Maraming iba’t ibang uri ng bullying ang maaaring maranasan ng tao. Samantala, dahil sa masusing pag-aaral at eksperimento ay nakakatuklas sila ng paraan kung paano maiiwasan ang bullying.
Mababasa sa artikulong ito:
- Uri ng bullying
- Tips para makaiwas sa bullying
- Apat na bagay na dapat ituro sa bata para hindi ma-bully
- Sanhi ng bullying sa loob ng paaralan
- Hakbang na maaaring gawin ng mga paaralan sa isyu ng bullying
Ang bullying sa paaralan ay maiiwasan umano sa pamamagitan ng pagturo ng apat na bagay sa bata, ayon sa isang school psychologist.
Uri ng bullying
Walang pinipiling kulay, edad o kasarian. Bata man o matanda, lalaki man o babae. Lahat ng tao ay posibleng maging biktima ng bullying.
Narito ang mga uri at halimbawa ng bullying:
1. Pisikal na pambu-bully (Physical bullying)
Dito pumapasok ang pananakit katulad na lamang ng paninipa, pangungurot, pagtulak, o pagsira sa gamit ng iba. Ang pisikal na pambu-bully may maaaring magkaroon ng panandalian o pangmatagalang epekto sa isang tao na naging biktima nito.
2. Berbal na pambu-bully (Verbal bullying)
Ito ay ang pang-aapi na hindi ginagamitan ng dahas kundi salita. Halimbawa nito ay pang-iinsulto, panunukso, pagbabansag ng mga hindi kanais-nais na mga salita.
Ang ganitong klase ng pambu-bully ay hindi makakaapekto sa pisikal na pangangatawan ng isang tao. Subalit malaki ang maaaring maging epekto nito sa pangkaisipan aspeto ng biktima.
3. Social Bullying
Kung ikukumpara sa dalawang uri na nauna, mas mahirap itong tukuyin. Dahil ang intensyon ng pambu-bully na ito ay para ipahiya at sirain ang reputasyon ng isang tao.
Dito papasok ang pagsisinungaling at pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa tao, pagbibitiw ng mga hindi magandang biro na ang intensyon ay mamahiya, manggaya ng hindi maganda, at panghihikayat sa ibang tao na itakwil at ipahiya ang partikular na tao.
4. Cyberbullying
Ang cyberbullying ay uri ng pambu-bully kung saan ang intensyonal na paninira at pananakit ay nagaganap sa pamamagitan ng paggamit ng computer, cellphone, gadgets, at iba pang electronic devices para sa social media.
Ang mga halimbawa nito ay ang paghahatid ng mga mapang-abuso at mapanakit na mga imahe, video, posts, texts, at emails. Dagdag pa rito ang panggagaya at paggawa ng maling kwento at impormasyon tungkol sa ibang tao upang i-post at ipakalat sa internet.
Dahil isa ang bullying sa mga isyu at problemang kinakaharap ng mga tao lalo’t higit na sa mga paaralan, narito ang ilan sa mga paraan kung paano makakaiwas sa bullying ang inyong mga anak.
Ang bullying sa paaralan ay maiiwasan umano sa pamamagitan ng pagtuturo ng apat na bagay na ito sa mga bata, ayon sa isang school psychologist.
Tips para makaiwas sa bullying sa paaralan ang iyong anak
Ayon kay Izzy Kalman, isang school psychologist, educator at author ng librong Bullies to Buddies: How to Turn Your Enemies Into Friends, ang golden rule para makaiwas sa bullying sa paaralan ang iyong anak ay ang ituring na kaibigan ang mga kapwa niya batang nambu-bully sa kaniya. Ayon pa rito, huwag maging defensive o sumama ang loob sa pang-aasar na ginagawa sa kaniya.
Bagama’t mahirap gawin, sinubukan niyang ituro ang approach na ito sa kaniyang anak at magmula noon ay naging less target na ng bullying ang anak niya.
