang factor ng kinalakhang environment kaya nadedevelop ang ganitong kundisyon.
Maaari raw nakaranas sila ng hindi tamang parenting mula sa mga magulang. Pwede ring karanasan mula sa bullying kung saan naramdaman nilang nahuhusgahan sila o iba ang turing sa kanila kaysa sa ibang bata.
Nagsisimula raw magpakita ang sintomas nito sa pagkabata at unti-unting nakikita lalo hanggang sa pagtanda. Pagdating daw ng adulthood, madalas na nahihirapan nang bigyan ng lunas dahil ilang taon na ang nagdaan nang hindi ito naaagapan. Kaya nga tinatayang nasa 2.5% naman umano ng adults ang mayroon na nito.
Symptoms of AVPD
Narito naman ang ilan pa sa mga sintomas kung mayroong avoidant personality disorder. Kung ang isang bata raw ang mayroon ng apat dito ay maaaring mayroon na nga siya ng ganitong kundisyon:
- Tumatangging mag-engage sa ibang bata kung hindi sila siguradong gusto sila nito.
- Nahihirapang mag-relax sa mga social gatherings dahil sa takot na ma-reject o hindi magustuhan.
- Mayroong negative na perception sa kanilang personality at social skills.
- Nakararanas ng labis-labis na pagkahiya kaya hindi na nila sinusubukan ang iba pang mga activities.
- Nagkakaroon ng pakiramdam ng pagkahiya kahit pa sa intimate relationship nila dahilan upang malimitahan ang kanilang pag-eengage sa mga ito.
Effects of AVPD in Life
Katulad ng ibang mga sakit at kundisyon, hindi birong bagay ang AVPD. Malaki ang maaaring maging epekto nito sa bata habang tumatanda. Narito ang ilang sa maaaring maranasan nila kung sakaling mayroon nito:
- Kawalan ng healthy relationship na maaaring mapagsandalan sa oras na kailangan nila ng kausap.
- Pagkakaroon ng limitasyon sa career choices dahil sa risk ng social engagement.
- Nahihirapan sa mga activities na kinakailangan ng teamwork o collaboration.
- Labis na pagkatakot na magkaroon ng kakilala sa school o sa work.
- Pagkawala ng maraming opportunities dahil sa kawalan ng kakayahang lumabas sa kanilang comfort zone.
- Pagde-develop ng dependent personality disorder kung saan nagiging takbuhan nila ang isang tao lamang dahil doon lang sila siguradong tanggap sila.
- Nagiging masyadong hypervigilant sa behavior ng mga tao sa kanilang paligid.
- Nakararamdam parati ng discomfort at tension sa tuwing may taong hindi nila kilala.
Treatment of AVPD
Maraming tao na mayroong disorder na hindi nila alam na mayroon na sila nito. Hindi katulad ng ibang personality disorder, ang mga taong may AVPD ay alam nilang kailangan nila ng tulong. Nare-recognize kasi nila na nami-miss out na nila ang pleasure ng social connection. Mare-realize rin nilang hindi nila nararanasan ang bonding sa ibang tao.
Ang maaaring maging treatment para sa avoidant personality disorder ay therapeutic interventions. Kinakailangan daw nila magkaroon ng chance na makausap ang isang health professional na eksperto dito.
Sa session daw na ito matutulungan silang makapagbigay ng accurate na interpretation ng emotions at behaviors ng ibang tao sa tuwing nakikisalamuha sila. Sa ganitong paraan matututunan nila ang effective na social skills upang makapagsimula ng isang relasyon sa ibang tao.