Payo niya sa kaniyang anak,
“If they say they don’t want to play with you, say very politely, ‘It’s a free country. It’s O.K. if you don’t want to play with me.’ Then find something else to do.”
Dagdag pa ni Mr.Kalman ay dapat din umano matuto ang mga batang resolbahin ang sarili niyang problema. Hindi raw dapat nakikialam ang mga matatanda sa isyu ng pangbu-bully puwera nalang kung may physical attack na nangyari. Sa ganitong paraan ay mas natututo ang bata sa pagharap sa mga social challenges na magpapatatag sa kaniya.
Ngunit dapat din umano ay iwasan ng mga magulang na pagalitan ang anak sa pagsasabi ng negative words. Dahil isa rin sa mabisang paraan para makaiwas sa bullying sa paaralan ang ang isang bata ay kung alam niyang gamitin ang “freedom of speech” na magtatanggol sa kaniyang sarili laban sa mga bully.
4 na bagay na dapat ituro sa bata para hindi mabully
Larawan mula sa Shutterstock
Ayon pa rin kay Mr.Kalman, may apat na bagay na dapat ituro ang mga magulang sa kanilang mga anak para hindi na sila mabully sa kanilang eskwelahan. Ito ay ang sumusunod:
1. Ang dahilan kung bakit sila nabu-bully ay dahil mas pikon o mas madali silang asarin.
2. Dapat hindi sila magpa-apekto o sumama ang loob sa mga sinasabi sa kanila.
Dapat matutunan nilang mahalin ang kanilang sarili at maging confident para hindi sila asarin at maging mahina sa paningin ng nambu-bully sa kanila.
Kaya naman sa pagkakataon na sila ay tinatangkang i-bully ay dapat matuto silang harapin ito sa cool at maayos na paraan.
Tulad na lamang kapag sinabihan sila ng mataba. Imbis na sabihing “Hindi ako mataba” o kaya naman ay patigilin ang pang-aasar sa kaniya. Mas mabuti daw isagot ang ganitong approach ayon kay Mr. Kalman.
“Masuwerte ka dahil payat ka dahil karamihan ng mga tao ay masama ang trato sa mga matataba.” O kaya naman ay “Mahal ko ang katawan ko pero kung ayaw mo, ayos lang naman sa akin hindi ako apektado.”
3. Ang paglaban o pagiging defensive sa mga pang-aasar o pambu-bully sa isang bata ay mas nagpapalala lang sa bullying sa paaralan na puwedeng gawin sa kaniya.
Tulad na lang kapag sinabihan siya ng ganito, “Narinig ko kay Tessa na nangopya ka sa exam.” Imbis na sabihing “Hindi totoo ‘yan, hindi ako nangopya!”
Mas mabuti raw na sagutin niya ito sa ganitong paraan. “Talaga? Naniniwala ka ba?” kapag sinagot siyang “Oo” ay sagutin niya naman na “Bahala ka, kung iyan ang gusto mong paniwalaan.”
4. Sa pamamagitan ng hindi pagpapakita ng pagka-asar o pagkapikon sa pambu-bully sa kaniya ay hindi nagtatagumpay ang mga bully at hindi na uulitin na asarin pa siya.
Tulad na lang sa ganitong sitwasyon:
Bully: “May party ako at hindi ka invited.”
Imbis na sagutin ng “Napakasama ng ugali mo!” o “Wala naman akong balak pumunta sa party mo!” ay mas mabuting sagutin siya sa ganitong paraan: “Kung hindi ako imbitado, hindi ako pupunta. Sana maging masaya ang party mo.”
Bagama’t ang approach na ito ay para lang sa mga verbal style of bullying, makakatulong naman ito para makaiwas ang iyong anak na maging possible target ng bullying sa paaralan.
Ngunit kung ang pambu-bully ay may halong pisikal na ay dapat mo na itong panghimasukan at gawin ang kinakailangang paraan para siya ay maprotektahan.
BASAHIN:
Ito ang epekto sa bata kapag binu-bully siya ng kaniyang kapatid, ayon sa study
8 posibleng rason kung bakit nagiging bully ang isang bata
Ito ang nagiging epekto ng pambu-bully sa utak ng iyong anak
Sanhi ng bullying sa loob ng paaralan
Upang magkaroon ng solusyon ang isang problema, mahalaga ang sapat na kaalaman sa kung ano ba ang ugat o pinagmulan nito.
Mayroong ilang maituturing na sanhi kung bakit ito pinagmumulan at nauuwi sa bullying.
1. Mahina o mababang pagtitiwala at pagpapahalaga sa sarili (low self-esteem)
Ito ay dahil ginagawang paraan ng mga bully ang mam-bully upang kanilang maramdaman na sila ay may kakayahan at kapangyarihan laban sa ibang mag aaral.
Bukod pa rito, ginagawa nila itong daan para makapanlamang at manakot ng kapwa nila estudyante. Dito sa maling paraan nila natatamo ang kanilang tapang at lakas ng loob.
Larawan mula sa Shutterstock
2. Dominant na personalidad
Ang ibang bullies ay kilala at may pag-iisip na mayroon silang impluwensya sa iba. Kaya naman nagkakaroon sila ng lakas ng loob na hamakin ang kanilang kapwa mag-aaral na tingin nila ay mas mahina at ‘di kilala kumpara sa kanila.
3. Peer pressure at pagnanasa na maging kabilang
May ilang bullies na hindi naman komportable sa kanilang ginagawa. Subalit dahil sa impluwensya ng mga tao sa paligid at hangad na tanggapin ng iba ay nakagagawa sila ng mga bagay na hindi kanais-nais.
4. Wala maayos na suporta mula sa mga guro
Estudyante ang kauna-unahang naaapektuhan kapag hindi binibigyan ng atensyon ng paaralan ang isyu tulad ng bullying.
Maaaring isipin ng mga ba na normal at katanggap-tanggap ang ganitong bagay kung ang tagapamahala at mga guro sa paaralan ay isinasa-walang bahala lamang ang ganitong usapin.
Ano nga ba ang maaaring hakbang ng paaralan upang mahinto ang bullying?
Gaya ng mga nabanggit sa itaas, hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na ang bullying ay isa sa mga malaking problema na kinakaharap ng mga estudyante.
Subalit upang ito ay mabigyan ng solusyon, malaki ang magagawa ng pagkakaisa mula sa paaralan, guro, magulang at mga estudyante tungo sa iisang hangarin – ang matigil ang bullying sa loob ng paaralan.
Marami na ang sumubok na gumawa o maglaan ng programa kung saan ay mayroon magsasalita at mangangaral ukol sa isyu ng bullying.
Larawan mula sa Shutterstock
Ngunit ayon kay Catherine Bradshaw, isang senior associate dean sa University of Virginia, “We can’t teach math overnight,”
“Hindi natin maituturo ang matematika ng isang gabi,”
Iba’t iba ang kaso ng bullying sa bawat lugar, gayon din sa bawat paaralan. Upang ito ay mabigyang solusyon, masusing pag-aaral mula sa partikular na lugar, tao, at mismong paaralan ang kailangan.
Importante na may alam at kaisipan ang institusyon at mga guro sa ugat at pinagmulan ng bullying.
Dahil sa parteng ito papasok kang paano nila matutulungan at maturuan ang mga estudyante ukol sa social at emotional intelligence.
Bukod pa rito, mahalaga din na mayroong malinaw na patakaran at pamamaraan na umiiral sa loob ng paaralan ukol sa isyu ng bullying.
At ang pang-huli ay ang pagpapakalat at pangunguna ng positibong paligid at mga tao para sa mga estudyante na malaki ang magiging impluwensya sa kanilang pag uugali at buhay mag aaral.
Sources:
The New York Times, National Centre Against Bullying, Today, Classroom
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!